Wednesday, May 10, 2006

Gusto Ko Sanang Gumawa ng Madramang Entry Pero Hindi Ko Kaya Kaya Ganito Na Lang

May expression ang mga Bicolana sa lugar namin, oo mga Bicolana lang dahil hindi ko naririnig ito sa mga Bicolano: Hirac man. Sa Tagalog, kawawa naman. Naririnig kong sinasabi ito ng mga Bicolana kapag may isang batang umiiyak dahil sa isang "napakawalangkuwentang bagay." Sinasabi nila ito sa pinakasarcastic na paraan, sa paraang maiisip ng batang walang pupuntahan ang kanyang pag-iyak. Kadalasan, ang reaksiyon ng batang sinasabihan nito ay lalong umiyak. Hirac man.

Birthday ng nanay ko noong Lunes. Gaya ng ginawa ko noong mga nauna niyang birthday, tinangka kong gumawa ng isang blog entry para sa/tungkol sa kanya. Sabi ko sa sarili ko bago ako magsimulang mag-type, gagawin ko ang pinakamalufet na entry, yung nakakaiyak, yung pangMaala-ala Mo Kaya, yung puwedeng isama sa Mother's Day Special ng mga Broadsheet, yung puwedeng isama sa Chicken Soup for the Mother's Soul, yung puwedeng i-cut-and-paste at ipadala bilang forwarded e-mail na may subject heading na Send this to all mothers you know! Sabi ko, gagawin ko iyon dahil iyon lang ang nararapat para sa kanya. Pero gaya ng mga naunang taon, hindi ako nagtagumpay. Hindi ko kasi kayang magdrama.

Isang araw noong Grade Four ako, galit na galit ako sa nanay ko. Tinawag niya kasi akong bobo. Bobo! Hindi ginagamit ang isip! Sabi niya sa akin nang paulit ulit. Siguro kasalanan ko rin naman, pero masakit, nakakainis, nakakairita para sa isang Grade Four student yung tinatawag kang bobo kaya kumuha ako ng lapis at papel at sinulatan ko ang nanay ko. Sabi ko Ma, sorry, magpapakabait na ako, pero sana huwag mo na ako uling tatawaging bobo, tanga at ng iba pang synonym ng nakakainis na salitang ito. Nilagay ko sa ibabaw ng unan niya. Pag-uwi niya galing trabaho, nakita niya, binasa niya, tumawa siya. Tapos ipinakita niya sa mga tita ko ang sulat ko. At tumawa sila nang tumawa. Magmula noon, hindi ko na uli sinulatan ang nanay ko. Magmula rin noon, hindi na ako tinawag na patal-patalon (tatanga-tanga) ng nanay ko.

Ang kuwento palagi sa akin ng nanay ko noon, sa tuwing hindi ako puwedeng lumabas dahil dapat akong matulog para lumaki ako pero ayoko kaya humihiga na lang ako para makipagkuwentuhan hanggang makatulog ang nanay ko dahil siya lang naman ang nagkukuwento, bright daw siya sa klase noon, paborito ng teacher sa Math. Hindi na raw kailangang sabihin kung sino ba yung nakaperfect na naman sa test, kung sino na naman yung papakiusapan ng guro na mag-check ng long test ng mga kaklase niya. Basta lalapit na lang raw ang guro sa kanya at iaabot ang mga test paper. Siya yun, alam na ng lahat. Pero isang araw daw, hindi na siya pumasok.

Wala na raw kasi siyang pambaon, kahit na noong araw ay dalawang nilagang saging at isang bote na ng coke ang mabibili ng limang sentimos. Sabi sa kanya ng mga magulang niya, tama na yang pag-aaral na yan, gastos lang iyan. Ang dapat niya raw gawin ay sumama sa kanyang kuya sa pagpulot ng mga natapong butil ng palay sa mga pinag-anihan, para may pagkain sila. Umiyak daw siya nang umiyak, pero imbes na pakinggan ay pinalo siya nang pinalo. Kinabukasan, sumama siya sa kuya niyang mamulot ng mga natapong butil ng palay sa pinag-anihan.

Wala akong naaalalang pagkakataong umiyak ang nanay ko. Ang naaalala ko lang ay yung tingin niya sa akin minsang magkaaway sila ng tatay ko. Nakatayo siya noon sa pinto namin, nagsasalita tungkol sa responsibilidad. Halos tamaan siya sa mukha ng basong inihagis ng tatay ko. Ni hindi siya kumurap nang sumabog ang baso sa frame ng pinto. Pagkatapos, tumingin siya sa akin.

Matapos ang insidenteng iyon, tumatabi ako sa kanya kapag nakikita ko siyang may ginagawa. Naghihintay na kausapin niya ako. Alam kong may dapat siyang sabihin sa akin. Pero wala siyang sinabi kundi maglinis daw ako ng kuwarto ko dahil magulo na ito.

Noong lunes, gusto kong magdrama. Gusto kong tanungin ang nanay ko kung kumusta na ba siya, kung ano na bang nangyayari sa buhay niya, kung ano bang mga iniisip niya ngayong birthday niya. Gusto kong sabihin na Ma, okey lang ang magsalita. Okey lang ang magkuwento. Makikinig ako ngayon. Hindi kita iiwanan kahit makatulog ka sa pagsasalita. Pero hindi ko nagawa. Ang nasabi ko lang ay Happy birthday, Ma.

Kahapon, nadatnan kong nagkukuwentuhan ang nanay ko at mga tita ko tungkol sa madadramang mga bagay. Nang matahimik ang lahat, sabi ko, "Hirac man." At tumawa sila, tumawa ako, tumawa kaming lahat.

21 Comments:

At 9:30 AM, Anonymous Anonymous said...

ma-drama naman a. umiyak ako.

 
At 6:16 PM, Anonymous Anonymous said...

madrama nga.

 
At 1:38 PM, Anonymous Anonymous said...

sos hindi pa madrama sa iyo yan ha?! e pano pa kaya kung madrama ka na nga? ... : )

 
At 3:13 PM, Anonymous Anonymous said...

Sir hindi nga madrama. :) ikinubli ang kadramahan sa pagtawa...

 
At 12:17 AM, Anonymous Anonymous said...

langya ka talaga yol:D

 
At 8:23 PM, Anonymous Anonymous said...

kaya naman eh..

 
At 4:27 AM, Anonymous Anonymous said...

hindi kita kilala..
hindi mo rin ako kilala..
pero..--- pare...

mahal na kita.. (pakiss nga sa lips...)


:P

IDOL!!

 
At 8:10 PM, Blogger The Game said...

pakisabi kay mama mo tol happy birthday. : )

 
At 1:39 AM, Anonymous Anonymous said...

HANEP! Na-touch ako. :)

 
At 2:53 PM, Anonymous Anonymous said...

miray et al: magkaiba siguro tayo ng depenisyon ng "pagdadrama"

pilimon: sorry, di ako nakikipagbrokebackan sa di ko kilala e.:p

king of kings: King of kings? san galing yun? salamat sa pagbati mehn.

 
At 2:05 AM, Anonymous Anonymous said...

SIR! taga-bicol po pala kayo! Saan dun? Hindi nyo po ako estudyante pero estudyante ako ng isa niyong kaibigan, dun ko po nakuha link niyo :)

Pwede na rin po akong stalker niyo :) Joklang! :P hehe.

Hirac ca man. Dapat kinugos mo na sana si Mama mo para madrama man ngaya :)

 
At 8:49 PM, Anonymous Anonymous said...

anonymous:sag-ud siete anyos lang ako nag-istar sa libmanan, camarines sur. tatao akong magbicol ta nagpapara-bicol baga ang mga tahu samuya sa makati. dai man ako pigparakugos ning mama ko kang aki pa ko kaya dai ako tatao magkugos. hirak man.

 
At 7:19 PM, Anonymous Anonymous said...

pwedeng pwede. lupet. sir! lumipat na kami ng bahay, gusto ko sanang magsulat tungkol dun pero kelangan ko munang ilagay yung shower rail sa banyo, ikabit yung mga poster sa kuwarto ko at iayos ang mahigit sa dalawampung sapatos ng nanay. haay buhay.

 
At 2:06 PM, Anonymous Anonymous said...

brandz: huwag ka nang mag-ayos ng kuwarto, mag-drugs na lang tayo.

 
At 3:38 AM, Anonymous Anonymous said...

ayune!

sama!

 
At 3:38 PM, Anonymous Anonymous said...

yol sori ngayon lang uli ako nkabisita dito sa blogsite mo nag request p nman ako ng immediate update =( anyways, happy mothers day sa atin titah!

 
At 1:22 PM, Blogger xxx said...

isma!hinihintay ko palagi ang pagbisita mo.

 
At 12:04 PM, Anonymous Anonymous said...

HI YOL!

nice entry ha..
touching naman ah..
naaalala ko, need to catch up with mother dear..
di pa rin ako nawawalan ng bilib sa iyo.. idol!!

**musta MA??

-sandS

 
At 2:37 PM, Anonymous Anonymous said...

yan ang drama ng astig, ayaw magpahalata... hehehehe

 
At 5:13 PM, Blogger bonks alano said...

This comment has been removed by the author.

 
At 2:32 PM, Blogger bonks alano said...

maurag, padi.
surat ka lang.



*pano ba iedit ^_^

 

Post a Comment

<< Home