Friday, November 14, 2003

Sa larong Mage:The Ascension, nahahati ang realidad sa siyam na sphere. Ang lampas sa karaniwang pag-unawa sa alinman sa mga sphere na ito ang magbibigay sa isang tao ng kakayahang gumawa ng himala. Sa pamamagitan ng sphere of time halimbawa, maaaring pabagalin ang panahon sa iyong paligid at pabilisin naman ang oras mo, para maging tatlong beses na mas mabilis ang iyong mga pagkilos. Sa mga combat situation, dahil nga nasa iyo ang sphere of time ay palaging ikaw ang gagawa ng unang pag-atake. At dahil nga sa bilis ng iyong pagkilos, maaaring tatlong beses mo nang natamaan (nasuntok, nabaril, nasipa) ang iyong kalaban bago pa man siya nakapag-isip kung ano ang gagawin.

Kanina, nakita ko kung paano ginagamit ang sphere of time sa loob ng jeep na sinasakyan ko. May tatlong lalake sa harap ko, at sa kaliwa at kanan ko naman ay dalawang matandang babae. Sa dulong upuan ng dyip, 'yung pinakamalapit sa pinto, ay may nakaupong mama na hindi ko napansin hanggang pahintuin niya ang oras sa loob ng dyip. Payuko siyang lumapit sa ale sa kanan ko, tumigil sa harap ko, at dahan-dahang kinuha ang suot na bracelet nung ale. Dahan-dahan, dahil matagal namin siyang tiningnan habang ginagawa ang himala niya. Pagkatapos, bumaba siya ng dyip, at nagbalik ang normal na daloy ng panahon. Astig.

Gagamitin ko sana ang aking sphere of life para i-paralyze ang kanyang nervous system at patigilin ang kanyang pagtakbo, kaya lang nawala na siya sa aking paningin. Umasa na lang akong mahuhuli siya ng mga paradox spirits, ang tagapagbantay ng realidad.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home