Nitong isang araw ay natuto akong muling magdasal. Akala ko ay mangyayari ito matapos magkasakit ang isang mahal sa buhay, o kaya sa kalagitnaan ng isang panghoholdap sa bus na sinasakyan ko, o kaya habang pabagsak ang isang bulalakaw sa aking kinatatayuan. Pero hindi, naganap ito sa loob ng isang tricycle, sa kalagitnaan ng trapik sa esteban abada sa loyola heights. Ihing ihi na ako at hindi lumalakad ang putang inang mga sasakyan. Kaya sabi ko Lord sana po makarating na ako sa CR ng soc sci building sa ateneo.
Walang pakialam ang mundo sa mga taong naiihi.Sa may Zagu inip na naghihintay ang mama sa susunod na mamimili. Sa karinderya tuloy ang pagnguya ng mga tricycle driver na nag-aalmusal bago magpatuloy sa pasada. At ang driver ng tricycle na sinasakyan ko ay nagbibilang ng mga bariya.
Sa mata ng isang taong naiihi ang lahat ng lugar ay pwedeng ihian. Pwede akong bumaba at makiihi sa pre-school na dinaanan namin. Pwede akong pumara sandali at umihi sa poste. Sa likod ng punong mangga pwedeng iraos ang hinanakit ng pantog. Kahit sa loob ng tricycle pwede akong umiri at magpakalunod sa kaluwalhatian. Pero hindi, tiis lang, malapit lang naman ang soc sci building.
Pero Lord bakit madaming lubak Lord bakit umaalog alog ang tricycle Lord bakit di kami umabot sa stoplight Lord tumatayo na ang balahibo ko Lord...
Paano ba sinusukat ang haba ng panahon? Sa minuto? Sa oras? Sa araw? O sa hapdi at kiliting tinitiis ng isang taong naiihi?
0 Comments:
Post a Comment
<< Home