May magpapari sa bahay namin. Oo, meron, pero hindi ako at ang tatay ko. Ang tinutukoy ko ay si Greg, isa sa mga ipinadala ng Sta Teresita parish sa lugar namin para sa kanilang immersion program. Dalawang buwan siyang lalagi sa amin para maranasan ang "buhay mahirap".
Bakit ganito? Ang lugar kasi namin ang pinaka(ilagay lahat ng politically incorrect term dito i.e. maraming adik, maraming mahirap, nalimutang lugar, madilim) sa aming barangay. Squatter's area. Para marating ito, kailangan mong umakyat sa mga hagdan at dumaan sa pasikut sikot na mga eskinita. Hindi ka puwedeng gumamit ng kotse dahil wala kang madadaanan at paparadahan. Hindi tuloy namin alam kung saan padadaanin ang bumbero kung sakaling magkasunog sa o kaya sunugin ang aming lugar. Walang grocery sa amin, walang bakery, walang internet rental at walang tindahan ng school supplies kaya kapag nangailangan ka, kailangan mong bumaba (Mataas ang lugar namin; tinatawag din itong tarikan). Tuwing may okasyon (piyesta, Pasko, Bagong Taon, Mahal na Araw, birthday, kasal, binyag) ay nagpapatayan ang mga lasing sa amin (pero walang namamatay). Ang mga national past time ay 1) nonstop tong-its; 2) street Bingo; 3) inuman to death; 4) tsismisan habang nagpapasuso ng anak; at 5) paggawa ng anak na pasususuhin habang nakikipagtsismisan (sampu na ang inaanak ko). Kaya siguro natural lamang na sa amin ipinadala itong mga gustong maging career ang pagpapari.
Nilinis ng kapatid ko ang bahay namin para sa pagdating ng bisita. Naglabas ang nanay ko ng sariwang kumot at punda sa unan bago siya namalengke. Inayos ko ang mga libro kong nakakalat at inilagay sa labahan ang mga nabaon sa limot na T-shirt ko sa gilid gilid ng aking kuwarto.
At dumating na nga si Greg. Dumeretso sila ng nanay ko sa kusina para magluto ng pananghalian. Ginisang tambakol na may petsay ang kanilang niluto. Paglabas ko ng kuwarto ay nakipagkamay ako sa kaniya, at nakita kong nakahanda na ang mesa - may serving spoon ang bawat sandukan at may timplang juice sa tabi ng bawat plato. Hindi ko alam pero parang may nagsabi sa aking buksan ko ang computer para makanood kami ng pelikula habang kumakain.
Mukha namang masaya ang aming bisita sa kanyang unang araw bilang "mahirap".
0 Comments:
Post a Comment
<< Home