Smoker's Pocket Garden, o Bulsang Hardin para sa mga Umuusok
Dito nagsasama-sama ang mga taong mahilig mag-isa, sabi ko sa sarili ko. Handa na sana akong tumula kung hindi lang maingay ang dalawang katabi kong nag-uusap tungkol sa schizoprenia. Hindi mo raw pwedeng basta basta tawaging schizoprenic ang isang tao, sabi nila sa Ingles, dahil maraming pameke ang problema sa utak na ito. Siguraduhin mo raw muna na hindi ito multiple personality disorder o kaya isa pang sakit na hindi ko maalala ang pangalan. Nilulunod sa usok ang problema, sinulat ko sa papel na dala ko, pero malakas talaga ang boses ng dalawa kaya hindi ko na naipagpatuloy. Hindi ko napansin kung paanong napunta sa pera ang usapan nila, kung paanong hindi ka raw mapapasaya ng pera pero mapagdurusa ng kawalan nito. Letseng buhay ito, parang scripted.
Birthday ng tatay ko nung November 18. Hindi ko siya binati. Hindi ko siya kinausap, hindi ko siya tiningnan sa mata. Hindi ako nagpaalam nung umalis ako para pumunta na sa Ateneo. Hindi ko matanggap na ginastos niya ang perang inutang niya sa akin, sa nanay ko at sa kapatid ko sa sabungan at sa pagtaya sa lotto.
Natalo siya sa sabong, at hindi siya tumama sa lotto. Natural, talo din kaming mga inutangan niya na sinabihan niyang kailangan niya ng perang pangrenew ng lisensiya sa LTO. Talong talo ako na nangutang kung kani-kanino dahil hindi niya ako mabigyan ng pamasahe para makapasok at makapagturo sa mga Atenista.
Ilang buwan na siyang hindi pumapasok. Nagwelga ang mga engineer sa kumpanyang pinaglilingkuran niya kaya wala rin siyang trabaho. Hindi naman siya makahanap ng ibang trabaho dahil may sugat siya sa paa; kumplikasyong dala ng sugat na ibinigay ng amateur na nagpedicure sa kanya. Nagkaroon na rin ako ng sugat na ganoon dati, at napagaling ko agad. Sabi ko sa kanya, iniinom ang penicillin at hindi inilalagay sa sugat. Sabi ko sa kanya, pinapalipas muna ang pamamaga bago pipigain ang sugat para lumabas lahat ng nana. Sabi ko sa kanya, walang magagawa ang pagpatak ng kandila sa sugat na nakanganga. Gusto ko sanang sabihin sa kanya, makinig ka sa akin dahil nasisiraan ako ng loob kapag nakikita kita sa ganyang ayos. Sabi niya sa akin, pautangin ko raw siya dahil kailangan niya ng pangrenew ng lisensiya.
Ilang araw na ang lumipas, at hindi ko pa rin siya masabihan ng belated happy birthday. Hindi ko masabi kay Yolando Jamendang Sr. na mahal kita, pero hindi na pwedeng magpatuloy ang ganito.