Tuesday, January 27, 2004

Mhl

"Kmsta"
ang ibg sbhin
ng 1 miskol
s umga, mhl.
Ang 2'y
"yngat ka."
1 miskol
s tnghli'y
"Kumain knb?"
S gb'y
"M22log nko."

Ang 1 miskol
na issgot mo'y
"Mbuti"; "Oo";
"Gud nyt".
2 kpag
"Mis kta",
at 3,
3ng miskol mhl
anumng oras i
"I luv u."

Pgkat mhl ko,
pg-ibg mn nti'y
wlng presu,
ang 1ng text msg
i pso.



Monday, January 26, 2004

The Batibot Entry

1.
Ako muna.

Kilala niyo ako,
kilala niyo ako
ako'y isa sa kapitbahay
kapitbahay, ninyo

Tayong lahat:

Ako ay kapitbahay,
laging handang
laging handang
tumulong
sa inyo

Ako uli mag-isa:

Kilala niyo ako,
kilala niyo ako
ako'y isa sa kapitbahay
kapitbahay,
ninyo.


O mga bata, kilala niyo na ba kung sino ako? TAMA! Ako'y isang guro. Nagtuturo sa mga batang katulad niyo!

2.
Isdadada isda
isdadada isda isda
isda, isda, isda

isdadada isda
isdadada isda isda
isda, isda, isda

3. Isang walis tambo (bog!)
dalawang walis tambo (bog!)
apat na walis tambo (bog!)
limang walis tambo (bog!)
anim na walis tambo (bog!)
pitong walis tambo (bog!)
walong walis tambo (bog!)
siyam na walis tambo (bog!)
sampung walis tambo (bog! bog! bog!)

4. Tinapang bangus,
tinapang bangus
Kaysarap ng tinapang bangus!
Pong: Aba Kiko! Ang sarap ng tinapang bangus no?
Kiko: Aba tama ka diyan Pong! masarap ang tinapang bangus!

Tinapang bangus,
tinapang bangus
kaysarap ng tinapang bangus!

5. malayo.

MALAPIT.

malaaaaa-yo.

MA.LA.PIT.

malayo. MALAPIT.

6. O baby baby baby
My baby baby
Wu she bu neng shi ki ni,
hisashu misashi
kuang kuwang ni

7. Ispageting pababa,
pababa nang pababa
ispageting pataas
pataas nang pataas!
Awwwwwww!
makinig kayo!

8. Wan plas wan, equals tu
tu plas tu, equals por
por plas por, equals eyt
doblehin ang eyt
TAYO'Y MAG OCHO OCHO O!
OCHO OCHO O!
OCHOOCHO NA!

9. Hoyhoyhoyhoyhoyhoy
(hoyhoyhoyhoyhoyhoy!)
Hoyhoyhoyhoyhoyhoy
(hoyhoyhoyhoyhoyhoy!)

10. Ito ang beat sabay sabay
Ito ang beat walang sablay
pabilis nang pabilis wag magmimix
wag magmimis
gets mo na?
gets ko na!

aaaaahhhh! Coca cola!


Mga kaibigan, panahon na naman nina Kuya Bodjie at Ate Siena.

Thursday, January 22, 2004

Paumanhin sa mga kaibigan kong taga-PUP, pero

PUPtang ina

Mapapamura din kayo kung sa inyo nangyari ang naranasan namin ng kapatid ko sa PUP noong isang araw. Pumunta kami doon para kunin ang kanyang transcript, honorable dismissal at card. Kailangan na kasi ng kapatid ko iyon para makapag-enroll sa ibang pamantasan.

Dumerecho kami sa Receiving Office para ipakita ang claim slip na dala ng kapatid ko. December pa lang ay nakapagrequest na siya at ayon sa slip na iyon ay kukunin na lang niya ang kanyang mga papeles sa nasabing opisina. Pero hindi pala ganoon kasimple yun. Kailangan niya raw ipakita ang kanyang resibo, sabi ng naiiritang clerk. Hinahanap namin ang resibo nang maisip kong hindi ba kaya nga may claim slip na ang kapatid ko ay dahil naibigay niya na ang resibo? Pinabalik ko ang kapatid ko sa window kung saan itinuro siya sa kabilang window ng naiirita pa ring clerk. Ngumisi naman si clerk number 2 at sinabing sa registrar's office daw kinukuha iyon.

Punta naman kami ng registrar's office. Pagkatapos ng sampung minuto sa pila ay kinuha ni clerk number 3 ang claim slip, tumingin sa ilang folder at pagkatapos ay sinabihan kaming wala raw ang mga dokumento roon. Tanungin daw namin ang Receiving Office kung saan nila pinadala ang mga dokumento.

Balik kami sa Receiving office. Ako na ang nagsabi ng sinabi ni clerk number 3 kay clerk number 2. Nagtext siya sandali tapos sinabi sa aking sigurado daw silang napadala na sa Registrar's ang mga papeles ng kapatid ko.

Registrar's uli. Iba naman ang naisip ni clerk number 3. Pumasok daw kami at tanungin si clerk number 4. Pagdating namin sa loob, bago ako makapagsalita ay itinuro sa amin ni clerk number 4 ang mga nakatambak na folder. Hanapin daw namin doon. Hinanap namin, at wala ang mga papeles. Pagkatapos sinabi niyang "Ay, iba pala ang hinahanap niyo. Akala ko yung mga nandyan. Pakitanong si clerk number 5." Itinaas ni clerk number 5 ang kanyang tingin. Tumingin tingin sa ilang folder, at sinabi sa aming "Baka hindi dito pinadala. Kasi kung pinadala dito, nandito yun. Pakitanong uli..."

Sa Receiving office, pumasok na kami ng kapatid ko para tanungin ang isang mukhang personnel head. Nakatawa niyang pinakinggan ang mga sinabi namin at nagsabing "Kasama ka kasing pumasok e. Kaya hindi kayo inentertain. Dapat kapatid mo lang ang pumasok para asikasuhin siya." Sasapakin ko na sana yung mama, kaya lang naisip kong baka lalong hindi makuha ng kapatid ko ang kailangan niya.

Pumunta kami uli sa Registrar's, at kapatid ko lang ang pinapasok ko. Mula sa labas ay nakita ko siyang dinadaan daanan ng mga clerk, hanggang may isang tumingin sa kanya at tinanong niya. May tiningnan silang isang log book, at pagkatapos ay lumabas ang kapatid kong maluha luha. Sabi daw sa kanya ni clerk number 6, nasa logbook na si clerk number 7 ang nakatanggap ng papeles niya. Pero hindi na raw pumapasok si clerk number 7.

Wala akong dalang granada, kaya nag-isip na lang ako ng ibang paraan. Naisip ko na baka pwedeng ipaforward na lang ang mga papeles sa pamantasang pupuntahan ng kapatid ko. Pasok ako ng Registrar's at nagtanong kay clerk number 8. Pangalawang salita ko pa lang ay nakaturo na siya sa Admission Office.

Sa admission Office, malayo si clerk number 9 sa window kaya kinailangan kong itapat ang mukha ko sa mababang butas ng window. Hindi niya ata ako naintindihan kaya pumasok na lang ako sa opisina para maghanap ng ibang matatanungan. Sa loob, may kausap ang sekretarya. Pinag-uusapan nila kung paano makakarequest ng bagong table, kung bakit kailangan nang palitan ang kanilang table. Pagkatapos may dumating pa at pinag-usapan naman nila kung gaano kagaling ang kanilang head magrequest ng mga table. Mukhang mahaba pa ang kanilang usapan kaya lumapit na ako at nagpaumanhin. Pagkatapos ng una kong pangungusap, nakaturo na ang kamay ni clerk number 10(yung nagsasalita tungkol sa pangangailangang magrequest ng bagong table) sa window kung saan naroon si clerk number 9. Hinila ko na ang kapatid ko palabas. Sabi ko sa kapatid ko, "Buti pala nag-drop ka na sa school na ito e." Pero cool lang, cool lang dapat.

Balik kami sa Registrar's. Sabi ko sa kapatid ko pakiusapan mo yung katable ni clerk number 7 na baka naman pwedeng kunin niya na lang ang dokumento para sa kapatid ko at sabihan na lang si clerk number 7. Tawagin natin siyang clerk number 11. Mabait naman si clerk number 11, pero may kailangan daw na form mula sa Receiving.

Takbo kami sa Receiving. Binigyan kami ni clerk number 2 ng form pagkatapos magtext. Takbo naman sa Registrar's. Sabi ni clerk number 11, kailangan pa daw ang pirma ng principal ng high school na pinanggalingan ng kapatid ko. Woooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooooo
kkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkkk
eeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee
yyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyy
yyyyyyyyyyy
yyyyyyyyyyyyyyyyyy.

PUPtang ina talaga.

Monday, January 12, 2004

May magpapari sa bahay namin. Oo, meron, pero hindi ako at ang tatay ko. Ang tinutukoy ko ay si Greg, isa sa mga ipinadala ng Sta Teresita parish sa lugar namin para sa kanilang immersion program. Dalawang buwan siyang lalagi sa amin para maranasan ang "buhay mahirap".

Bakit ganito? Ang lugar kasi namin ang pinaka(ilagay lahat ng politically incorrect term dito i.e. maraming adik, maraming mahirap, nalimutang lugar, madilim) sa aming barangay. Squatter's area. Para marating ito, kailangan mong umakyat sa mga hagdan at dumaan sa pasikut sikot na mga eskinita. Hindi ka puwedeng gumamit ng kotse dahil wala kang madadaanan at paparadahan. Hindi tuloy namin alam kung saan padadaanin ang bumbero kung sakaling magkasunog sa o kaya sunugin ang aming lugar. Walang grocery sa amin, walang bakery, walang internet rental at walang tindahan ng school supplies kaya kapag nangailangan ka, kailangan mong bumaba (Mataas ang lugar namin; tinatawag din itong tarikan). Tuwing may okasyon (piyesta, Pasko, Bagong Taon, Mahal na Araw, birthday, kasal, binyag) ay nagpapatayan ang mga lasing sa amin (pero walang namamatay). Ang mga national past time ay 1) nonstop tong-its; 2) street Bingo; 3) inuman to death; 4) tsismisan habang nagpapasuso ng anak; at 5) paggawa ng anak na pasususuhin habang nakikipagtsismisan (sampu na ang inaanak ko). Kaya siguro natural lamang na sa amin ipinadala itong mga gustong maging career ang pagpapari.

Nilinis ng kapatid ko ang bahay namin para sa pagdating ng bisita. Naglabas ang nanay ko ng sariwang kumot at punda sa unan bago siya namalengke. Inayos ko ang mga libro kong nakakalat at inilagay sa labahan ang mga nabaon sa limot na T-shirt ko sa gilid gilid ng aking kuwarto.

At dumating na nga si Greg. Dumeretso sila ng nanay ko sa kusina para magluto ng pananghalian. Ginisang tambakol na may petsay ang kanilang niluto. Paglabas ko ng kuwarto ay nakipagkamay ako sa kaniya, at nakita kong nakahanda na ang mesa - may serving spoon ang bawat sandukan at may timplang juice sa tabi ng bawat plato. Hindi ko alam pero parang may nagsabi sa aking buksan ko ang computer para makanood kami ng pelikula habang kumakain.

Mukha namang masaya ang aming bisita sa kanyang unang araw bilang "mahirap".

Thursday, January 08, 2004

Hindi Ako IN

Pagkatapos ang napakahabang pagmumuni-muni at pagpapabalibaliktad sa salamin, natanggap ko na ang katotohanan.

Hindi ako marunong magocho-ocho.

Alam ko naman ang gagawin. Dapat baba ng likod at hindi balikat ang pagalawin. Pero sadyang hindi lang kaya ng katawan ko ang kayang gawin ng katawan nina Bayani, Gary V at ng mga Gee Girls.

Sa aming magkakapatid, ako lang ang hindi marunong magocho-ocho. Idinagdag ko na iyon sa listahan kung bakit hindi ako IN sa kanila:

1. Hindi ako babae (Sila lang ang may kapatid na lalake. Ako wala.)
2. Nababaduyan ako sa Westlife.
3. Nagagandahan ako kay Aubrey Miles. (Wala daw korte ang katawan, maliit at hindi rin siya marunong...)
4. Hindi ako marunong magocho-ocho.

Nung bagong taon, nasa labas sila ng bahay, malapit pero malayo sa akin, at sinalubong nila ang 2004 ng sabay sabay na ocho-ocho. Naalala ko ang mga hitong tinanggal sa tubig nang minsang magpunta ako sa palengke. Nasa loob lang ako ng bahay, tumatawang mag-isa. Hinagisan ko sila ng maraming bariya para tumigil sa pagsayaw at pumulot sa lupa. At least, kahit sandali, naging IN ako.

***

Meron na nga palang cheese curls na Ocho-ocho. May drowing na Bayani, Mahal at Mura, John, Randy at Willie sa harap, at pangakong "free toys and cash" sa mga piling pakete. Kinakain ng kapatid ko kahapon ng umaga. Pinagalitan ko siya dahil hindi pa nagaalmusal ay may hawak nang chichiria.

Tuesday, January 06, 2004

O sige nga update nga tayo.

Balik Eskuwela na naman si G. Jamendang

Pasukan na naman siyet.

Nagulat ako kanina dahil hindi naginarte ang body clock ko. Pagbangon ko, wala, tuloy tuloy lang, parang araw araw ko pa ring ginagawa ang pagpasok. May jeep agad sa kalayaan, at nakaupo ako sa MRT. Hindi matrapik sa Aurora. Pag ganitong napakadali ng umaga kinakabahan ako dahil alam kong may mangyayaring masama.

Pagdating ko sa kagawaran, pahinga muna sa cubicle, ligpit dito, ligpit doon, bati ng hapi new year sa mga katrabaho. Inisip ko na ang mga jokes ko para sa klase: Isusulat ko sa board (gaya ng palagi kong ginagawa),

NGAYON:
Mangungumusta (ako),
magbabalik-aral (tayo),
panayam (ko),
birthday (Sharon Cuneta)

Tapos aalis muna ako para magCR at mabasa ng mga estudayante ang sinulat ko. Matatawa sila, naisip ko, at magiging maganda ang kanilang mood para sa aking heavygat na lecture. Tatanungin ko sila kung "nagpaputok" sila kasama ang kanilang mga mahal sa buhay, at makikipagbolahan ako sa kanila ng ilang minuto bago magbigay ng balik aral. Magandang plano 'di ba?

Pero no reaction silang lahat. Lahat ng nakatingin sa akin tiningnan ko sa mata at tinanong pero ibinaba lang ang tingin. Akala pa ng isa binobosohan ko siya. Pati 'yung katabi niyang nakaturtle neck nagtakip ng dibdib.

Sabi ko, okey, hindi na nga ako magpifeeling close at magsimula na lang tayo. Tanungan naman. Board talk ang atake ko sa araw na iyon kaya tanong ako nang tanong sa kanila. Pero walang nagsasalita. Kahit pinakaleading na tanong ko walang kumagat. Pero okey lang, tuloy tuloy lang ako, gumagana ang isip ko kahit nawawalan na ako ng gana. Tapos pak! naalala ko kung bakit nakangiti 'yung isang estudyante ko kanina nang makita niya ako mula sa pinto ng CR. Nasa CR ng girls ako kanina! At nakangisi ang estudyante ko. Wala na. Nawala na ako.

Direk, pwede bang retake?

***

So, kamusta naman bakasyon ko? Hindi ako nagupdate ng blog a.

Mamaya na, mag-iisip pa ako ng joke para sa susunod kong klase e.

...


Magocho ocho kaya ako?