Thursday, September 25, 2003

Tungkol sa Atin
(kay fearl dahil hiningi niya)

Sa tubig
na buhay
at dagat
na mundo,
ang iisang
patak
na ikaw at ako:

uniberso

Friday, September 12, 2003

Para sa mga giniginaw.

Tubig

Bagyong mapaniil ang gabi.

Heto ako,
nakababad sa dilim,
natutunaw
sa aking pag-iisa.

Lason
ang mga ala-alang
pumapatak
sa aking diwa-
ang mga gabing
isda ang iyong dila
sa dagat ng aking balat,
tinutuklas
ang mga bahaging
tubig lamang dati
ang sumasalat.

Binuksan ko ang bintana
para bumuhos ang liwanag
at hugasan ang aking
pangungulila.
Sumalubong sa akin
ang libu-libong patak
ng ikaw-

nariyan at nariya'y
hindi ko mayakap.

Tuesday, September 09, 2003

Nitong isang araw ay natuto akong muling magdasal. Akala ko ay mangyayari ito matapos magkasakit ang isang mahal sa buhay, o kaya sa kalagitnaan ng isang panghoholdap sa bus na sinasakyan ko, o kaya habang pabagsak ang isang bulalakaw sa aking kinatatayuan. Pero hindi, naganap ito sa loob ng isang tricycle, sa kalagitnaan ng trapik sa esteban abada sa loyola heights. Ihing ihi na ako at hindi lumalakad ang putang inang mga sasakyan. Kaya sabi ko Lord sana po makarating na ako sa CR ng soc sci building sa ateneo.

Walang pakialam ang mundo sa mga taong naiihi.Sa may Zagu inip na naghihintay ang mama sa susunod na mamimili. Sa karinderya tuloy ang pagnguya ng mga tricycle driver na nag-aalmusal bago magpatuloy sa pasada. At ang driver ng tricycle na sinasakyan ko ay nagbibilang ng mga bariya.

Sa mata ng isang taong naiihi ang lahat ng lugar ay pwedeng ihian. Pwede akong bumaba at makiihi sa pre-school na dinaanan namin. Pwede akong pumara sandali at umihi sa poste. Sa likod ng punong mangga pwedeng iraos ang hinanakit ng pantog. Kahit sa loob ng tricycle pwede akong umiri at magpakalunod sa kaluwalhatian. Pero hindi, tiis lang, malapit lang naman ang soc sci building.

Pero Lord bakit madaming lubak Lord bakit umaalog alog ang tricycle Lord bakit di kami umabot sa stoplight Lord tumatayo na ang balahibo ko Lord...

Paano ba sinusukat ang haba ng panahon? Sa minuto? Sa oras? Sa araw? O sa hapdi at kiliting tinitiis ng isang taong naiihi?

Monday, September 08, 2003

unPoetry moment #1
Isang Ehersisyo sa Pangungulangot
para kay Mitzie

lahat naman tayo ay may sinuses. ang problema ay ang baradong sinus.
-mula sa isang patalastas. nakakainis.

ikaw ang kulangot
sa baradong nostril ng aking alaala.

subalit ang paglimot
ay di tulad ng pangungulangot-
ilang beses mang sumundot,
at kumalikot
ay hinding hindi mahuhugot
ang nanunuot na bangungot.

heto ako't sumisinghot singhot
sa pagitan ng mga pagdalirot;
marami nang nadukot

sa ilong,
subalit nakabara ka pa rin
sa nostril ng aking alaala.

Monday, September 01, 2003

hoy hoy hoy hoy hoy hoy!
(hoy hoy hoy hoy hoy hoy!)


chorus ng Mr. Suave ng Parokya ni Edgar

Okey Lang


dubidubidu. bukas ioobserve ang klase ko at heto ako, nagproprocrastinate sa paghahanda. hindi ko naman ito kasalanan, tinamad lang ako matapos kong makita na may humiram na sa lib nung pinanggalingan ng tulang tatalakayin ko (na dapat sinauli na last month nung humiram ayon sa computerized tsuva tsu tsu). busy rin ang may akda ng tula kaya hindi ko siya maiinterview. sabi nga ni david pomeranz, it's as if the powers of the universe conspired para hindi ako makapaghanda nang maayos para bukas. mukhang magba-bluff ako bukas at ang ibibigay na evaluation ng mga magoobserve ay: "okey lang". kamusta po ang klase ko kanina? "okey lang". kamusta po yung content ng aking pagtatalakay? "okey lang". ano pong masasabi niyo sa aking classroom management? "okey lang".

***

ilang buwan na palang hindi pumapasok ang kapatid ko sa PUP. nakakatawang nakakainis, kasi tuwing tatanungin ko siya pag nagkikita kami kung kamusta na ang pag-aaral, sasabihin niya sa akin, "okey lang". at ako naman, tuwing makikita ko siyang naghahandang "pumasok" ay kumbinsidong kumbinsidong "okey" siya. hanggang isang araw, nagtext siya sa akin at sinabing ngang hindi na siya pumapasok at nagaapply na ng trabaho! hindi ako nakapagtext back ng "okey lang".

***

tinatanong ko ang tatay ko kung kamusta na ang high blood niya. sabi niya, "okey lang".

ayos.