Pagbibigay Dahilan sa Buhay na Hindi Atin:
Ang Kontribusyon ni Britney Spears sa Pilosopiya ni David Pomeranz
Pasakalye
Taong 2000 nang niyanig ng album na Oops...I did It Again ni Britney Spears ang mundo ng astronomiya sa pamamagitan ng single na Lucky. Sa kanyang pagbigkas ng mga linyang
She's so lucky
She's a star
ay luminaw sa buong mundo kung ano talaga ang kasarian ng mga bituin sa langit. At kasabay ng pagmulat na ito ay ang pagkapanganak ng gender studies sa larangan ng astronomiya. Ano pa ba ang hihilingin ng mga bituin, na tinitingala ng lahat at saksi sa lahat ng mga pagbabago sa kasaysayan ng uniberso? Masyadong masalimuot ang sagot sa tanong na ito para kay Spears, pero nagawa niyang ipakita sa lahat na maging ang mga bituin ay tinatanong ang kanilang sarili na
If there's nothing
missing in my life
then why do these tears
come at night?
Sa papel na ito, ipapakita naman ang kontribusyon ni Spears sa pilosopiya ni David Pomeranz, isa sa mga higante ng industriya, kasabayan ng mga tulad nina April Boy Regino, Renz Verano at ng boy group na Flower Four. Gagawin ito sa pamamagitan ng pagsusuri ng awitin ni Pomeranz na I Was Born for You at ng awiting Born to Make You Happy ni Spears.
Si David Pomeranz at ang ating Nalalaman Tungkol sa Pag-ibig
1999 pa lumabas ang Born for You album sa pamilihan ng Pilipinas subalit patuloy pa rin itong hinahanap ng mga mamimili sa record stores. Sa kasalukuyan, humigit kumulang 500, 000 kopya na ang naibenta (hindi pa kasama ang mga pirated) dito sa ating bansa. Sa mga number one radio stations tulad ng YES FM, Love Radio at LS FM ay halos oras-oras pinapatugtog ang carrier single na Born for You. At dahil nga ang mga stations na ito ang pinapakinggan sa jeep, bus at taxi ay hindi maikakailang naging bahagi na ng kamalayang Pilipino ang mga linyang
I was born for you
it was written in the stars
It's as if the powers of the universe
conspired to make you mine
Pinaparating sa atin na ang pag-ibig ay hindi lamang proyekto ng dadalawang tao, kundi ng buong uniberso. Bukod dito, sa pagtatagpo ng dalawang taong nagmamahalan ay nailulugar ang lahat ng kanilang mga nagawa, ginagawa at magagawa: para sa kanyang iniibig at wala nang iba. Tumitingin tayo sa mga taong magkasabay kumain ng lunch, magkahawak ng kamay habang naglalakad o kaya dalawang taong nagbabasa ng iisang libro habang magkayakap at nagsasabing: para sila sa isa't isa. Nagkaroon ngayon ng bagong kahulugan para sa atin ang salitang kasintahan.
Naging mas mapait naman ang mga paghihiwalay dahil kasabay noon ang realisasyon na HINDI PALA SIYA ANG PARA SA AKIN. At ang napakahabang proseso ng paghahanap ng taong sasabihan ng
I was born for you
and that you were born for me
ay magsisimula na namang muli.
Ang Problematikong Born for You
Subalit kung susuriin ang mga titik ng awit ni David Pomeranz ay makakakita ng isang malaking kakulangan. Madalas nang nasabi na madulas ang mga salita at madaya ang diwa kaya kailangan sa pakikipagtalastasan ang kongkretisasyon. Sa pamagat pa lamang ng awitin ni Pomeranz ay hindi na matatagpuan ang kongkretisasyong ito.
Born for you
at magpapaulit-ulit pa ito sa chorus ng kanyang awitin, ang pinakanatatandaang bahagi ng kanyang karahasan sa ating kamalayan.
I was born for you
and that you were born for me
Pinanganak ka para sa akin, pero para ano? Pinanganak ka ba para sa akin katulad ng pinanganak si Oswald para kay Kennedy? O katulad ng pinanganak si Rey para kay Karding (ReyCards)? O baka pinanganak ka para sa akin katulad ng pinanganak si Ernie baron para magbenta ng DC antenna? Halatang halata na kailangan ng paglilinaw.
Ang Kontribusyon ni Britney Spears
Pinalaya tayong lahat ng ...Baby One More Time album ni Spears sa Matrix na nilika ng awitin ni Pomeranz. Sa pamamagitan ng awiting Born to Make You Happy ay napalinaw niya ang lahat - ipinanganak ako para pasayahin ka.
I couldn't live a day without your love
I was born to make you happy
Rekomendasyon
Panimula pa lamang ang mga pagsusuring ito. Marami pang puwedeng sabihin sa mga kontribusyon ni Spears sa sangkatauhan. Dapat sigurong linawin na hindi lahat sa mga ito ay positibo katulad ng Hit me Baby One More Time para sa mga masokista. Pero nagawa na ang nagawa, at sana ay nailatag ko ang mga panimulang landas na puwedeng tahakin ng iba pang Britney Spears scholar.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home