the girl in my mirror,
the girl in my mirror,
is me! I can't believe what I see
wooowoooo
lyrics ni britney spears
araw araw kong naaalalang nalilimutan ko na ang mga kaibigan ko. hindi ko na maalala halimbawa, kung gaano katangkad si gary o kaya kung gaano kalakas manghapas si grettel pag naaasar. hindi ko na kilala ang mabangong amoy ni tebs at wala na sa tenga ko ang tinis ng boses ni angel zarate. nababagabag ako.
minsan ay magaan lang ang pagkatok ng mga alaala. kapag magsesend ako ng text message at sinisilip ang aking phonebook ay nadadaanan ko ang iba't ibang pangalang iba't iba rin ang kahulugan sa akin. hindi ko mapigilang maalala ang mga araw na nakasama ko ang mga taong may-ari ng mga pangalang iyon. Minsan naman ay mabubuklat ko ang aking journal sa pahinang mayroon nang sulat at makikita ko ang aking mga muni sa mga bagay na naranasan ko kasama ang aking mga kaibigan. May hahanapin akong reading na kailangan kong basahing muli at bubuksan ko ang mga kabinet at kahon sa aking kuwarto. At ayan na, magdaratingan na ang libo't isang alaala.
mas madalas naman ay ang marahas na pagpasok ng mga gunita sa pinto ng magulo ko nang buhay. kanina ay nag-iwan si naya ng mga "love tokens" sa aking cubicle - mga larawan ng mga buwang nagdaan. bawat isa sa kanila ay nagsusumigaw ng pagtatampo sa aking ginagawang pagwawalang bahala sa aking nakaraan. umaalingawngaw hanggang ngayon sa aking isipan ang kanilang mga hinanakit.
noong isang araw ay nagyaya ang aking mga kaibigan sa high school sa isang gimik. isama ko raw ang aking girlfriend para makilala nila. naisip kong sa wakas ay magkakaroon ng pagpapatuloy ang aking nakaraan sa kasalukuyan. magtatagpo na sila, at ang aking buhay ay hindi na magmumukhang putol putol. Pero nagkasakit ang isa sa mga kaibigan ko noong araw ng lakad. at hindi na raw siya makakasama. umulan pa nang malakas, nagkabuhol buhol ang mga plano, at hindi na kami natuloy. kami na lang ni joanne ang nag date. Kaming dalawa lang, hiwalay na naman.
matagal ko nang pinilit patahimikin ang pangugulong ito ng aking nakaraan sa aking kasalukuyan. gumawa ako ng paraan para magkita kita muli kami ng aking mga kaibigan, naging aktibo ako sa e-group ng aming batch, at inubos ko ang aking load sa pangungumusta sa mga tao. pero masyadong malakas ang aking mga kalaban: ang pagkakataon, ang panahon, at ang kasalukuyan. naisip ko ring hindi makatotohanan ang aking pinaggagawa. Iba iba na ang aming mga buhay, at hindi naman lahat ay gustong makipagtulungan sa akin.
iniisip ko ngayon kung sino ang dapat kong sisihin sa nararamdaman kong nakalulunod na lungkot. nakalulunod, pero kapag pinilit kong umahon sa tubig ay para naman akong isdang nasusunog ang hasang at kailangan uling magbabad. ito na siguro yung tinatawag na kabalintunaan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home