Friday, January 19, 2007

Akosiyol Tonite vol 2 (Collect them all!)
I write to express, not to impress

Showbiz Balita
Yol Jamendang, gaganap bilang Ambrosio!
Yol Jamendang, hindi Yul Servo. Tse!

Buong pananabik na inaabangan ngayon ng mga tagahanga ng Two-time Crush ng Bayan Award nominee na si Yol Jamendang ang kauna-unahan niyang pagganap bilang Ambrosio sa dulang Mga Santong Tao. Ipalalabas ang nasabing dula sa Huwebes, ika-25 ng Enero sa Gonzaga Function Room ng Pamantasang Ateneo de Manila. Mapalad ang AT Showbiz Balita Team dahil pinaunlakan ng batikang-aktor-sa-hinaharap na ito ang aming panayam.

AKOSIYOLTONITE: So…isang kilalang astronaut at ninja ka na, tapos ngayon, isang aktor naman?

YOL: Well, alam niyo naman, I always push myself through the fire, through the limits, through the wall para sa aking mga masugid na tagasubaybay. Bukod doon, napagkaisahan ako ng mga coteachers ko kaya wala naman akong magagawa kundi pumayag.

A: Anong klaseng Yol Jamendang ang makikilala namin sa dulang ito?

Y: Naku, very challenging ang role na ito para sa akin. Meron ako ditong fight scene habang naka-strait jacket at nagso-solve ng Sodoku. Meron din akong orgy scene dito kasama ang isang unan at dalawang bote ng C2.

A: Wushuuuu! Challenging daw. E bakit parang ni hindi ka kinakabahan?

Y: Sa totoo lang, hindi na nga ako makatulog sa kaiisip sa dulang ito e. Napakahalaga kasi ng papel ko dito dahil ako ang lead actor – ako ang unang makikita ng audience sa scene 1. Siyempre kailangan ko ring magpapayat para maganda akong tingnan sa stage. Wala munang extra rice para sa akin, tsaka iniisip ko palagi yung mga nagugutom sa Payatas sa tuwing kakain ako ng masarap para kaunti lang ang makain ko.

A: Ilalabas namin ngayon ang aming magic mirror. Sa magic mirror na ito, nakikita mo si Sam Milby. Anong sasabihin mo sa kanya?

Y: Kailan ba kayo aamin ni Piolo?

A: E, ano naman ang masasabi mo sa ekonomiya ng Pilipinas?

Y: Pasensiya na, pinagsabihan kasi ako ng manager ko na huwag munang magsalita tungkol sa mga bagay na iyan.

A: Buweno, maraming salamat at tc alwayz. Meron ka bang gustong sabihin sa fans mo?


Y: Huwag niyo pong kaliligtaan, Huwebes sa susunod na linggo na ang Mga Santong Tao. Kasama ko po dito sina Pamela Cruz, Michael Coroza, Jethro Tenorio, Ariel Diccion, Benilda Santos, Coralu Santos at Ariz Atienza. Directed by Jerry Respeto. Salamat sa Tulong Bicol Relief Mission para sa aking costume. Maraming salamat po sa inyong patuloy na pagsuporta. Kung gusto niyo nga palang makatanggap ng nakakatawang hirit at 2.50 per text, just send HIRIT ON to 206.

Saturday, January 13, 2007

KangKong

gusto ko sanang ipaliwanag sa iyo ang mga sinabi ni craig saper sa libro niyang artificial mythology, pero baka tamarin ka lang. panoorin mo na lang ito.

Wednesday, January 10, 2007

Dahil tatanda at lilipas din ako

1.
Salamat, salamat sa mga bumati sa akin noong birthday ko, noong Pasko at noong Bagong taon. Lalong lalo na doon sa mga Globe subscribers. Alam kong hindi madali para sa inyo ang bumati sa isang SMART subscriber na tulad ko. Habambuhay ko kayong mamahalin. Pasensiya na sa mga hindi ko napadalhan ng reply. Patawad sa mga hindi ko nabati. At huli, patawad sa matagal na hindi pag-update. Hinanap ko kasi si Jesus.

2.
Natagpuan ko naman siya, isang araw habang nakasakay ako sa bus. Narinig ko ang kanyang boses habang pinatutugtog sa YES FM ang number 1 song sa buong Pilipinas. Ang sabi niya:

Hawak Kamay
Jesus

Minsan madarama mo kay bigat ng problema
Minsan mahihirapan ka at masasabing “di ko makakaya”
Tumingin ka lang sa langit
Baka sakaling may masumpungan
Di kaya ako’y tawagin
Malalaman mong kahit kailan

[chorus]
Hawak-kamay
Di kita iiwan sa paglakbay
Dito sa mundong walang katiyakan
Hawak-kamay
Di kita bibitawan sa paglalakbay
Sa mundo ng kawalan

Minsan madarama mo
Ang mundo’y gumuho sa ilalim ng iyong mga paa
At ang agos ng problema’y tinatangay ka
Tumingin ka lang sa langit
Baka sakaling may masumpungan
Di kaya ako’y tawagin
Malalaman mong kahit kailan

[repeat chorus]

[bridge]
Wag mong sabihin nag-iisa ka
Laging isipin meron kang kasama
Narito ako oh, Narito ako

[repeat chorus]

Sa mundo ng kawalan
Hawak-kamay, Hawak-kamay
Sa mundo ng kawalan

3.
Pumunta nga pala ako sa Bicol noong huling linggo ng Oktubre, pagkatapos na pagkatapos ng AILAP-Ateneo National Writer's Workshop. Kasama ko si Joanne at ang nanay ko. Hindi pa humahataw sina Milenyo at Reming noon, kaya napakasarap pang pagmasdan ng mga tanawin. Gamit ang aking camera phone, kumuha ako ng larawan ng mga humps, mga humps, mga lovely lady lumps. Check it out:










4.
May ikukuwento ako sa iyo, pero secret lang natin, ha. Promise? Ako ang dahilan kung bakit hindi nakapagklase ang mga guro sa CTC 301 (isang klasrum sa Ateneo) noong Martes. Ganito kasi yun.

Naghihinanakit sa akin ang sikmura ko noong Martes ng umaga. Kung anu-ano kasing pinagkakain ko. Kaya hayun, pinarusahan niya ako sa pamamagitan ng pagpapa-LBM sa mga panahong hindi ko gustong o hindi ako puwedeng tumae. Kaya imbes na pumasok sa 730 class ko, uminom ako ng diatabs at nagtext sa beadle na hindi ako makararating. Umayos naman ang tiyan ko, kaya nagpasya akong pumasok para sa 12nn class ko.

Malay ko ba na naglagay ang mga estudyante ko ng "Hindi darating si Sir!" sa blackboard ng CTC 301. Malay ko ba na hindi nila buburahin ang sinulat nilang iyon. Pagdating ko tuloy sa CTC 301 na siya ring kuwarto para sa 12nn class ko, aba, hindi pa nagagamit ang pambura sa blackboard! Wala ang 1030-12 na klaseng madalas mag-overtime! At may dalawang estudyante sa loob ng kuwarto. Pagdating ko, sabi nila, "Sir, akala namin hindi kayo darating? Umalis na ang classmates namin. Nagtatatalon sa tuwa." Yeah.