Dear Xerex,
Bago ang lahat, gusto ko munang batiin ang nanay kong si Alice, ang tatay kong si Lando, at ang mga kapatid kong sina Irene, Lovilla at Leslie. Magandang araw rin sa inyo at sa inyong mga mambabasa.
Itago niyo na lang ako sa pangalang Yol. Nakatira ako sa 10 Kabute St. Blk 9 West Rembo Ft. Bonifacio Makati 1201. 17000 ang ID number ko sa Ateneo de Manila kung saan ako nagtatrabaho bilang part-time na guro. Paborito kong kulay ang blue, at mahilig akong mag-P.E.D.R.O.S. (playing, eating, dancing, reading, outing, singing). Naniniwala akong ang pag-ibig ay parang rosaryo - punong-puno kasi ito ng misteryo.
Sumulat ako para ikuwento ang isang di malilimutang pangyayari dito sa aming lugar. Tungkol ito sa aming kapitbahay na sina Romeo at Juliet (hindi nila tunay na pangalan). Pero bago ako magkuwento, gusto ko munang magbabala. Masyado po kasing bastos ang mga pangyayaring aking ilalahad. Kung nabastusan po kayo sa sex video ni Mahal, ito ang next level. Huwag niyo na pong ituloy ang pagbabasa kung hindi kaya ng powers niyo ang ganoong uri ng kabastusan.
Magandang babae si Juliet, Xerex. Mahaba ang kanyang itim na itim na buhok, bagay na bagay sa kanyang morenang balat. Puting puti ang kanyang mga ngipin – isang katangiang hindi matatagpuan sa ibang babae sa lugar namin. Hindi kasi siya naninigarilyo. Medyo singkit ang kanyang mga mata, na lalo pang sumisingkit kapag nagbabasa siya ng pocket book o kaya tumitingin sa malayo. Siya ang nagbabantay sa kanilang maliit na tindahan na matatagpuan sa gitna ng mahabang eskinitang kung tawagin ay Kabute St.
Si Romeo naman ang tipo ng lalaking hindi mo agad mapapansin kapag kasama ng iba. Halos kasingtangkad lang siya ni Juliet, at hindi niya ugali ang magsalita nang malakas kapag nakikipag-inuman o nakikipagkuwentuhan sa daan. Matipuno ang kanyang katawan dahil sa ilang taon na rin ng pagiging construction worker, pero madalas niya itong takpan ng maluluwang na damit.
Walang nakakaalam na may namamagitan kina Romeo at Juliet. Wala, hanggang isang gabi ay mahuli ng nanay ni Juliet na magkahawak ng kamay ang dalawa. Pagkaraan ng ilang minuto, nabulabog ang lahat dahil sa mainitang pagtatalo ng nanay ni Romeo at ng nanay ni Juliet. Hindi raw makapapayag ang nanay ni Juliet na malahian sila ng lahing adik, ng lahing manyakis. Sinisigawan niya ang nanay ni Romeo, sinasabihan itong sabihan si Romeo na itigil na ang panliligaw kay Juliet. Sinabi naman ng nanay ni Romeo, "Wala kang karapatang maghusga! Hindi mo kilala ang anak ko!". At nagpatuloy ang kanilang pagtatalo. Paulit-ulit lang ang kanilang mga sinasabi, pero tila hindi nila naririnig ang isa't isa. Nang mapagod sila sa kasisigaw, tumahimik ang buong paligid. At kumanta ang mga istambay ng "Ipaglalaban ko, ang ating pag-i-hi-big! Maghintay ka lamang, ako'y darating!..."
Makalipas ang ilang araw, nabulabog muli ang buong Kabute St. Nagsisisigaw ang lasing na lasing na si Romeo. Minura niya ang pusa, ang poste, ang tindahan, ang kanal, ang magtataho. Minura niya ang buong Kabute St. Dahil nga hindi niya ugali ang magwala at magsisigaw, hindi niya nadala ang kanyang pagwawala at pagsisisigaw. Pinagtawanan siya ng mga kanto boy na career ang pagwawala at pagsisisigaw kapag lasing. Nang makitang wa epek ang kanyang drama, pumunta siya sa tulay sa lugar namin. Mataas ang tulay na iyon, Xerex. Kung tatalon ka, dalawang telenovela ang matatapos bago ka dumating sa baba. Minura ni Romeo ang tulay, ang mga kotseng dumadaan sa ilalim ng tulay, ang mga batang naglalaro ng agawan base. Minura niya ang buong Kabute St. Saka niya sinabing "Tatalon ako!".
Na-stress ang mga matatandang nagbibingo dahil sa bantang ito ni Romeo. Na-stress din ang mga kanto boy na kanina ay tawa nang tawa sa drama ni Romeo. Binuhat nila si Romeo at pinaggugulpi ito, pinaggugulpi nang pinaggugulpi hanggang hindi na nito kayang tumalon mula sa tulay. Saka siya dinala sa presinto. Ikinulong siya sa salang pag-i-stress ng mga kapwa niya mamamayan.
Pinalaya rin siya pagdating ng hapon, Xerex. Itinuloy niya kasi ang kanyang pagpapakamatay sa loob ng kulungan. Natakot ang mga pulis na sa presinto siya mamatay. Stress yun. Kaya pinalaya nila si Romeo.
Kinagabihan, pagpasok sa kanilang bahay, nakita ng pinsan ni Romeo ang paa ni Romeo. Usually, dibdib ni Romeo ang nakikita niya sa ganoong taas. Tumingala siya at nakita niya ang kabuuan ni Romeo, nakasabit sa kisame.
Ilang gabing pinaglamayan si Romeo sa lugar namin, Xerex. Ilang gabing nagbingo nag-inuman nagtong-its nagmahjong naglucky 9 ang mga kapitbahay namin sa tabi ng kanyang kabaong. Minsang napadaan ako sa lugar ng burol, narinig kong sinasabi ng isang nagbi-bingo: "Sa letrang G! Buntis! Apat na buwan! Ay, si Juliet pala yun! Hehehe!". At tumawa ang mga nagbibingo. Tumawa ang pusa. Tumawa ang poste. Tumawa ang kanal. Tumawa ang magtataho. Tumawa ang buong Kabute St. Siguro, tumawa rin si Romeo.
Dito nagtatapos ang aking maikling kuwento. Sana ay maibigan ito ng inyong mga mambabasa. Sana rin ay hindi kayo masyadong nabastusan para mailathala ang liham kong ito. Maraming salamat at more power sa inyong column.
Gumagalang,
Yol
26 Comments:
muntik ko nang hindi kayanin ang kabastusan.. "exag" (yung kabastusan, o ako? basta may "exag" >:) )
sana tama yung naisip ko tungkol dito (obyus na kung ano yung nakuha ko). pero babasahin ko ulit sir. hehe.
siguro kapag nagkaroon ng movie version ito. r18 din at hnd ipapalabas sa sm malls...
dati rin akong masugid na tagasubaybay ni xerex kaso hindi na masyado simula ng lumabas ang tiktik..
lintik na tiktik! :D
ayos to ah. dapat sa Roma-Amor ng Bulgar mo na lang ipinadala.
pilimon: naku, mas maganda ang sagad sa tiktik. hardcore!
na-stressed ako sa pagbasa ng kabastusang ito!
ang bastos bastos. *siryoso ang pagkasabi* ibang klaseng pambabastos. "bastusan"
ayos to yol... mahusay.
musta na pala MA? Ü
hyababy: you know, i'm supposed to be writing like, a hundred papers for my masters but here I am, blogging/procrastinating because this is what I really have to do.
sir.. kakaiba ka!!! benta lahat ng entries mo. gumawa ka na rin kaya ng libro? :D
Hirac man!!! Makapag Enerva nga, kaka stress ang entry na ito...
gnun...bastusun ba yun????di ahh ang panget naman
walang kwentang storya... dapat ikaw ang tumalon sa tulay ...
karumal dumal na kwento... huwag mo nang uulitin ha...
Hay naku makapag submit lang ng entry.. kawawa naman.. Teacher ka pa man din.. Non-sense
haaaaaaiiiiiii....kawawa nmn ung guro na nagsend nito...grabe your so disgusting...very disappointing...napaka non-sense moh...hope next time you can do good for others especially to all readers here...wawawawawawa talaga...
Nakakalibog naman ung kwento mo sir, muntik na akong labasan, labasan ng pawis sa inis... Kainis kaaaaaaaaaaa
bastusan na to ah! anu ba yan! naiistress ako dito XD
hahahaha..gumaganyan ka pa wala ka na ngang makain eh....ang bastos mo tol...bastos ka ..ahahaha
sumakit tiyan namen mga ka officemates q kaka stress. Binasa q ng malakas s kanila tawa cla ng tawa. Call center people.
eh mas bastos pa itong sulat ni inang...dear dodong...kamusta kana jan sa america?sinadya kong bagalan ang pagsulat ng liham na to dahil alam ko mabagal ka din magbasa.kung pwede san non fat milk na lang ang ipadala mo sa tatang mo.kasi sa tuwing iinumin nya ang nivea moisturizing milk na pinadala mo nasisira ang tiyan nya di sya hiyang sa gatas na yan...nagmamahal inang.
para kang.
Wala akong maintindihan, may subliminal message ba to?
ang tindi ng kahalayan nito! Napapatakbo ako sa banyo sa stress dito!
Ewan ko kung me sense ang kwento mo pero sa pakiwari ko, wala! Walang kabuhay-buhay. Mag-isip ka naman ng magandang kwento, para ganahan ang iyong mga bisita.
peste pagkapangit na istorya....
Post a Comment
<< Home