Friday, October 23, 2009

Stuck on you

I've got this feeling down
Deep in my soul
That I just can't lose

Guess I'm on my way

Needed a friend
And the way I feel now I guess
I'll be with you till the end

Guess Im on my way

I'm stuck on you
Been a fool too long I guess
It's time for me to come on home

Guess I'm on my way

So hard to see
That a woman like you could wait
Around for a man like me

Guess I'm on my way

Mighty glad you stayed

Oh, Im leaving on that midnight train tomorrow

And I know just where I'm going

I've packed up my troubles

And I've thrown them all away

Because this time little darlin'

I'm coming home to stay

Akosiyol. Ikaw?

Labels:

Sunday, July 12, 2009

Labinlimang libro

Don't take too long to think about it. 15 books you've read that will always stick with you. First 15 you can recall in no more than 15 minutes. Tag 15 friends, including me because I'm interested in seeing what books my friends choose.

Dahil tinaya ako ng mga tao, heto:

1. Mga Kuwento sa Bibliya. Baka meron ka rin nito nung bata ka: hardcover na brown, may scarlet na titik na nagsasabing: Mga kuwento sa Bibliya. Tapos may mga painting, maraming painting, ng mga taong mabuti, masama, iba-ibang klaseng tao, basta tao, saka si Jesus, na tao rin naman. Nilalagay ko ang librong to sa likod ko kapag nanonood ng nakakatakot na pelikula, gaya ng Tiyanak starring Janice De Belen, at Impaktita starring Jean Garcia. Namimiss ko na yun, yung panahong puwede kang maglagay ng libro sa likod mo tapos okey ka na, okey ka na.

2. The Adventures of Tintin ni Herge. Nung grade four ako, first day ng klase, hinampas ako ni Lester, yung katabi ko. At dahil dun hinampas ko siya nang dalawang beses. Tapos hinampas niya ako nang tatlong beses. Di hinampas ko siya nang apat na beses. Mga nasa paligid ng 48 na beses ang hampasan namin nang biglang lumapit si Mrs. Meniano. Sabi niya sa akin, anong pangalan mo? Sabi ko, Yolando po. Tapos sabi niya, Yolando, dahil palaaway ka, ililipat kita sa section 2.

Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung bakit si Lester, hindi inilipat. E siya naman ang nanguna. Anyway, pagdating ko sa section 2 sabi ko magsisisi ka Mrs. Meniano. Tapos ginalingan ko, hanggang makabalik ako sa section 1 nung grade 5. Naging teacher ko si Mrs. Arevalo. Astig siya, di katulad ni Mrs. Meniano. Sabi ni Mrs. Arevalo sa akin isang araw, dahil mahilig kang magbasa, ipahihiram ko sa yo ang mga librong The Adventures of Tintin ng anak ko. At ayun, dun nagsimula ang espesyal na pagkakaibigan namin ni Mrs. Arevalo. Pupuntahan ko siya sa bahay nila para manghiram ng susunod na volume ng The Adventures of Tintin, bibigyan niya ako ng peanut butter sandwich. Minsan nung birthday ko binigyan niya ako ng relo, yung nag-titititit kapag pinindot mo, ganun, at nilibre niya ako ng siopao bola bola sa isang chinese restaurant. Mabait talaga yun, si Mrs. Arevalo, di tulad ni Mrs. Meniano.

3. Mga Librong Choose Your Own Adventure. Isang araw, habang naglalaro kami ng basketball ng mga kaibigan ko, inihagis ko ang bola papunta sa goal. Hindi ko alam kung bakit, pero pagkahagis ko ng bola pumadyak ang kaliwang paa ko patalikod. Tapos sabi ni Bogol, tingnan niyo si Nunoy, parang bakla mag-shoot ng bola, hahahaha! Tapos ewan ko ba, tuwing ihahagis ko ang bola papunta sa goal laging pumapadyak ang kaliwang paa ko patalikod. Sabi tangina ayoko nang magbasketball, magbabasa na lang ako ng libro.

Kaya pagkauwi ko ng eskuwela, pumunta ako sa Booksale sa may Guadalupe, para maghanap ng mababasa. Tapos may nakita akong libro na may mga panuto kung aling pahina ang dapat mong basahin depende sa kung anong gusto mong mangyari. Sabi ko, astig, mas astig kesa basketball. Kaya bumili ako ng tatlo. At tatlo pa uli pagkaraan ng ilang araw. Hanggang sa hindi ko na mabilang kung ilang Choose Your Own Adventure na libro na ang meron ako. Meron pang ibang version ng ganitong libro, yung kailangan may 6-sided dice ka dahil nakadepende sa die roll kung saang pahina ka susunod na magbabasa. Hindi ko na maalala ang pangalan ng series, pero naaalala kong may mga ganung klase ng libro ang kuya ni Maricar Reyes, nakita ko nung pumunta kami sa bahay nila para gumawa ng group project...teka, ibang kuwento na pala yun.

4. Cubao Midnight Express: Mga Pusong Nadiskaril sa Mahabang Riles ng Pag-ibig. Seryoso pare, hindi mo ba babasahin ang aklat na may ganyang pamagat?

5. The Right Way to Play Chess ni Imre Konig. Sabi ni Marvin sa akin dati, meron daw Bundok ng Sierra Pipoy. Dito daw itinatapon ng SM ang mga laruang hindi nabili, dahil may kaunting damage o kaya nadumihan ang lalagyan kaya hindi na maibenta. Sabi ko okey lang kahit may damage, o madumi ang lalagyan, laruan pa rin yun. Kaya isang araw niyaya ko si Ryan na hanapin sa Fort Bonifacio ang Bundok ng Sierra Pipoy. Hindi namin maintindihan kung bakit ayaw sumama ni Marvin.

Marami kaming nakitang basurahan, pero hindi namin nahanap ang Bundok ng Sierra Pipoy. Pero may nakita naman kaming isang tambak ng pinagbalatan ng bawang, na may mga bawang pang puwedeng ipanggisa kung maghahanap ka nang mabuti. Nakapuno kami ni Ryan ng tatlong plastik ng ice candy. Dun sa tambakan na yun ko rin nakita ang librong The Right Way to Play Chess.

Pagdating ko sa bahay, hindi ako pinalo ng nanay ko kasi may dala akong bawang. Tapos kumuha ako ng folder, drinowingan ko ng grid. Kumuha ako ng butones at sinulatan ko ng mga titik (K=King, Q=Queen, R=Rook, etc.). Basta, ginaya ko lang yung nabasa ko sa libro. At yun ang araw na tinuruan ko ang sarili kong mag-chess.

6. Norwegian Wood ni Haruki Murakami. Ewan, nakakarelate lang talaga ako sa mga kuwento ng mga lalaking gustong-gusto ang babaeng maganda, kahit hindi naman sila mahal ng babaeng yun. Hindi ako sigurado kung tama ang pagkaalala ko sa kuwento ng Norwegian Wood pero basta, sigurado akong pagkabasa ko nun, sabi ko, gusto ko ng babaeng maganda, kahit hindi ako mahal.

7. New X-Men TPBs ni Grant Morrison. Bago ako magpaliwanag kung bakit gusto ko to, sasabihin ko munang di ko talaga trip yung pelikulang Batman kung saan bakat ang utong ng bida. Basta, kahit hindi kunektado gusto kong sabihin yun.

Anyway. Kilala mo ba si Cyclops? Oo, siya nga yun. May girlfriend siyang telepath. Tapos pagkamatay ng gf niyang yun, telepath uli ang magiging gf niya. Masama dati yung bago niyang gf, pero bumait nung naging sila. Tanong: Ano kayang ginagawa ng Cyclops na ito at hindi siya iniiwan ng mga babaeng nababasa ang isip niya? May sasabihin ako sa yong sekreto: Naiinggit ako kay Cyclops. Gusto kong maramdaman kung paano mahalin for what I am, for simply being me.

8. Prosang Itim ni Mike Bigornia. Mostly dahil sa mga piyesang ito: Banal na Oras, Pag-asa, Nang Mauso ang Magmakata. Hindi mo pa nababasa ang Prosang Itim? Baliw ka ba?

9. Sandman ni Neil Gaiman. Alam mo na to, nangyari na sa yo to: estudyante ka pa lang, wala ka pang trabaho, lahat ng panggastos mo iniaasa mo sa magulang mo. Tapos isang araw, sabi mo, pag nagkatrabaho na ako, bibili ako nito o niyan, pupunta ako doon o diyan. Yung Sandman series ang ganun ko. Sabi ko, pucha pag nagkatrabaho talaga ako bibilhin ko lahat ng librong Sandman. Oo, pucha, kahit yung Endless Nights na mukhang pahabol na raket lang bibilhin ko. Kaya ayun, nang magkatrabaho ako, binili ko nang pakonti-konti ang mga TPB. Sa booksale sa UP.

10. Magic: The Gathering Fifth Edition Rule Book. Payo ng isang kaibigan nung high school pa ako: Alam mo yun, hindi ka magaling magbasketball, hindi ka rin naman first honor, tapos ayaw mawala ng pimples mo. E di maglaro ka ng Magic: The Gathering.

11. Hulagpos. Sa mga hindi nakakaalam: ito ang textbook ng Fil 11 sa Ateneo. Apat na klase sa Fil 11 ang tinuturuan ko ngayon, medyo nakakapagod. Bad trip pa kasi yung magkasunod kong klase kapag TTH, parehong sa B209. Kaya kapag may pumasok nang maaga dun sa 2nd class, naririnig na nila ang mga jokes ko. Kailangan ko pa tuloy mag-isip ng bago.

Panawagan: Kung ikaw ang humiram ng Hulagpos ko, pakibalik naman, please. Kailangan ko na talaga siya.

12. Representation ed Stuart Hall. Pangako, maganda ang paliwanag, pero boring kung hindi ka lit major. Saka na lang natin pag-usapan. Basta, trip ko ang librong ito. Pinaxerox ko nga e. Alam mo yun, yung xerox na sasabihin mo sa xerox lady: pakibind na rin po at paki-colored xerox ang cover para mukha talaga siyang libro. Ganung xerox pare. Mabuhay ang edukasyon sa 3rd world!

13. The Wholly Trinity. Dahil dito lumabas ang pinakaunang tulang naisulat ko nung college. Wag ka nang magkumento, hayaan mo na lang akong mag-share.

Binibini
Yol Jamendang

Ang ganda mo.

Inantay ko ng matagal
ang pagbayad mo
kasi, gusto kong ako
ang mag-abot nito.

Para naman mahawakan ko
kahit man lang daliri mo.

Kaya nang sa wakas
ay igalaw mo
ang mapuputing braso,
pagkakataon na, akala ko.

Mangungulangot ka lang pala.

Nang muling sulyapan kita
ay sumundot-sundot
at dumudukot-dukot ka

sa iyong bulsa.

Miss, kapag nagbayad ka,
tulog ako--

Ipaabot mo na lang sa iba.

14. Harry Potter Series ni JK Rowling, The Alchemist et al ni Paolo Coelho, ABNKKBSNPLAKo et al ni Bob Ong, etc. Alam mo pare, may mga libro akong binasa dahil alam kong maraming chicks ang nagbabasa nun. Hindi ko na uulitin yun.

15. Hans Christian Andersen: The Complete Fairy Tales. Dahil naniniwala akong may happy ending. Na lahat ng pinagdadaanan ko ngayon, malalampasan ko rin. Aayos din ang lahat. Maganda pa ang mundo. Marami pang mabuting tao. May tunay na pag-ibig. Somewhere out there. Out where dreams come true.

Sunday, June 07, 2009

Belat.

May bago na akong blog. Kung gusto mo talagang mabasa, hanapin mo. (paespesyal?)

Monday, May 11, 2009

Hay!Men! Ang daming galit sa atin!

Kung ako ang tatanungin? Sexist at homophobic ang blog namin. Oo naman. Tumpak. Korek. Trulalu.

Sexist at homophobic ba kami at ang mga mambabasa namin? Yun ang mahirap sagutin.

In the first place, problematiko ang mga salitang sexist/homophobic/macho/misogynist. Masyadong simplistiko at mapaglahat. Bulag sa iba pang dimensiyon ng identidad, at may pagpapalagay na solido at walang kontradiksiyon sa personalidad ng bawat indibidwal. Hops, hindi ko sinasabing walang bisa ang mga terminolohiyang yan. Ang ibig kong sabihin: panahon na para pag-isipang muli ang mga terminolohiyang yan. Dagdagan kung kinakailangan.

Halimbawa: galit ako sa mga babaeng walang ginawa kundi bumili ng damit at uminom ng kape at magpunta sa gym at magbilad sa beach. Galit ako sa mga baklang gumagastos ng libu-libong piso para magdisenyo ng Christmas tree na ipakikita sa mga host ng lifestyle channel. Kung pagiging sexist at homophobic ang tawag dun, sure, sige, uhuh, sexist at homophobic ako.

Halimbawa: hindi ako palaging ganun. Kapag nakakita ako ng babaeng walang ginawa kundi bumili ng damit at uminom ng kape at magpunta sa gym at magbilad sa beach, baka mahalin ko siya sa iilang minutong nakikita ko siya. Siguro ilang minuto pa pag-uwi ko sa bahay. Kung may makakuwentuhan akong baklang gumagastos ng libu-libong piso para magdisenyo ng Christmas tree na ipakikita sa mga host ng lifestyle channel na mahilig din pala kay Haruki Murakami o kaya sa X-men, baka ituring ko siyang matalik na kaibigan sa iilang minutong magkausap kami. Nagsusulat ako ng thesis ngayon tungkol sa kasarian. Sa klase, itinuturo ko ang pemenismo at queer theory. Sinasagot ko ang tatay ko pag inaapi niya ang nanay ko. Niyayakap ko ang mga kaibigan kong bading kapag sa wakas ay nakitang muli.

Ito ang problema ko sa peminismo at queer theory: Mahal ko ang mga nagturo nito sa akin. Pinaunlad ng mga teoriyang ito ang pagkatao ko. Sa mga klase, nahihiya ako sa pagiging lalaki ko kapag pinag-uusapan namin ang pagkaapi at pagkasantabi ng mga babae at bakla sa lipunan. Pero hindi ako lubusang nasangkot. Hindi ko kasi nakita nang malinaw ang konek ng mga identidad na tinalakay sa sarili kong karanasan bilang lalaking heterosekswal. Bilang isang panganay na anak na lalaki. Bilang isang junior. Bilang isang (ex)boyfriend. Bilang isang lalaking estudyante at guro ng panitikan at kulturang Pilipino. Bilang isang Juan de la Cruz.

Hindi kasi ako babae. Hindi rin ako bakla. At sa tingin ko, kahit ilang libro pa ang basahin ko tungkol sa teoriyang pangkasarian, hindi ko kailanman talagang mauunawaan kung paano maging babae o bakla. Sa tingin ko rin: hindi kailanman lubusang mauunawaan ng babae at bakla kung paano maging lalaki.

Sa Pilipinas, bago lang itong pag-iisip ng lalaki tungkol sa lalaki, para sa lalaki. Karamihan sa mga aklat tungkol sa lalaki, isinulat ng babae o bakla. Para sa akin, mapapayaman ang pagtatalakay at pag-unawa sa lipunang Pilipino kung maidaragdag ang punto de bista ng mga lalaki sa usapin ng kasarian.

Ito ang dahilan kung bakit interesante para sa akin ang Hay!Men! Bagamat napakaraming problema ng blog na ito, nabibigyang diin rin ang ilang mahalagang bagay (na sa totoo lang, sinabi na ng ilang pemenista at queer theorist) na nalilimutan ng maraming "peminista" at "queer theorist".

1. Maraming klase ng lalaki, katulad ng maraming klase ng babae, bakla at lesbian. Nagiging malinaw ito kapag sumalikop ang kasarian sa iba pang aspekto ng identidad. May lalaking lower class, middle class, upper class, kristiyano, muslim, pilipino, intsik, bosconian, bata, matanda, emo, etc. at may hirarkiya ang mga uri ng pagkalalaking ito, depende sa konteksto. Para mapanatili ang hirarkiya, kailangang igiit ang pagpapahalaga, para mawasak ang hirarkiya, kailangang kontrahin ang pagpapahalaga ng dominanteng uri (middle class: huwag kang sexist, huwag kang dugyot, sumunod ka sa batas; lower class: pakshet kang putangina mo, adik ako, gugulpihin ko ang asawa ko. May matutuhan tayong lahat sa BASTOS, lalo na kung lalampasan natin ang mga ngayo'y komportable at dominanteng paliwanag na natutuhan natin sa mga paaralan.)Ang usaping pangkasarian ay hindi lang tungkol sa kasarian. Bastos kami? Bastos kami sa inyong mga nakapag-aral. Bastos kami sa inyong nakababad sa mga dominanteng institusyon. Oo, inaamin kong may problema ang ginagawa namin pero may problema rin ang simplistikong pagbasa niyo sa amin. Mag-usap kaya tayo?
2. Sabi ni John Fiske: Popular culture contradicts itself. Sabi ko: Masculinity contradicts itself. May mga entry na progresibo, may mga entry na regrisibo; may mga entry na progresibo pero binasa bilang regresibo, may mga entry na regresibo pero binasa bilang progresibo; progresibo kahapon, regresibo ngayon, progresibo bukas; regresibo sa iba, progresibo sa iba, ano ba talaga koya
3. Kailangan ng mga bagong kategorya para pangalanan ang karanasan sa panahon ngayon na lalong tinatarget ng konsumerismo ang lalaki (axe, high endurance, fix hair gel, clear for men, metrosexual, FHM), may mga bagong papel ang lalaki (ang tatay na naiwan sa bahay ng asawang OFW), nagiging objectified ang lalaki (bench models), etc. Sa Hay!Men!, may mga "bagong" kategorya: tunay na lalake, di tunay na lalake, under consideration. Pansinin na anumang kategorya ka timbangin, lagi kang kulang. O lalaki, tinimbang ka ng kapitalismo, kulang ka. Tinimbang ka ng pemenismo at queer theory, kulang ka. Pati ba naman sa kapwa mo lalaki, kulang ka pa rin?
4. Imposible (pantasya? Pangarap? Ideyal?) ang hinihingi ng lahat ng front sa lalaki, kaya kailangan niya talagang pumili at maging inconsistent para hindi siya mabaliw. Sa peer pressure ba? Sa pemenismo at queer theory ba? Sa kapitalismo ba? Depende sa kanyang espesipisidad, pero usually damaging at offensive ang napipili niyang response. Ang mungkahi ko: ituring ang Hay!Men! bilang sintomas ng mas makapangyarihang mga puwersa o institusyon. Huwag ipapasan ang daigdig sa blog na ito, tingnan ang mga estrukturang dahilan kung bakit posible at nakakaaliw ang blog na ganito, kahit damaging at offensive. Para naman madagdagan ang pagpipilian ng mga lalaki.

Sino na nga ba ang nagsabing bentang benta ang mga bagay na bastos sa Pilipinas dahil ang bastos bastos lang talaga ng mga nangyayari sa bansang ito? Sinungaling ang presidente, ang daming namamatay sa gutom, walang teksbuk at klasrum ang mga estudyante, gustong maging kongresman ng isang boksingero…alam mo na ito. Alam mong hindi tama ito. Alam mong mas bastos pa ang mga ito kaysa sa kahit anong DVD na mabibili mo sa iyong suking pirata. Alam mong wala nang babastos pa dito dahil TOTOONG NANGYAYARI ANG MGA ITO. Ano kayang konek ng blog namin dun? Hindi ko pa alam ngayon. Gusto ko pang obserbahan ang tunaynalalake blog. Sana huwag muna siyang mamatay.

Yun muna siguro. Sa mga nag-iisip tungkol sa Hay!Men!, gusto ko kayong makakuwentuhan. Siguro kapag hindi na mainit ang ulo niyo.

Friday, April 24, 2009

Dito ang tambayan ng mga tunay na lalake.

Saturday, April 18, 2009

Magtanong kay Yol

Dear Yol,

Musta pare. Sumulat ako sa Magtanong kay Yol, kasi well, may tanong ako. Ganito. Bakit ba ang ispeling ng ibang tao sa “iba’t ibang” ay “iba’t-ibang”? Di ba, yung “iba’t ibang”, pinaikling “iba at ibang” kaya naging “iba’t ibang”. Bakit nilalagyan ng dash ng mga tao? Ano yun? Naiintindihan ko kung bakit “cno” ang ispeling ng “sino” sa text, kung bakit “ung” ang “yung” at “d2 n q” ang “dito na ko,” pero pare, shet, bakit may dash ang ispeling ng “iba’t ibang”? Di ko magets e. Ganun din ang nangyayari sa “isa’t isa.” Puta, sumasakit ang ulo ko pag nakikita yang dash na yan e. Anong shit yun?

Alejandro


Dear Alejandro,

Tangina mo ang daming nagugutom sa mundo grammarian ka pa rin? Ano bang paki mo kung ganun ang trip nilang baybay? Ano ka, teacher ng Sining ng Pakikipagtalastasan?

Yol

Thursday, April 02, 2009

May sinusulat akong mahabang mahabang sanaysay. Dahil tamad kang magbasa, yung notes ko lang ang ipakikita ko sa yo. Belat.

1.
Gusto ko ang tunog ng Yol. Pag tinatawag akong Yol, may naririnig akong tigsh tigsh tigsh tapos biglang nagkakamirror ball sa kuwarto tapos ang ganda ng abs ko at may kaakbay akong mga babaeng nakasuot ng leather at sinasabi sa akin ng mundo: Wassup Yol? Biglang magkakaroon ng religion sa Sudan na ang pangalan ng diyos ay Yollah. Sa mga drug store, lumilitaw ang mga botelya ng gamot para sa cancer na may pangalang Paracetayol. Sa Espanya, tumitirik ang mata ng isang babae habang ginagawa sa kanya ng kanyang mangingibig ang Yollatio. Isang beses sa isang taon, pinapatay ng mga tao ang ilaw sa kanilang bahay para sa Yol hour. Yolicious! Sabi ng isang Pranses matapos matikman ang ginawa niyang pasta. Sa isang pajama party, kinikilig ang mga Assumptionista habang naririnig sa pelikula ang mga linyang Yol complete me! Shut up, Yol had me at Hello!

2.
Allan dapat ang pangalan ko ngayon. Nung ipinagbubuntis pa lang ako ng nanay ko, ito ang napagkasunduan ng mga magulang ko na itawag sa akin. Pinagsama nila ang unang mga pantig ng kanilang palayaw. Al mula sa Alice ni Alicia, at Lan mula sa Lando ni Yolando. Kaya lang, nung malapit na akong ipanganak, biglang nagkaroon ng matinding pagnanasang magkaroon ng Junior ang tatay ko. Ayun, bininyagan akong Yolando B. Jamendang Jr. Naiisip ko ngayon, buti na lang nagkaganoon kasi tatlo na ang Allan sa opisinang pinapasukan ko. May Allan Derain, may Allan Popa at may Allan De Vera. Exag na kung may Allan Jamendang pa. Sobrang hassle sa tuwing may darating na estudyante at magtatanong: “Puwede po kay Sir Allan?”

3.
Noong lumalaki ako, hindi ko masyadong naramdaman ang pagiging magkatukayo namin ng tatay ko. Nunoy ang ipinalayaw sa akin ng nanay ko (sa Bicol kasi, lahat ng batang lalaki Nunoy ang tawag), at Lando naman ang ipinantatawag ng mga kainuman sa tatay ko. Sa paaralan lang ako tinatawag na Yolando, at Mr. Jamendang naman ang tawag ng mga guro sa tatay ko kapag dumadating siya para sa PTA meeting.

Naaalala ko lang na magkapangalan nga pala kami ng tatay ko kapag naririnig ko siyang nakikipagkuwentuhan/nakikipag-inuman sa mga kapitbahay namin. Dyunyor (katunog ng pabor) ang ipinantutukoy niya sa akin, at may nararamdaman akong pagmamalaki at ewan ko, paghanga siguro kapag binibigkas niya ang salitang yun. Lagi niyang ikinukuwento na napapagod raw siya kapag Recogniton Day dahil sa dami ng medalyang isinasabit sa akin. Pinagtatawanan niya ang kabarkadang hindi ako matalo sa chess kapag nakakalaro ko sa mga araw na walang pasok sa eskuwela. Minsan nga, kapag may kausap siyang ibang tao, hindi ko siya naririnig na nagkukuwento tungkol sa ibang bagay, lagi na lang tungkol sa akin. Na para bang ang tanong na kumusta ka ay kumusta na ang anak mo, na ang tanong na anong pinagkakaabalahan mo ay anong ginagawa ng anak mo.

Tuwang-tuwa ako dati kapag naririnig siyang ganoon. Ninanamnam ko ang bawat papuri niya, na pasekreto kong pinakikinggan sa tabi ng bintana malapit sa lugar ng kanilang inuman. Sa tuwing sasabihin niya ang salitang Dyunyor, ewan ko ba, pero nakikita ko sa isip ko ang isang eksena sa Voltes V kung saan niyayakap ng umiiyak na Steve at Big Bird ang tatay nilang si Dr. Armstrong. Hindi ko alam kung may ganung eksena talaga sa Voltes V o Dr. Armstrong talaga ang pangalan ng tatay nila, pero sa isip ko, kapag naririnig ang Dyunyor sa tatay ko, may tatay na Dr. Armstrong ang pangalan at niyayakap siya ng umiiyak na sina Steve at Big Bird. Hindi ko maintindihan kung bakit pinatitigil siya ng nanay ko sa pag-inom at pinapapasok sa bahay namin para matulog.

4.
Alam mo na to, nangyari na sa yo to. Unang araw ng pasukan, tapos tinatawag ng guro ang buong pangalan ng mga estudyante. Alam mo ang unang titik ng apelyido mo kaya alam mo, more or less, kung kailan ka matatawag. Hinihintay mong magtaas ng kamay yung magandang babae sa front row para malaman kung anong buong pangalan niya, para maipagtanung-tanong mamaya, o mai-google at mai-search sa Facebook isang gabing wala kang magawa. Kapag tinawag na ang pangalan mo, itataas mo ang kamay mo, at malalaman na ng guro na pumasok ka.

Parang ganyan din ang simula ng mga school year at semestre ko noon, may pagkakaiba lang nang kaunti. Jamendang, YOLANDO Jr. B. ang buo kong pangalan, at sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, lagi na lang, lagi’t lagi na lang na Jamendang, YOLANDA Jr. B. ang tinatawag ng guro. Noong una, tumitingin muna ako sa paligid dahil malay ko ba, baka meron akong kaklaseng Jamendang, YOLANDA Jr. B. ang pangalan. Tapos saka ko sasabihin sa guro na mam, YOLANDO po, hindi YOLANDA. Kinalaunan, hindi na ako tumitingin sa paligid. Sumasagot na ako agad, gamit ang pinakamalalim kong boses, ng ser, YOLANDO po, hindi YOLANDA. Kapag may tumawa, bubulong pa ako ng tangina, may Jr. na ngang katabi e. May YOLANDA bang Jr., pakshet.

5.
May nakahanda akong dalawang sagot kapag may nagtatanong kung bakit YolandO ang pangalan ko. Kung teacher o kaklaseng halatang walang kausap sa bahay ang nagtatanong, sinasabi ko lang na Ewan, tanungin mo si Yolando Jamendang SR. Kung chicks na may dimple at maputing kilikili ang nagtatanong, medyo nagdadrama ako nang kaunti. Sinasabi kong nagkasakit kasi ang lolo ko dati, fifty-fifty ganun, tapos napagaling siya ng isang doktor na nagngangalang Yolando. Tapos sabi ng lolo ko sa kanya, pangako, kapag nagkaanak ako uli, ipapangalan ko siya sa yo. Ikaw ang ninong ha. At ayun, nang ipanganak ang tatay ko, Yolando ang naging pangalan niya. Ako naman, dahil panganay na anak, napangalanang Yolando Jr. Tapos sasabihin kong so, sigurado akong hindi lang ako ang Yolando sa Pilipinas. May at least dalawa akong katukayo - yung tatay ko, at yung doktor na gumamot sa lolo ko. Sabay pa-cute na ngiti at tingin sa mata ng chicks na may dimple at maputing kilikili.

6.
Sa totoo lang, natutuwa ako dati na Yolando ang pangalan ko. Madaling matandaan, lalo na pagkatapos magkamali ng mga teacher ko. Okey lang na hindi ako ipinangalan sa isang santo o sikat na artista o bayani. Napakabigat na pressure naman kasi kung may kapangalan kang nagpapagaling ng ketong, makalaglag panty ang kaguwapuhan o sumulat ng nobelang nauwi sa isang pag-aalsa. Ayoko nun, parang lagi kang tinitimbang ngunit kulang. Lagi na lang may mas astig na taong may-ari ng pangalan mo. Mabuti na ring wala akong kapangalang kriminal, kontrabida sa pelikula ni FPJ/Valiente o MaraClara/Bioman. Hindi ko kakayanin ang pang-aasar ng mga kaklase ko kung nagkaganun.

7.
May isang joke na naririnig ko bawat taon, oo, bawat taon sigurado yun, sa iba’t ibang tao:

Knock, knock.
Who’s there?
Yolando.
Yolando who?
You think you own whatever land, yolando…

Si Mark Mabanglo yata ang pinakaunang nag-joke nang ganun. Ilang araw din akong kinakantahan ng Pocahontas theme matapos ang joke na yun. Minsan, kapag bigla na lang napatahimik ang lahat sa kuwentuhan, may isang kaklaseng mapapatingin sa akin at magsasabing, Knock, knock…

8.
Noong nasa hayskul na ako, natanggal sa trabaho ang tatay ko. Pumasok kasi siyang lasing at nang utusang iparada ang kotse ng amo niya, naibangga niya sa kotse ng isa pa niyang amo. At ewan ko ba, pagkatapos nun, lalo pa siyang nahilig sa pag-inom. Nadagdagan pa ang mga kainuman niya dahil nang lumipat siya sa pagiging taxi driver, napupuntahan niya na ang mga kamag-anak sa Tundo. Dahil madalas siyang lasing, may mga araw na hindi ako makapasok kaagad. Hindi kasi sapat ang naiuuwi niyang pera sa gabi kaya magbibiyahe muna siya sa umaga bago ako mabigyan ng pamasahe at pambaon.

Minsan, habang naghihintay, tinangka kong alalahanin ang mga araw na pasekreto ko siyang pinakikinggan habang nakikipagkuwentuhan sa mga kabarkada. Pero ang layu-layo ng alaalang yun, hindi ko na maabot. Mas malapit sa akin ang mga araw na inihahampas niya ang mukha ko sa kama dahil hindi ko mabasa ang isang pahina sa aklat/pamphlet na ABAKADA. Nararamdaman ko ulit ang init sa bukol ko nang batukan niya ako matapos makitang nakikipaglaro kina Marvin at Nunong sa tambak ng mga lupa noong hinuhukay pa ang C-5 at Kalayaan Avenue. Naririnig ko uli ang tunog ng pinto sa kusina namin nang itulak niya ako dito dahil Most Polite lang ang nakuha kong award nang magtapos sa Kinder. Habang naghihintay, naalala kong ako pa ang pinakukuha niya ng sinturon kapag papaluin niya ako.

Nang bumalik sa akin ang mga alaalang iyon, hindi galit ang naramdaman ko. Takot. Na baka magpatuloy ang ganitong pattern sa buhay ng tatay ko at tuluyan na akong hindi makapag-aral. Na baka maging isa rin akong lasenggong security guard na matatanggal sa trabaho at magiging taxi driver na hinihintay ng anak para magkaroon ng pambaon.

9.
Tuwang-tuwang ako isang araw nang tawagin ako ni Jayson Arvin Salazar na Yol. Yol, sabi niya, at hindi ko na narinig ang iba pa niyang sinabi. Busyng busy na kasi ako sa pagpapasyang magmula noon, Yol na ang pangalan ko, at hindi na you think you own whatever land yol fucking lando.

Friday, March 20, 2009

Hi! Writer ka ba? Pakibasa naman itong parang Call for Submits ni Adam David:

ito ay isang call for submits para sa NEW GENRE REVIEW, isang prospective online downloadable PDF antho quarterly journal na magshoshowcase sana ng kung ano mang makabagong pamamaraan ng pagsusulat sa Pilipinas, mga akdang wala pang audience na nakakapag-appreciate, o kung ano man ang tingin natin na mga dapat gawing babasahin para sa paparating na postGMA New Optimism, pagpapakilala para sa mga bagong estetiko, pagbigay-buhay muli sa mga luma o patay na, pagbigay-halaga sa wika sa pamamagitan ng pagbababoy nito, mga hinliliitang-ngarat sa nostril ng konsepto ng "genre" bilang "form" at "subject," mga kaning-baboy na paglabulabo ng gampanin ng mambabasa at manunulat at salita bilang wikang nakaimprenta sa pahina, mga akdang hindi mangangailangan ng basbas ng blurb o intro mula kina Lumbera, Yuson, Dalisay, o Evasco, etc etc etc! ieMail sana sa juncruznaligas@gmail.com bago matapos ang buwan ng Abril, para masaya! pakipost po sa blog niyo, ipasa pa po sana sa iba, basta may husay, may yabang, at may interes sa pagpapalawak pa ng ibig sabihin ng salitang "panitikan," hindi lang dito, kundi sa buong mundo, pati na rin sa japan (hi yol, sana magbigay ka!)! ayuz! salamat po!

Labels: , ,

Wednesday, March 11, 2009

Usapang Bestfriend

Hello? Hello pare ikaw ba yan? Si Yol to. Musta? May ginagawa ka ba? Di ba kita naiistorbo. Wala naman. Wala nga, gusto lang kitang makakuwentuhan. Okey lang?

Nandiyan ba si Diana? Kumusta naman kayo? Sige na nga.

Ano kasi, meron kasing magandang babae. Oo, magandang babae na naman. Pero iba to, sa tingin ko. Maganda siya, yung tipo ng magandang babae na kapag naalala mo isang Linggo ng hapon gusto mong itext, pero hindi ka makapagtext kasi wala ka namang sasabihin, yun bang magmumukha ka lang papansin kasi nga basta ka na lang nagtetext kahit wala ka naman talagang sasabihin. Kaya hindi ka na lang magtetext, magsisindi ka na lang ng yosi. Tapos bago mo maubos ang yosi may maiisip kang puwedeng sabihin, puwedeng itanong, kaya magtetext ka na sa kanya. Tapos magsisindi ka uli ng isa pang yosi habang naghihintay ng reply niya. Maya-maya tutunog ang selepono mo, tapos yung kapatid mo lang pala ang nagtext, nag-forward ng message. Yung forwarded message na akala mo sex ang inilalarawan tapos tungkol lang pala sa pangungulangot. Tapos maiinis ka, magrereply ka sa kapatid mo ng buwiset ka kamukha mo talaga si Boy Abunda. Sa gigil mo sa pagpindot hindi mo tuloy napansin na nagreply na pala yung magandang babae, at mapapansin mo lang na nagreply na siya kapag naubos mo na ang yosi mo. Tapos sasabihin mo tangina shet buwiset kasing Boy Abunda yan, tapos pagtingin mo sa reply ng magandang babae isa o dalawang salita lang, may smiley naman, pero alam mong hindi ka na makakapag-follow up text. Ganung klase ng magandang babae pare.

Ilang Linggo ng hapon nang nangyayari sa akin to. Naiinis na nga ako e. Naiinis ako kasi hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Kung nagkakaganito ba ako kasi namimiss ko yung mga Linggo ng hapon na nasa kama ako, may kayakap na magandang babae, tapos wala akong pakialam kung ilang beses mang tumunog ang selepono ko dahil wala naman akong hinihintay na mensahe, hindi ko kailangang bumangon dahil wala naman akong pupuntahan, na wala naman akong ibang kailangan kundi yung magandang babaeng katabi ko. Na baka yung babaeng kayakap ko dati naman talaga ang gusto kong itext, pero nasabi ko na sa sarili kong hindi ko na siya dapat itext, kaya ibang magandang babae na lang ang tinitext ko.

O kaya, hindi ko na talaga gustong itext yung babaeng kayakap ko dati tuwing Linggo ng hapon. Kaya nagagawa ko nang magtext sa ibang magandang babae. Ewan, hindi ko alam.

Pare baka may gagawin ka pa ha, hindi ba talaga kita naiistorbo? Naku, wag mo isipin ang load ko. Ewan ko ba, nitong mga nagdaang linggo parang ang tagal tagal maubos ng load ko. Hindi naman ako naga-unli unli. Puta, kalokohan yang mga unli unli na yan, puwede ka ngang magtext at tumawag to the max pero dapat yung katext at kausap mo kapareho mo ng network. Tangina, siguro yan ang dahilan kung bakit wala masyadong nagtetext sa akin e.

Di ba kayo ni Diana parehong Sun? E di sinusulit niyo talaga yang mga gimik na ganyan. Buti pa kayo. Ayoko namang magpalit ng number. Hassle e. Simula nang magkaselepono ako ito na ang number ko. Tsaka dati, dati, hindi ko naman naisip na kakailanganin ko ang bagong number. Hindi naman ako mahilig magtext tsaka tumawag, kaya hindi ko naman masyadong nararamdaman yung bawas sa load kapag nagtetext ako sa taga-ibang network. Isa lang naman ang textmate ko dati e. SMART din siya. Tapos magkasama naman kami pag weekends. May landline rin naman kami pareho.

O, nandiyan na si Diana? Paki-hi naman ako. Ngapala, pag pupunta kayo sa Market Market text niyo naman ako. Dalhin ko yung Sandman na pinabili mo sa akin. Sus, okey lang, sa baba lang ng building namin yung book sale e. O sige na, baka may gagawin pa kayo e. Hehehehehe! Uluuuuuuul, kunwari pa to. Mamamalengke na pala ang tawag dun ngayon. Biro lang gagu. Salamat pare. Inom tayo minsan. Linggo day off mo di ba? Puwede na ako pag Linggo. Sige sige. Bye.

Tuesday, March 03, 2009

Basta maka-update langThe Golden rule: Do not text unto others what you do not want others to text unto you
February 14, 2009: Natuklasan ni Yol Jamendang na bukod sa iba pang bagay na kayang gawin ng kanyang puso, isa rin itong wi-fi spot
Man, tingin ko lasing na ako
Pare, alam ko na kung paano makukunan ng picture yung babae sa likod natin. Basta ngumiti ka lang...

Labels: , , ,