Friday, October 31, 2003

Wala dapat ang entry na ito dito e. Kaya lang nagpasya ang ulan na siya ang magbibigay ng karma ko para sa araw na ito, at ikinulong niya ako dito sa internet rental. Magaling siya, alam niyang kaunti lang ang dala kong pera at pag natapos na ang isang oras ay mapipilitan na akong lumabas at magpagahasa sa kanya. Naisip ko, nabasa ko na lahat ng bagong e-mail sa akin at tinatamad akong gumawa ng testimonial kaya gagawa na lang ako ng entry sa blog ko.

Ganito yung mga pangyayari na hindi mo makikita sa mga textbook tungkol sa mga bayani at iba pang kilalang tao. Malalaman ko kung kelan sila namatay, anong nagawa nila para sa bayan o kaya kung ano ang naimbento nila o kaya kung ilang libro sinulat nila pero hindi mo malalaman kung ilang beses silang nastranded dahil sa ulan. Hindi mo malalaman kung ilang beses silang hindi nakapasok dahil nasira tiyan nila o kaya ilang beses silang napahiya dahil mali ang sagot nila sa recitation. Sabagay hindi naman sila mahalaga.

Hindi mahalaga? Ako naaalala ko pa na nung grade3 ako pinitik ako ng goma sa bibig ng teacher ko. Sa harap ng crush ko. At pumapait ang panlasa ko pag nagbabalik yun. Napapamura ako kung naiisip ko kung ilang lakad na kasama sana ang mga kaibigang hindi ko na nakikita ang naunsiyami dahil sa ulan. Nung college nasira ang tiyan ko bago magfinals sa isang subject at hindi ako masyadong nakapagreview. Bumagsak ako. At sa tuwing ipapakita ko ang transcript ko sa bagong employer, nandoon yung F na yun, nangigitata. Dahil nasira ang tiyan ko.

Nabatukan kaya ng prayle si Rizal? Nagulpi kaya si Hitler ng mga bullyng Hudyo nung nagbibinata siya? Nabasted kaya si Erap nung bata siya dahil pandak siya o kaya natae siya sa klase? Hindi ko alam. At hindi ko na malalaman yun.

Hindi na ako puwedeng magtagal. Susugod na ko sa ulan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home