Monday, May 29, 2006



Sa likod ng (iyong) mga tala
kahit sulyap lang, Darna

Saturday, May 20, 2006

Dear Xerex,

Bago ang lahat, gusto ko munang batiin ang nanay kong si Alice, ang tatay kong si Lando, at ang mga kapatid kong sina Irene, Lovilla at Leslie. Magandang araw rin sa inyo at sa inyong mga mambabasa.

Itago niyo na lang ako sa pangalang Yol. Nakatira ako sa 10 Kabute St. Blk 9 West Rembo Ft. Bonifacio Makati 1201. 17000 ang ID number ko sa Ateneo de Manila kung saan ako nagtatrabaho bilang part-time na guro. Paborito kong kulay ang blue, at mahilig akong mag-P.E.D.R.O.S. (playing, eating, dancing, reading, outing, singing). Naniniwala akong ang pag-ibig ay parang rosaryo - punong-puno kasi ito ng misteryo.

Sumulat ako para ikuwento ang isang di malilimutang pangyayari dito sa aming lugar. Tungkol ito sa aming kapitbahay na sina Romeo at Juliet (hindi nila tunay na pangalan). Pero bago ako magkuwento, gusto ko munang magbabala. Masyado po kasing bastos ang mga pangyayaring aking ilalahad. Kung nabastusan po kayo sa sex video ni Mahal, ito ang next level. Huwag niyo na pong ituloy ang pagbabasa kung hindi kaya ng powers niyo ang ganoong uri ng kabastusan.

Magandang babae si Juliet, Xerex. Mahaba ang kanyang itim na itim na buhok, bagay na bagay sa kanyang morenang balat. Puting puti ang kanyang mga ngipin – isang katangiang hindi matatagpuan sa ibang babae sa lugar namin. Hindi kasi siya naninigarilyo. Medyo singkit ang kanyang mga mata, na lalo pang sumisingkit kapag nagbabasa siya ng pocket book o kaya tumitingin sa malayo. Siya ang nagbabantay sa kanilang maliit na tindahan na matatagpuan sa gitna ng mahabang eskinitang kung tawagin ay Kabute St.

Si Romeo naman ang tipo ng lalaking hindi mo agad mapapansin kapag kasama ng iba. Halos kasingtangkad lang siya ni Juliet, at hindi niya ugali ang magsalita nang malakas kapag nakikipag-inuman o nakikipagkuwentuhan sa daan. Matipuno ang kanyang katawan dahil sa ilang taon na rin ng pagiging construction worker, pero madalas niya itong takpan ng maluluwang na damit.

Walang nakakaalam na may namamagitan kina Romeo at Juliet. Wala, hanggang isang gabi ay mahuli ng nanay ni Juliet na magkahawak ng kamay ang dalawa. Pagkaraan ng ilang minuto, nabulabog ang lahat dahil sa mainitang pagtatalo ng nanay ni Romeo at ng nanay ni Juliet. Hindi raw makapapayag ang nanay ni Juliet na malahian sila ng lahing adik, ng lahing manyakis. Sinisigawan niya ang nanay ni Romeo, sinasabihan itong sabihan si Romeo na itigil na ang panliligaw kay Juliet. Sinabi naman ng nanay ni Romeo, "Wala kang karapatang maghusga! Hindi mo kilala ang anak ko!". At nagpatuloy ang kanilang pagtatalo. Paulit-ulit lang ang kanilang mga sinasabi, pero tila hindi nila naririnig ang isa't isa. Nang mapagod sila sa kasisigaw, tumahimik ang buong paligid. At kumanta ang mga istambay ng "Ipaglalaban ko, ang ating pag-i-hi-big! Maghintay ka lamang, ako'y darating!..."

Makalipas ang ilang araw, nabulabog muli ang buong Kabute St. Nagsisisigaw ang lasing na lasing na si Romeo. Minura niya ang pusa, ang poste, ang tindahan, ang kanal, ang magtataho. Minura niya ang buong Kabute St. Dahil nga hindi niya ugali ang magwala at magsisigaw, hindi niya nadala ang kanyang pagwawala at pagsisisigaw. Pinagtawanan siya ng mga kanto boy na career ang pagwawala at pagsisisigaw kapag lasing. Nang makitang wa epek ang kanyang drama, pumunta siya sa tulay sa lugar namin. Mataas ang tulay na iyon, Xerex. Kung tatalon ka, dalawang telenovela ang matatapos bago ka dumating sa baba. Minura ni Romeo ang tulay, ang mga kotseng dumadaan sa ilalim ng tulay, ang mga batang naglalaro ng agawan base. Minura niya ang buong Kabute St. Saka niya sinabing "Tatalon ako!".

Na-stress ang mga matatandang nagbibingo dahil sa bantang ito ni Romeo. Na-stress din ang mga kanto boy na kanina ay tawa nang tawa sa drama ni Romeo. Binuhat nila si Romeo at pinaggugulpi ito, pinaggugulpi nang pinaggugulpi hanggang hindi na nito kayang tumalon mula sa tulay. Saka siya dinala sa presinto. Ikinulong siya sa salang pag-i-stress ng mga kapwa niya mamamayan.

Pinalaya rin siya pagdating ng hapon, Xerex. Itinuloy niya kasi ang kanyang pagpapakamatay sa loob ng kulungan. Natakot ang mga pulis na sa presinto siya mamatay. Stress yun. Kaya pinalaya nila si Romeo.

Kinagabihan, pagpasok sa kanilang bahay, nakita ng pinsan ni Romeo ang paa ni Romeo. Usually, dibdib ni Romeo ang nakikita niya sa ganoong taas. Tumingala siya at nakita niya ang kabuuan ni Romeo, nakasabit sa kisame.

Ilang gabing pinaglamayan si Romeo sa lugar namin, Xerex. Ilang gabing nagbingo nag-inuman nagtong-its nagmahjong naglucky 9 ang mga kapitbahay namin sa tabi ng kanyang kabaong. Minsang napadaan ako sa lugar ng burol, narinig kong sinasabi ng isang nagbi-bingo: "Sa letrang G! Buntis! Apat na buwan! Ay, si Juliet pala yun! Hehehe!". At tumawa ang mga nagbibingo. Tumawa ang pusa. Tumawa ang poste. Tumawa ang kanal. Tumawa ang magtataho. Tumawa ang buong Kabute St. Siguro, tumawa rin si Romeo.

Dito nagtatapos ang aking maikling kuwento. Sana ay maibigan ito ng inyong mga mambabasa. Sana rin ay hindi kayo masyadong nabastusan para mailathala ang liham kong ito. Maraming salamat at more power sa inyong column.

Gumagalang,
Yol

Wednesday, May 10, 2006

Gusto Ko Sanang Gumawa ng Madramang Entry Pero Hindi Ko Kaya Kaya Ganito Na Lang

May expression ang mga Bicolana sa lugar namin, oo mga Bicolana lang dahil hindi ko naririnig ito sa mga Bicolano: Hirac man. Sa Tagalog, kawawa naman. Naririnig kong sinasabi ito ng mga Bicolana kapag may isang batang umiiyak dahil sa isang "napakawalangkuwentang bagay." Sinasabi nila ito sa pinakasarcastic na paraan, sa paraang maiisip ng batang walang pupuntahan ang kanyang pag-iyak. Kadalasan, ang reaksiyon ng batang sinasabihan nito ay lalong umiyak. Hirac man.

Birthday ng nanay ko noong Lunes. Gaya ng ginawa ko noong mga nauna niyang birthday, tinangka kong gumawa ng isang blog entry para sa/tungkol sa kanya. Sabi ko sa sarili ko bago ako magsimulang mag-type, gagawin ko ang pinakamalufet na entry, yung nakakaiyak, yung pangMaala-ala Mo Kaya, yung puwedeng isama sa Mother's Day Special ng mga Broadsheet, yung puwedeng isama sa Chicken Soup for the Mother's Soul, yung puwedeng i-cut-and-paste at ipadala bilang forwarded e-mail na may subject heading na Send this to all mothers you know! Sabi ko, gagawin ko iyon dahil iyon lang ang nararapat para sa kanya. Pero gaya ng mga naunang taon, hindi ako nagtagumpay. Hindi ko kasi kayang magdrama.

Isang araw noong Grade Four ako, galit na galit ako sa nanay ko. Tinawag niya kasi akong bobo. Bobo! Hindi ginagamit ang isip! Sabi niya sa akin nang paulit ulit. Siguro kasalanan ko rin naman, pero masakit, nakakainis, nakakairita para sa isang Grade Four student yung tinatawag kang bobo kaya kumuha ako ng lapis at papel at sinulatan ko ang nanay ko. Sabi ko Ma, sorry, magpapakabait na ako, pero sana huwag mo na ako uling tatawaging bobo, tanga at ng iba pang synonym ng nakakainis na salitang ito. Nilagay ko sa ibabaw ng unan niya. Pag-uwi niya galing trabaho, nakita niya, binasa niya, tumawa siya. Tapos ipinakita niya sa mga tita ko ang sulat ko. At tumawa sila nang tumawa. Magmula noon, hindi ko na uli sinulatan ang nanay ko. Magmula rin noon, hindi na ako tinawag na patal-patalon (tatanga-tanga) ng nanay ko.

Ang kuwento palagi sa akin ng nanay ko noon, sa tuwing hindi ako puwedeng lumabas dahil dapat akong matulog para lumaki ako pero ayoko kaya humihiga na lang ako para makipagkuwentuhan hanggang makatulog ang nanay ko dahil siya lang naman ang nagkukuwento, bright daw siya sa klase noon, paborito ng teacher sa Math. Hindi na raw kailangang sabihin kung sino ba yung nakaperfect na naman sa test, kung sino na naman yung papakiusapan ng guro na mag-check ng long test ng mga kaklase niya. Basta lalapit na lang raw ang guro sa kanya at iaabot ang mga test paper. Siya yun, alam na ng lahat. Pero isang araw daw, hindi na siya pumasok.

Wala na raw kasi siyang pambaon, kahit na noong araw ay dalawang nilagang saging at isang bote na ng coke ang mabibili ng limang sentimos. Sabi sa kanya ng mga magulang niya, tama na yang pag-aaral na yan, gastos lang iyan. Ang dapat niya raw gawin ay sumama sa kanyang kuya sa pagpulot ng mga natapong butil ng palay sa mga pinag-anihan, para may pagkain sila. Umiyak daw siya nang umiyak, pero imbes na pakinggan ay pinalo siya nang pinalo. Kinabukasan, sumama siya sa kuya niyang mamulot ng mga natapong butil ng palay sa pinag-anihan.

Wala akong naaalalang pagkakataong umiyak ang nanay ko. Ang naaalala ko lang ay yung tingin niya sa akin minsang magkaaway sila ng tatay ko. Nakatayo siya noon sa pinto namin, nagsasalita tungkol sa responsibilidad. Halos tamaan siya sa mukha ng basong inihagis ng tatay ko. Ni hindi siya kumurap nang sumabog ang baso sa frame ng pinto. Pagkatapos, tumingin siya sa akin.

Matapos ang insidenteng iyon, tumatabi ako sa kanya kapag nakikita ko siyang may ginagawa. Naghihintay na kausapin niya ako. Alam kong may dapat siyang sabihin sa akin. Pero wala siyang sinabi kundi maglinis daw ako ng kuwarto ko dahil magulo na ito.

Noong lunes, gusto kong magdrama. Gusto kong tanungin ang nanay ko kung kumusta na ba siya, kung ano na bang nangyayari sa buhay niya, kung ano bang mga iniisip niya ngayong birthday niya. Gusto kong sabihin na Ma, okey lang ang magsalita. Okey lang ang magkuwento. Makikinig ako ngayon. Hindi kita iiwanan kahit makatulog ka sa pagsasalita. Pero hindi ko nagawa. Ang nasabi ko lang ay Happy birthday, Ma.

Kahapon, nadatnan kong nagkukuwentuhan ang nanay ko at mga tita ko tungkol sa madadramang mga bagay. Nang matahimik ang lahat, sabi ko, "Hirac man." At tumawa sila, tumawa ako, tumawa kaming lahat.