Monday, May 11, 2009

Hay!Men! Ang daming galit sa atin!

Kung ako ang tatanungin? Sexist at homophobic ang blog namin. Oo naman. Tumpak. Korek. Trulalu.

Sexist at homophobic ba kami at ang mga mambabasa namin? Yun ang mahirap sagutin.

In the first place, problematiko ang mga salitang sexist/homophobic/macho/misogynist. Masyadong simplistiko at mapaglahat. Bulag sa iba pang dimensiyon ng identidad, at may pagpapalagay na solido at walang kontradiksiyon sa personalidad ng bawat indibidwal. Hops, hindi ko sinasabing walang bisa ang mga terminolohiyang yan. Ang ibig kong sabihin: panahon na para pag-isipang muli ang mga terminolohiyang yan. Dagdagan kung kinakailangan.

Halimbawa: galit ako sa mga babaeng walang ginawa kundi bumili ng damit at uminom ng kape at magpunta sa gym at magbilad sa beach. Galit ako sa mga baklang gumagastos ng libu-libong piso para magdisenyo ng Christmas tree na ipakikita sa mga host ng lifestyle channel. Kung pagiging sexist at homophobic ang tawag dun, sure, sige, uhuh, sexist at homophobic ako.

Halimbawa: hindi ako palaging ganun. Kapag nakakita ako ng babaeng walang ginawa kundi bumili ng damit at uminom ng kape at magpunta sa gym at magbilad sa beach, baka mahalin ko siya sa iilang minutong nakikita ko siya. Siguro ilang minuto pa pag-uwi ko sa bahay. Kung may makakuwentuhan akong baklang gumagastos ng libu-libong piso para magdisenyo ng Christmas tree na ipakikita sa mga host ng lifestyle channel na mahilig din pala kay Haruki Murakami o kaya sa X-men, baka ituring ko siyang matalik na kaibigan sa iilang minutong magkausap kami. Nagsusulat ako ng thesis ngayon tungkol sa kasarian. Sa klase, itinuturo ko ang pemenismo at queer theory. Sinasagot ko ang tatay ko pag inaapi niya ang nanay ko. Niyayakap ko ang mga kaibigan kong bading kapag sa wakas ay nakitang muli.

Ito ang problema ko sa peminismo at queer theory: Mahal ko ang mga nagturo nito sa akin. Pinaunlad ng mga teoriyang ito ang pagkatao ko. Sa mga klase, nahihiya ako sa pagiging lalaki ko kapag pinag-uusapan namin ang pagkaapi at pagkasantabi ng mga babae at bakla sa lipunan. Pero hindi ako lubusang nasangkot. Hindi ko kasi nakita nang malinaw ang konek ng mga identidad na tinalakay sa sarili kong karanasan bilang lalaking heterosekswal. Bilang isang panganay na anak na lalaki. Bilang isang junior. Bilang isang (ex)boyfriend. Bilang isang lalaking estudyante at guro ng panitikan at kulturang Pilipino. Bilang isang Juan de la Cruz.

Hindi kasi ako babae. Hindi rin ako bakla. At sa tingin ko, kahit ilang libro pa ang basahin ko tungkol sa teoriyang pangkasarian, hindi ko kailanman talagang mauunawaan kung paano maging babae o bakla. Sa tingin ko rin: hindi kailanman lubusang mauunawaan ng babae at bakla kung paano maging lalaki.

Sa Pilipinas, bago lang itong pag-iisip ng lalaki tungkol sa lalaki, para sa lalaki. Karamihan sa mga aklat tungkol sa lalaki, isinulat ng babae o bakla. Para sa akin, mapapayaman ang pagtatalakay at pag-unawa sa lipunang Pilipino kung maidaragdag ang punto de bista ng mga lalaki sa usapin ng kasarian.

Ito ang dahilan kung bakit interesante para sa akin ang Hay!Men! Bagamat napakaraming problema ng blog na ito, nabibigyang diin rin ang ilang mahalagang bagay (na sa totoo lang, sinabi na ng ilang pemenista at queer theorist) na nalilimutan ng maraming "peminista" at "queer theorist".

1. Maraming klase ng lalaki, katulad ng maraming klase ng babae, bakla at lesbian. Nagiging malinaw ito kapag sumalikop ang kasarian sa iba pang aspekto ng identidad. May lalaking lower class, middle class, upper class, kristiyano, muslim, pilipino, intsik, bosconian, bata, matanda, emo, etc. at may hirarkiya ang mga uri ng pagkalalaking ito, depende sa konteksto. Para mapanatili ang hirarkiya, kailangang igiit ang pagpapahalaga, para mawasak ang hirarkiya, kailangang kontrahin ang pagpapahalaga ng dominanteng uri (middle class: huwag kang sexist, huwag kang dugyot, sumunod ka sa batas; lower class: pakshet kang putangina mo, adik ako, gugulpihin ko ang asawa ko. May matutuhan tayong lahat sa BASTOS, lalo na kung lalampasan natin ang mga ngayo'y komportable at dominanteng paliwanag na natutuhan natin sa mga paaralan.)Ang usaping pangkasarian ay hindi lang tungkol sa kasarian. Bastos kami? Bastos kami sa inyong mga nakapag-aral. Bastos kami sa inyong nakababad sa mga dominanteng institusyon. Oo, inaamin kong may problema ang ginagawa namin pero may problema rin ang simplistikong pagbasa niyo sa amin. Mag-usap kaya tayo?
2. Sabi ni John Fiske: Popular culture contradicts itself. Sabi ko: Masculinity contradicts itself. May mga entry na progresibo, may mga entry na regrisibo; may mga entry na progresibo pero binasa bilang regresibo, may mga entry na regresibo pero binasa bilang progresibo; progresibo kahapon, regresibo ngayon, progresibo bukas; regresibo sa iba, progresibo sa iba, ano ba talaga koya
3. Kailangan ng mga bagong kategorya para pangalanan ang karanasan sa panahon ngayon na lalong tinatarget ng konsumerismo ang lalaki (axe, high endurance, fix hair gel, clear for men, metrosexual, FHM), may mga bagong papel ang lalaki (ang tatay na naiwan sa bahay ng asawang OFW), nagiging objectified ang lalaki (bench models), etc. Sa Hay!Men!, may mga "bagong" kategorya: tunay na lalake, di tunay na lalake, under consideration. Pansinin na anumang kategorya ka timbangin, lagi kang kulang. O lalaki, tinimbang ka ng kapitalismo, kulang ka. Tinimbang ka ng pemenismo at queer theory, kulang ka. Pati ba naman sa kapwa mo lalaki, kulang ka pa rin?
4. Imposible (pantasya? Pangarap? Ideyal?) ang hinihingi ng lahat ng front sa lalaki, kaya kailangan niya talagang pumili at maging inconsistent para hindi siya mabaliw. Sa peer pressure ba? Sa pemenismo at queer theory ba? Sa kapitalismo ba? Depende sa kanyang espesipisidad, pero usually damaging at offensive ang napipili niyang response. Ang mungkahi ko: ituring ang Hay!Men! bilang sintomas ng mas makapangyarihang mga puwersa o institusyon. Huwag ipapasan ang daigdig sa blog na ito, tingnan ang mga estrukturang dahilan kung bakit posible at nakakaaliw ang blog na ganito, kahit damaging at offensive. Para naman madagdagan ang pagpipilian ng mga lalaki.

Sino na nga ba ang nagsabing bentang benta ang mga bagay na bastos sa Pilipinas dahil ang bastos bastos lang talaga ng mga nangyayari sa bansang ito? Sinungaling ang presidente, ang daming namamatay sa gutom, walang teksbuk at klasrum ang mga estudyante, gustong maging kongresman ng isang boksingero…alam mo na ito. Alam mong hindi tama ito. Alam mong mas bastos pa ang mga ito kaysa sa kahit anong DVD na mabibili mo sa iyong suking pirata. Alam mong wala nang babastos pa dito dahil TOTOONG NANGYAYARI ANG MGA ITO. Ano kayang konek ng blog namin dun? Hindi ko pa alam ngayon. Gusto ko pang obserbahan ang tunaynalalake blog. Sana huwag muna siyang mamatay.

Yun muna siguro. Sa mga nag-iisip tungkol sa Hay!Men!, gusto ko kayong makakuwentuhan. Siguro kapag hindi na mainit ang ulo niyo.

26 Comments:

At 9:29 AM, Anonymous Anonymous said...

Hi Yol,

tutal nabuksan na ang diskurso, i would suggest gawa kayo ng sticky post sa TnL at doon talakayin yung mga ganitong isyu.

Kung kailangang i-moderate para masala ang mga name-callings at simplistic shits (na mangyayari at mangyayari), gawin niyo. Para lang matutukan yung core issues at hindi ma-side track ng mga simplang pang-aasar.

Interesting itong tinatakbo ng mga nakaraang issue sa TnL.

Marami tayong matutunan dito.

Nice read.

congrats sa TnL.

 
At 10:40 AM, Anonymous Anonymous said...

Hm. Tingnan nga natin.

So ginawa at pinagpatuloy ninyo ang TnL para may space para mapag-isipan ng mga tao kung ano ang offensive, kung ano ang sexist, kung ano ang bastos?

E sa dinami-dami ng kagaguhang nangyayari sa bansa, di pa ba sapat yun? Andyan ang Wowowee, dadagdag pa kayo.

AT ang pinakamalala, sinusubok pa ninyong pagkakitaan. So asan doon ang mga sinasabi mo dito?

-Chris Torres

 
At 10:49 AM, Blogger Unknown said...

Sir Yol, cool ka lang...........

 
At 10:53 AM, Blogger Unknown said...

sir yol, saludo pa rin ako sa kagalingan mong magpahatid ng mensaheng nasa tamang lapat.... Ipagpatuloy ang TnL blog.

 
At 11:24 AM, Anonymous Anonymous said...

astig. una ko ring naisip na bastos at sexist ang blog niyo, ngunit nagtiwala akong mula ito sa mga utak ng mga "contemporary filipino writers," kung gayon, sample ito ng kasalukuyang literatura natin. ngayon naiisip ko na bastos lang talaga yan dahil ganun talaga. salamat sa blog entry na ito at ni mr. mikael co, naintindihan ko ng konti ang talagang layunin ng TNL.

-reader niyo, menor de edad at babae. LOL

 
At 11:39 AM, Anonymous Anonymous said...

Yol,

In the first place cool na cool lang naman yung piece ni Andrada at ni Danny Arao. Ang nag-init naman ang ulo e ang readers ninyo, pinagmumukhang tanga yung dalawang comment. At syempre kayo, ang pikon lang nung banat ninyo sa pinoy weekly e.

At may kasalanan kayo dahil nung minumura-mura na ng mga tao sina Andrada etc, hindi ninyo inawat. Nasaan dun yung walang hate shit? Kahit na hindi kayo ang gumawa ng comments, kayo pa rin ang may-ari ng blog.

At pinakahuli, agree din ako kay Chris Torres sa taas: patunay lang yung pagpapaka-sell out ninyo na hindi naman talaga sincere itong satire.

 
At 12:42 PM, Blogger xxx said...

Hm. Tungkol sa sellout: Gusto kong sabihing masculinity contradicts itself nga e, pero pag-iisipan ko ito.

Cool siguro ako kay Arao, pero sablay ang dating sa akin ng kay Mykel. Sana rin nirendahan niya ang hate shit na sumunod sa mga kumento niya sa facebook.

Problema rin namin: iba-iba ang pinanggagalingan ng mga contributor nung blog. Sa totoo lang, gusto ko talagang kausapin yung naglagay ng problematic na posts. Pag natuloy ang meeting, kasama sa agenda yan.

 
At 1:11 PM, Anonymous Anonymous said...

Sumusubaybay lang. Maganda at least, nakakapagpahayag din kayo ng mga punto ninyo. Sayang naman kung mauuwi lang sa di pagkakaunawaan ang panig ninyo at kina Mykel/ Danny. Sana nga mapag-usapan ninyo ito over kape or beer.

Saka kayo magwakasan. Hehe. Joke lang.

Regards sa inyong lahat.

-Jason Valenzuela

 
At 4:57 PM, Anonymous Anonymous said...

medyo matagal tagal din akong di nakapagbasa ng TnL.. mabasa nga.. hhmm.. interesante.. ibig sabihin marami talagang nagbabasa nung blog.. para sakin, ginawa lang ung blog para may mapagkatuwaan ung mga bloggers at para dun sa mga makakaunawa ng hangarin nila.. dun sa mga taong di maka-gets, edi wag nyong basahin.. problema ba un? maghanap kau ng blog na ikaliligaya nyo.. ano ba, kung mas maraming problema pa ang mundo na sinasabi nyo, e di gumawa kau ng paraan na matulungan ito kesa ubusin ang oras nyo na naghihimutok tungkol sa blog na hindi ka naman pinilit basahin yon.. maikli lang ang buhay para maghimutok.. pakaligaya na lang kayo

 
At 6:45 PM, Anonymous Anonymous said...

yol,

may punto ka. totoo naman ang mga sinasabi mo. at totoong may pagkakataong sa blog mismo ay ninenegate ng mga awtor ang sariling kamachohan sa kanilang entry. o di naman kaya, ini-expose ang mga sarili. pero ang naging problematiko sa aking pagbasa ay 'yung napoprovoke nitong mga kaisipan. kasi totoo namang hindi natin kontrolado ang response ng mambabasa. merong maiisip na satiriko ito ng machismo, pero mas marami ang natatawa lang. kahit ako, mas natatawa ako kesa nakikita ang kabalintunaan at satire sa mga entry. kaya marami sa mga komento ay nagsasabing katatawanan lang ang habol nila.

random thoughts sa mga ni-raise mong mga argumento

1. sa una mong punto kung homophobic ka ba o sexist, re: mga materyosong bakla at babae, hindi yun ang sukatan. galit ka lang sa mga materyosong babae at bakla, at hindi ang pagiging babae at pagiging bakala ang kinaiinisan mo sa kanila kundi ang pagiging materyoso nila.

2. sa patriyarkal ang kasalukuyang lipunan, tinitingna na mas may kapangyarihan ang lalake sa babae, im sure hindi ko na kelanagn ipaliwanag ito dahil baka mas maaalam ka pa kesa sa akin. kung bakit may bakla at babaeng inaapi, iyun ay dahil sa patriyarkal na relasyon. kung bakit hindi makapaglabas ng sama ng loob ang lalaki, at kelangan niyang maging matibay, dahil pa rin iyun sa umiiral na patriyarkang lipunan. hindi minsan ako nakarinig ng mga lalaking namimilosopo na paano naman kung sila ang inaapi ng mga babae. kung sila naman ang naharass ng bakla. ang tanong inaapi ba sila ng babae dahil sa sila ay lalaki? baket kapag ang isang babae ay sinaktan ng lalaki baket sa lahat ng pagkakataon, ito ay hindi lamang atake sa babaeng tao kundi sa pagkababae ng isang babae. ang baklang nangharass ng lalake ay nagagawa yun dahil may kapangyarihan siyang gawin yun. dahil sa lalaki pa rin ang bakla.

3. agree naman ako na para mapaghusayan ang pag-unawa sa psyche ng kalakihan, kelangan ng mga tunay na lalakeng gagawa nun. nanainiwlaa din ako na hindi lubos ang pang-unawa ng isang allaki sa danas ng isang babae. na kahit pa isang peministang lalake, hindi kumpleto ang pang-unawa, hindi lubos.

4. tama ka, sintomas ang hay!men ng kasalukuyang kaayusan sa lipunan. pero hanggang ganun na lamang ba? sa tingin ko kasi kung ang hay!men ay ginawa ng mga taong hindi nasa uring intelektwal, maaaring ipinagkibit-balika't na rin ito ng mga kritiko. kasi ang mga kritiko naman, alam na kaya kayong i-engage. ang mga kritiko naman iniisip, na sana you know better.

5. tingin ko lang naman, kung meron mga ganitong intensyon ang ilan s ainyo na nasa likod ng blog, baka hindi na rin ninyo nakontrol ang patutnguhan ng blog. parang sa paglaon, habang nagiging mas popular ang blog, sa akin lang naman, parang ang tendensiya ay higitan ang huling hirit. hanggang sa mailabas natin ang mga pinakatatagong ka-machohan na nirerepress natin. hanggang sa lamunin na ang blog ng kamachohan. eto nga siguro ang danger ng pagiging self-reflexive, paano kung hindi na-kritikal ang nagsusulat? parang inenjoy na lang ang popularidad? self-reflexiva pa ba? conscious pa ba ang mga awtor?

6. kuha ko ang punto mo hinggil kay mykel na isang kaibigan. siguro nga maaaring hindi naging maganda ang artikulasyon ("grow up!"), hindi naman sa jinajustify ko dahil kaibigan ko si mykel, siguro nature na rin siguro ng blog kung kaya ganun ang artikulasyon niya. o kaya dala rin siguro ng emosyon. hindi ako makakapagsalita para sa kanya.

so ayun. sana hindi antagonistiko ang dating ng komentong ito.

 
At 10:37 PM, Blogger xxx said...

digs, pare. magkukumento pa ako dito. sa ngayon, salamat sa mahinahon at pinag-isipang kritisismo.

 
At 4:05 AM, Anonymous mykel said...

hi yol! salamat sa cool na post mo! :) at gusto kong magpaumanhin kung sablay ang dating sa yo ng facebook post ko. kinaclarify ko lang na hindi yun simpleng hate shit, pero seryosong komento. as a matter of fact, ang panawagan ko sa inyo sa post ko na iyon ay "baka gusto ninyong rebyuhin ang pinaggagagawa ninyo" at siyempre "tama na ang sexist shit." magkaugnay yun. pero tila yung mga tao, visitors man o authors ng blog ninyo, ay nagsesentro lang dun sa "grow up" na phrase. at dahil dun ay nasalaksak na bilang "hate shit" ang post ko. parang unfair naman ata yun, na nareduce lang sa "grow up" phrase ang buong panawagan at kontexto ng aking post.

basically, yung post ko na iyon sa facebook ay yung comment ko dun sa dinelete na CHUPA CHUPS entry dun sa Hay! Men! sana maunawaan mo, kung gayon, kung bakit nabanggit ko ang mga terminong "anti-gay" at "sexist shit" at yung linyang "wala kayong ipinagkaiba sa napaka-offensive na klase ng humor nina joey de leon, willie revillame at michael v." matatanggal mo ba sa akin na ma-offend dun sa sexismo ng chupa chups blogpost ng isa ninyong kasamahan, bukod pa sa dominanteng gay bashing at anti-women posts sa TNL. di ba dapat pinag-usapan na lang ninyo kung anong hakbang ang gagawin given na may naoffend dun sa post?

ang sa akin lang, kahit bago pa man ang aking "tama na ang sexist shit" na comment, talagang no control na ang moderators ng blog ninyo sa comments, at marami na dun ay hate shit sa mga bakla at babae. para na itong ismorgasbord ng lahat ng pang-aalimura sa mga bakla at babae.

sana wag mong masamain, pero hindi naman ako galit sa iyo, o kay mikael o kaninuman sa inyo. sana wag mong masamain, pero isang bagay ang umamin ng pagkakamali, at isang bagay pa ang pagtakpan ng pagkakamali ang isa pang pagkakamali, gaano man kagasgas ang linyang ito. hindi ko ito iniimpose sa inyo. nagmumungkahi ako.

hindi naman ako nagpaka-intelektwal dun sa comment ko. at never kong sinabihan na tanga o bobo kayo. plain and simple lang na ayoko ng sobrang sexist shit. at sa totoo lang, sa lahat ng peminista at marxista na kakilala ko, feeling ko isa ako sa pinaka-relaxed. natatawa naman ako dun sa ibang posts ninyo. pag natawa ako sa post ninyo, okay lang naman di ba? pero yung maraming posts ninyo, naooffend ako. so pag natawa ako, digs ko. pag naoffend ako, di ko digs. ganun ba yun kasimple?

antagal ko na rin nakikipaglaban sa sexismo, at sa hetero-patriarchy as a whole, kaya sana maunawaan ninyo kung bakit kailangan ko nang mag-react.

about naman dun sa sana nirendahan ko ang hate shit comments sa facebook post ko, may pangalan yung mga tao dun. puwede mo silang i-click anytime at magcomment sa kanila. compared sa "hate shit," the rest ay sa palagay ko diplomatic at honest na mga opinyon nila. isa pa, pasensiya ka na a, pero hindi naman magkapareho ang public blog ninyo sa facebook notes ko. kayo may internal manifesto: (1) humor is king at (2) no hate shit, at may moderators na dapat nagpapatupad nun. ang ibig mo bang sabihin dun sa comment mo sa itaas na justified na ngayon na hindi ninyo tatanggalin ang hate shit sa blog ninyo dahil hindi ko "nirendahan" ang hate shit comment sa facebook note ko? sana naman wag ganun. tapos yung pagiging aktibista ko na bigla ang tinitira ng mga anonymous comments. sanay akong tawaging bakla, hindi nga ako naooffend e.

kaunti pa lang talaga sa Pilipinas ang gumagawa ng masculine studies mula sa perspective ng lalake. ganun ba ang attempt ng blog nyo? o ikaw lang iyon? kasi ikaw enlightened ka.

salamat uli sa mahinahon mong entry. sana ay hindi rin antagonistic ang arrive sa yo ng comment ko.

good morning! :)

 
At 1:29 PM, Blogger bonks alano said...

1: baka isang napakalawak lamang na satire ang tnl.

2: pakyurshet, gawa kayo ng sarili niyong blog. suntukan na lang!

3: hahahahahaha! haha!

4: nabasa niyo yung isang post? pare, pati si krip yuson, tinira.

5: ????? ano daw?

6: shet, may abs ako. pano kaya to.

daming tao, daming gusto, daming pinag aaralan, daming shit.
susubaybayan ko na lang, at tatawa, at mag iisip din minsan, basta kung napangiti ako dahil sa kabastusan o occasional hidden mickey nila, ayus na yun. ipagpatuloy lang.

 
At 2:39 PM, Blogger mdlc said...

actually, mykel, ang kinabadtrip ko naman talaga sa hirit mo-- sinabi mo na rin-- e 'yung bang dating na aggre; wala man lang tangka na daanin sa matinong usapan, o 'yun bang good will na tangkaing buksan ang isip namin, kaysa idikdik na may mali, mapang-api kayo, hindi man lang mapalaya ang sarili, etc.

sabi mo nga magkakilala tayo (ako nga itinuturing kitang kaibigan, e,) kaya talagang ang hirap sakyan-- nakakagulat sa totoo lang-- na napaka-aggre ng banat mo, gayong puwedeng dinaanan sa mas maayos na articulation, tulad nang ginagawa natin dito. sabi nga ni yol, okey 'yung kay arao, e, digs yung ganun. kaya nakakagulat pa na 'yung galing sa iyo pang kaibigan ang may hate shit-- hindi lang sa phrase na grow up, ha, kundi sa general tone nu'ng post mo. honestly p're mahirap iinterpret bilang panawagan 'yung post mo. ayan na nga't nag-spiral down na lahat sa hate shit-- we can't deny it on both our parts-- dahil sa collective lack of effort na maging mahinahon.

valid ang mga points mo, at talagang kailangan naming pag-usapan 'yang mga 'yan. pero i'd have to point out na hindi lang naman gay ang binabash, o women, kundi pati ang dominanteng masculine culture din. ilang commenters na ba ang nagsabing "ay potah wala akong tae sa brip, hindi ako tunay na lalake?" pero natawa na lang sila. i guess may levels ng offensiveness. o talagang para sa iyo, o sa ibang tao, hindi lang nakakatawa ang ibang bagay.

siguro kapag nakapag-usap tayo nang maayos, mas maiintindihan mo 'yung hirap ng paggawa ng mga mekanismo para iaddress ang mga concerns mo. siguro naman digs mo na rin kung gaano ka-surprising ang lahat ng ito sa amin, kung gaano kabilis ang mga pangyayari, kaya dagdag pa yun.

'yun pa rin ang punto ko, gaya dun sa post sa facebook at sa blogpost na ibinababa ko (marahil mas magandang ipaliwanag ko na lang din nang personal ang gumabay sa desisyong iyon). ang point ko, iniisip din namin ang iniisip mo. totoong marami pang dapat pag-isipan, pero huwag sanang i-undermine ang efforts namin dito nang ganu'n lang, at i-curb ang hate shit lalo na sa mga deretsang pahayag.

-kael

 
At 2:42 PM, Anonymous Abi said...

Sir Yol!

Nagbabasa pala kayo ng Murakami, super mega favorite writer ko yun! Awesome hahaha! Kaya pala medyo pareho kayo ng writing style.

And kayo pala ang may pakana ng TnL... Top 1 blog ah, congrats! hahaha!

 
At 2:44 PM, Anonymous Abi said...

and napansin ko pala na recurring theme rin sa blog niyo ang mga pusa! haha

 
At 6:45 PM, Blogger xxx said...

bongks: relak lang, hehe.
abi: hindi ako ang may pakana nun. sikat na ang Hay!Men! nang magsimula ako bilang contributor.
mykel: mykel! saka na ang reply, heto muna: magandang umaga rin!

 
At 1:37 AM, Blogger xxx said...

Mykel,

Ginawa ko ang mungkahi mong “rebyuhin ang pinaggagagawa namin”, at ito ang mga naisip ko.

Isa: Hindi ko na mahanap yung Chupa Chups entry, pero tingin ko ibinaba iyon dahil sa paglabag sa internal manifesto. Hindi ako ang gumawa ng entry na yun, at hindi ako nagsasalita para sa buong team ng Haymen ha, pero sasabihin kong nalungkot ako na nagkaroon ng ganoong entry sa blog namin. Sasabihin ko rin: maraming natutuhan ang Haymen team sa nangyari sa entry na yun, malamang sa tulong na rin ng kumento mo at ng iba pang tao. So pasensiya na, at maraming salamat.

Dalawa: Speaking of kumento, naaalala kong nakita ko rin ang Facebook note mo sa comments section ng ilang entry dun sa blog. Kung hindi ako nagkakamali, dun nagsulputan ang sandamukal na hate shit, hindi lang laban sa kumento mo kundi laban din sa amin (well, mostly laban sa iyo at sa iba pang naglagay ng katulad na kumento). Nangangarap ako ngayon na sana hindi mo na lang inilagay yun doon, para hindi na nabasa at nasundan ng ibang taong nanggagaling sa kontekstong kaibang-kaiba sa konteksto natin. Nangangarap rin ako na sana, malaman ko na ang sagot sa tanong na “Minomoderate ba ang comments sa blog na katulad ng Haymen? ”

Tatlo: Pakipaliwanag naman kung saan nanggagaling yung “pang-aalimura sa mga bakla at babae.”

Iniisip ko ngayon ang mga entry sa blog namin. Wala akong maalalang post na ginawa naming tunay, di tunay o underconsideration ang isang bakla. Kung meron man, di ba hindi naman ang pagkabakla niya ang tinira namin kundi ang kanyang kung anu-anong shit? May mga entry kami na babae ang na-feature. Pero muli, ang atake ay hindi sa pagkababae niya, kundi sa kung anu-anong shit niya. Nasabi ko na ito sa Facebook note ko.

May references kami sa sexualidad ng bakla, gaya ng espesyal na relasyon sa mikropono entries namin. Pero dahil hindi bakla ang na-feature sa post, ang statement ay hindi “tawanan natin ang baklang ito!” kundi “may bakla moments ang lalaking ito!”. Siguro napapansin mo rin ito: maraming bakla moments ang mga heterosekswal na lalaki pero hindi nila aaminin o baka ni hindi sila malay dito. Sabi nga ng isang teacher ko, “Lahat tayo, may taglay na kabaklaan.” Simplistiko ito pero idagdag na rin natin: lahat tayo may taglay na pagkalalaki. Lahat tayo may taglay na pagkababae.

May mga entry rin kami na kung babasahin nang literal, gumagawa ng statement na ang tunay na lalaki, galit sa babae. Binababoy ang babae. Itinatrato ang babae nang parang basahan. Kung babasahin nang literal. Mungkahi sa mga gusto talagang basahin nang literal ang blog namin: alalahanin na hindi lahat ng babae, “kinagagalitan, binababoy at binabasura” ng “tunay na lalaki”. May mga espesipikong katangian ang babaeng yun.

Apat: Oo nga pala, blog ito, isang medyo popular na anyo. Baka lahat ng sinabi ko, hindi naman naiisip ng mga mambabasa namin.

Ganun din: baka lahat ng sinabi niyo, hindi naman naiisip ng mga mambabasa namin.

Hindi naman lahat ng nagbabasa ng blog, nag-iiwan ng kumento. Kaya ayaw kong ibatay ang usapin ng reception sa mga comments na nakalagay sa entries. Isa pa, iba-iba ang pinanggagalingan ng mga nagbabasa ng Haymen, kaya ansakit sa ulo gumawa ng mga generalization. Tuloy pa rin ako sa napili kong gawin: maglista ng mga obserbasyon, sa halip na mga kongklusyon.

 
At 1:57 AM, Anonymous mykel said...

MIKAEL, magkaibigan naman talaga tayo e, di ba? :) kahit magkaibigan, nagbabanggaan. pero at the end of the day or a month or a year or a decade etc, kahit magkaiba pa rin ng opinyon, basta alam ko na magkaibigan tayo, kaya magandang araw! :)

nasabi ko na ang dapat kong sabihin sa TNL, ang dating man sa yo o sa inyo ay hate shit, imposing. siguro nga aggre, ngayon na binabalikan ko yung posts ko. oo nga, puwede namang mas diplomatic ko ipinahayag. kaya pasensiya na. pero see paragraph no. 2 sa comment ko sa taas, yun ang paliwanag ko sa aggre. kaya pasensiya na. pero ganun talaga yung pakiramdam ko nun, at hanggang ngayon.

di mo naman ako masisisi sa anumang reaction ko, tulad nang di kita masisisi kung anuman reaction mo. sabi ko nga, kung natawa yung iba, e di natawa. pero di lahat natawa. at di ibig sabihin nun ay di digs ng di natawa. valid reactions ang lahat. ang point, saan punto nagkakapareho at saan nagtutunggali. yung iba, sobrang hagalpak, pero malamang ay di non-issue sa inyo. yung tulad ko, sobrang dismayado at offended (sa nomenclature mo ay "aggre), pero issue.

for the record, historically, subversive acts such as satire and parody, are not the best forms of subversions. hegemonic machines such as patriarchy, actually now touted as "hetero-patriarchy," and capitalism (now hetero-capitalism), are best engaged head-on. karanasan ko, at ng mas marami at malawak na marginalisadong kasarian at uri, ang nagsasabi at nagpapatunay nito. sa pilipinas man at sa buong mundo.

no antagonism here. just plain honest and sincere opinion.

be it my last say on TNL.

muli, good morning! :)

 
At 3:00 AM, Anonymous mykel said...

YOL, gising ka pa rin? :) kakarating ko lang mula sa isang meeting. salamat dun sa comments mo. eto yung ilang mga maisasagot kong punto.

yung unang facebook entry ko ay una kong pinost sa chupa chups saka dun sa isa pang earlier na TNL entry na anti-gay. parehong dinelete, i guess. kasabay nun, pinost ko sa facebook at pinadala ko sa tunaynalalake@gmail.com. tapos pinost ko sa facebook. talagang gusto kong ipaabot sa inyo yung comment ko. at siyempre, gusto ko ring mabasa ng ibang visitors nyo. ang problema nga lang dinelete. anu't anuman, nadelete na. anuman ang sagot ng moderators nyo, iyon na iyon. it still remains na dinelete yung post dahil unwanted malamang.

siguro ang isang mahalaga sa akin ay nabasa ito hindi lamang ng mga kaibigan o kakilala ko, kundi ng inyong grupo at ng iba pang tao.

tapos the next day, sabi ng isang kaibigan ko na minumura na raw ako sa TNL. nagulat naman ako pero okay lang. kung di imoderate, e di hindi. ano bang magagawa ng mura? it can only do so much, hehehehe. pagvisit ko sa TNL, pinost ni "anonymous" sa isang entry yung unang facebook note ko, kasama ng facebook people reactions. tas meron na si mikael na facebook note. so yun sagot ko (second facebook note) ay pinost ko sa entries kung saan pinag-uusapan ang Pinoy Weekly, si Danilo Arao, ako, yung mga anti-tibak at anti-intellectual na semtiments. tapos me nagpost na ring "anonymous" ng facebook entry ni mikael. at si "anonymous" uli ay nagpost ng link ng entry dito sa blog mo.

yung "pang-aalimura sa mga bakla at babae," isama na natin yung "instrumento ng opresyon," ay isa sa pinakapraktikal na obserbasyon na makikita dominantly sa blog entries nyo. sa opinyon ko, yun kasing estilo ng "satire" nyo ay hindi naman talaga satire. kaya sabi ko, hindi ito effective. in fact, sinusunod nito ang lohika ng "phallogocentrism" -- ito yung pinatinding "phallocentrism" na evident sa mga bansa at lipunang nakararanas ng feminisasyon ng globalisasyon. sa madaling salita, kung sa phallocentrism ay sentro ng mundo ang ari ng lalaki, ang phallogocentrism ay lahat ng bagay, mistulang ari man o hindi, ay itinuturing di lamang sentro kundi extensiyon o kaganapan ng ari ng lalaki. samakatuwid, mahirap takasan ang phallogocentrism kahit sa mga akto ng subersyon tulad ng satire. at mas madalas, humahantong ang ganung satire sa pagpapatuloy ng phallogocentrism. kaya kahit na i-satire pa ninyo ang paghahangad sa 12-inch ruler na ari ng lalaki, ang totoo'y pinatitindi nito ang lugar o puwesto ng ari ng lalaki bilang sentro-de-grabedad ng mundo.

ganito rin ang maoobserba dun sa tinatawag mong "bakla moments" ng mga rockstar. bakit "bakla moment" ang paghawak sa at paglapit ng mga labi sa mikropono? kung ang sagot mo ay dahil parang etits yung mikropono, problematiko na agad yun. bakit sa tingin mo sinabi kong problematiko? ang sagot ay nakaimbudo sa phallogocentrismo. kaya kahit na seemingly satire ito, sa totoo lang nag-eextend lang ito sa gay bashing at gay stereotyping. ikabit ba ang pagiging bakla o pagkakaroon ng bakla moment sa etits ng heterosekswal na lalaki. ganun ba ang bakla?

di ba nung pinag-aaralan nga natin ang konsepto ng ideolohiya, ang sabi sa atin ni althusser ay "for one to recognize his or her own ideology, one should be outside that ideology"? mahirap i-reassess ang masculinity kung hindi lalabas sa masculinity. kung attempt yung TNL at that, hindi pa yun nangyayari. nung una, pakiwari ko, may promise talaga at satire -- blurring genders, socio-political at times, then na-reduce ito sa pagbibigay ng katatawanan sa pamamagitan ng pagtawa sa mga lalaki dahil may attributes sila ng bakla o babae, vice versa. kaya sa halip na nagrereassess kayo ng lalaki at/o pagkalalaki, nagrereinvent kayo ng hetero-patriarchy at nagrereinforce ng sexismo. kongklusyon ko ito batay sa obserbasyon sa inyong blog posts at comments.

gawin nating halimbawa tong comment mo na to: "May mga entry rin kami na kung babasahin nang literal, gumagawa ng statement na ang tunay na lalaki, galit sa babae. Binababoy ang babae. Itinatrato ang babae nang parang basahan. Kung babasahin nang literal. Mungkahi sa mga gusto talagang basahin nang literal ang blog namin: alalahanin na hindi lahat ng babae, “kinagagalitan, binababoy at binabasura” ng “tunay na lalaki”. May mga espesipikong katangian ang babaeng yun." eto precisely ang problematiko sa kung paano kayo mag-satire. yung stereotype ay hindi naman nyo inaalpasan. so okay lang na "babuyin at ibasura" ang babaeng iyon dahil sa mga "espesipikong katangian"? ang punto de bista na dominante sa blog nyo ang problema. tulad ng punto de bista mo rito, sa palagay ko. habang sinsulat ko ito, at habang binabalik-balikan ko ang comment mo sa taas, naniniwala na ako ngayon na ideologically ay hindi talaga tayo magtutugma, hindi dahil lalaki ka at bakla ako, kundi magkatunggali ang paraan natin, at possibly, ang hangarin natin.

wala namang problema kung magkatunggali sa pamamaraan at hangarin. sabi nga ng komunistang si mao zedong, "let a hundred flowers bloom! let a thousand schools of thought contend."

nasabi ko na ang sasabihin ko sa TNL. at sa palagay ko, kung hahayaan mo akong magmungkahi sa huling pagkakataon, hindi kailangan ang TNL. opinyon ko ito. at tulad ng comment ko kay mikael sa itaas, uulitin ko lang po:

"for the record, historically, subversive acts such as satire and parody, are not the best forms of subversions. hegemonic machines such as patriarchy, actually now touted as "hetero-patriarchy," and capitalism (now hetero-capitalism), are best engaged head-on. karanasan ko, at ng mas marami at malawak na marginalisadong kasarian at uri, ang nagsasabi at nagpapatunay nito. sa pilipinas man at sa buong mundo.

no antagonism here. just plain honest and sincere opinion.

be it my last say on TNL."

muli, good morning! :)

 
At 8:06 AM, Anonymous John Lloyd Cruz said...

Uyyyy, bati na si Michael at Mikael, kissss! :D

 
At 8:06 AM, Anonymous John Lloyd Cruz said...

Mykel pala.

 
At 1:13 PM, Blogger bonks alano said...

12 inches na ang mga comments dito. aaah. kung nakakaramdam siguro ako ng sakit, sumakit na ulo ko, hehe. langya.
yoldaman, siempre relak lang ako, nag eenjoy lang, bahala man yan mga kasta na yan na sereryosohon. ingat palan sa aga sa trip nindo.

 
At 1:30 PM, Blogger mdlc said...

hello ulit mykel. i do hope that, even though sinabi mo nang "be it my last on tnl," mababasa mo pa rin ito at mapagninilayan. maigsi lang naman.

marami akong masasabi ukol sa mga nabanggit mo, sa teorya especially, pero magandang sa ibang lugar pag-usapan iyon. sa ngayon, sasabihin ko lang sanang agree ako sa tantsa mong hindi tayo pareho ng proseso. hangarin, baka in the broadest sense, may intersections, pero kutob ko hindi rin nga sobrang tugma. sa tingin ko, though, malinaw na pareho tayong nag-iisip ng:

'wala namang problema kung magkatunggali sa pamamaraan at hangarin. sabi nga ng komunistang si mao zedong, "let a hundred flowers bloom! let a thousand schools of thought contend."'

kaya siguro nakakagulat na mabasa ang pahayag na:

'at sa palagay ko, kung hahayaan mo akong magmungkahi sa huling pagkakataon, hindi kailangan ang TNL.'

okey. i suspect, dahil opinyon mo 'yan, gagawa ka ng paraan para pangatawanan siya. so good luck. do your thing. we'll do ours, albeit with increased self-awareness, especially with regard to your concerns. but we will continue on doing our thing.

btw, puwede namang maging dismayado at offended ang tao nang hindi nagiging aggre. 'yung sinasabi ko sa aggre ay antagonistic, may animosity, at may general lack of good will. i guess madaling mawala 'yung good will kapag offended nga ang tao, at sino ako para magsalita, e kasama ako sa mga naglalagay ng mga 'offensive' na posts. pero the fact remains, walang mararating na discourse kung walang good will. masaya ako na naalpasan natin ang pagkukulang na iyon at least sa espasyong ito.

 
At 2:50 PM, Blogger xxx said...

Yun na siguro yun.

Mga kaibigan: hanggang bukas na lang ang entry na ito dito. Tapos ibababa ko na. Digs niyo na siguro kung bakit.

 
At 9:07 AM, Anonymous Anonymous said...

yey! tama na ang masyadong seryoso. the world is too dark when you're wearing shades all the time ;)

at nga pala...tambay ka na ulit ng mas madalas dito, yol. parang kulang ang araw pag wala ka e.

- from your overaged stalker

 

Post a Comment

<< Home