Usapang Bestfriend
Hello? Hello pare ikaw ba yan? Si Yol to. Musta? May ginagawa ka ba? Di ba kita naiistorbo. Wala naman. Wala nga, gusto lang kitang makakuwentuhan. Okey lang?
Nandiyan ba si Diana? Kumusta naman kayo? Sige na nga.
Ano kasi, meron kasing magandang babae. Oo, magandang babae na naman. Pero iba to, sa tingin ko. Maganda siya, yung tipo ng magandang babae na kapag naalala mo isang Linggo ng hapon gusto mong itext, pero hindi ka makapagtext kasi wala ka namang sasabihin, yun bang magmumukha ka lang papansin kasi nga basta ka na lang nagtetext kahit wala ka naman talagang sasabihin. Kaya hindi ka na lang magtetext, magsisindi ka na lang ng yosi. Tapos bago mo maubos ang yosi may maiisip kang puwedeng sabihin, puwedeng itanong, kaya magtetext ka na sa kanya. Tapos magsisindi ka uli ng isa pang yosi habang naghihintay ng reply niya. Maya-maya tutunog ang selepono mo, tapos yung kapatid mo lang pala ang nagtext, nag-forward ng message. Yung forwarded message na akala mo sex ang inilalarawan tapos tungkol lang pala sa pangungulangot. Tapos maiinis ka, magrereply ka sa kapatid mo ng buwiset ka kamukha mo talaga si Boy Abunda. Sa gigil mo sa pagpindot hindi mo tuloy napansin na nagreply na pala yung magandang babae, at mapapansin mo lang na nagreply na siya kapag naubos mo na ang yosi mo. Tapos sasabihin mo tangina shet buwiset kasing Boy Abunda yan, tapos pagtingin mo sa reply ng magandang babae isa o dalawang salita lang, may smiley naman, pero alam mong hindi ka na makakapag-follow up text. Ganung klase ng magandang babae pare.
Ilang Linggo ng hapon nang nangyayari sa akin to. Naiinis na nga ako e. Naiinis ako kasi hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Kung nagkakaganito ba ako kasi namimiss ko yung mga Linggo ng hapon na nasa kama ako, may kayakap na magandang babae, tapos wala akong pakialam kung ilang beses mang tumunog ang selepono ko dahil wala naman akong hinihintay na mensahe, hindi ko kailangang bumangon dahil wala naman akong pupuntahan, na wala naman akong ibang kailangan kundi yung magandang babaeng katabi ko. Na baka yung babaeng kayakap ko dati naman talaga ang gusto kong itext, pero nasabi ko na sa sarili kong hindi ko na siya dapat itext, kaya ibang magandang babae na lang ang tinitext ko.
O kaya, hindi ko na talaga gustong itext yung babaeng kayakap ko dati tuwing Linggo ng hapon. Kaya nagagawa ko nang magtext sa ibang magandang babae. Ewan, hindi ko alam.
Pare baka may gagawin ka pa ha, hindi ba talaga kita naiistorbo? Naku, wag mo isipin ang load ko. Ewan ko ba, nitong mga nagdaang linggo parang ang tagal tagal maubos ng load ko. Hindi naman ako naga-unli unli. Puta, kalokohan yang mga unli unli na yan, puwede ka ngang magtext at tumawag to the max pero dapat yung katext at kausap mo kapareho mo ng network. Tangina, siguro yan ang dahilan kung bakit wala masyadong nagtetext sa akin e.
Di ba kayo ni Diana parehong Sun? E di sinusulit niyo talaga yang mga gimik na ganyan. Buti pa kayo. Ayoko namang magpalit ng number. Hassle e. Simula nang magkaselepono ako ito na ang number ko. Tsaka dati, dati, hindi ko naman naisip na kakailanganin ko ang bagong number. Hindi naman ako mahilig magtext tsaka tumawag, kaya hindi ko naman masyadong nararamdaman yung bawas sa load kapag nagtetext ako sa taga-ibang network. Isa lang naman ang textmate ko dati e. SMART din siya. Tapos magkasama naman kami pag weekends. May landline rin naman kami pareho.
O, nandiyan na si Diana? Paki-hi naman ako. Ngapala, pag pupunta kayo sa Market Market text niyo naman ako. Dalhin ko yung Sandman na pinabili mo sa akin. Sus, okey lang, sa baba lang ng building namin yung book sale e. O sige na, baka may gagawin pa kayo e. Hehehehehe! Uluuuuuuul, kunwari pa to. Mamamalengke na pala ang tawag dun ngayon. Biro lang gagu. Salamat pare. Inom tayo minsan. Linggo day off mo di ba? Puwede na ako pag Linggo. Sige sige. Bye.
10 Comments:
mahirap nga yan. pero nakakasanayan.
para malampasan, kailangang danasin :)
i love you sobra.
wag ka namang ganyan, alam mo na ngang fragile ako ngayon e
yol.. si diana to.. sige na maginuman na kau ni papa jisun.. di ko kau bibigyan ng curfew... basta sau lang ung magandang babae ha... ako na ung magandang babae nya eh (habang nakatitig ng masama kay jisun).. hehehe... God Loves You yol!!!
salamat, di. napangiti ako dun. at kelan ba puwede si jison?
pde daw sya anytime (ayaw lang daw ako iwan mag-isa sa bahay -- palusot).. kung gusto mo raw, inom kau sa cavite tonight.. umuwi sya ngaun.. o kaya sa lingo daw kung pde ka.. ---diana
O papa! Ikaw pala, napatawag ka. Wala, wala naman akong ginagawa ngayon. Tambay lang kasi day off e. Ok lang talaga.
Andito si Diana, pero ayan, nanonood ng TV. Hindi ko alam kung ano ang meron sa tsismis tuwing Linggo - magnet sa mga babae. Oo, ok naman kami. Lovers pa rin. :)
Noon, sa tuwing nababanggit mo ang katagang "magandang babae", iisang babae lang ang pumapasok sa isip ko. Parang naging term of endearment mo na kasi sa kanya yung mga salitang yun. Parang kapag sinabi kong "guinea", alam mo na agad na ang tinutukoy ko e si Diana.
Pero mukhang sa istorya mo ngayong araw, ibang babae na ang tinutukoy mo ah. At gaya ng dati, masining ka pa rin mag-describe - parang pati ako gusto ko na rin siya itext. Pero baka hindi ko rin gawin yun - wala pa naman ako ng kalituhang pinagdaraanan mo ngayon.
Gusto pa naman sana kita tanungin kung kamusta na kayo ni "magandang babae" - yung nauna ang tinutukoy ko. Gusto ko sana malaman kung may nagbago ba matapos niyong subukan muli. Kung nakatulong ba ang saglit niyong paghihiwalay para mapagisipan niyo kung anu-ano ba talaga ang mga bagay na mahalaga para sa inyo.
Wala nga akong gagawin, ok nga lang. Ayoko rin namang makita si Boy Abunda at si Kris Aquino maghuntahan on national TV. Ok na rin na napatawag ka - di ko na kailangan manood ng The Buzz.
Oo papa, pareho kaming naka Sun ni Diana. Pero hindi sulit eh. Hindi rin kasi ako mahilig magtext at magtatatawag. Ironic nga e - kung kailan napakuha kaming pareho ng linya ni Diana, saka naman nabawasan ang palagiang pagte-text namin sa isa't isa. Nakatulong kasi ung paglipat namin dito sa Pitogo. Palagi kami magkasama, so hindi namin kailangan magtext lagi. Pero minsan inaaway niya ako kapag nasa trabaho ako at hindi ko siya natext man lang buong araw.
Inom tayo sa linggo. Nakapagpaalam na ako kay Diana. Pumayag naman siya. Sana pwede ka. Sige pare kita na lang tayo. Babayaran ko pa pala ung Sandman na kinuha mo para sa akin. Sige papa, sa linggo na lang. I love you din.
sige papa, sa linggo. salamat. astig ka talaga.
dapat pala nabasa ko na 'to agad bago pa tayo nagkita-kita sa market market last tym..
hahahahah...oo nga no..ndi ko nabasa yung reply ni jisun kakainis..hmp! c nats daw ndi pwede sa date na cia nagpropose hahaha...
Post a Comment
<< Home