1.
So, nangyari sa akin ang X, Y at Z. Ginawa ko ang A, B at C. Naramdaman ko ang D, E at F, at luminaw sa akin ang G, H at I. Ano ngayon?
2.
Walang trabaho ang tatay ko, ang asawa ni Alicia, ang nanay ko. Walang trabaho ang asawa ni Araceli, ang tita kong na-istrok. Walang trabaho si Ambeth, ang asawa ni Adelia, tita ko rin. Wala ang asawa ni Adelaida, tita ko rin. Wala rin ang tatay ni Angela, ang anak ni Anita, isa ko pang tita.
Pag nagkaanak ako, hindi ko siya bibigyan ng pangalang nagsisimula sa A.
3.
Naaalala mo si Jaja? Si Jaja, yung pusang hinampas ng tatay ko ng dos por dos. Dumami siya. Lima na siya ngayon – siya plus yung apat niyang anak. Layas kasi yang si Jaja, kung saan saan nagpupunta. Nabuntis tuloy ng kung sinong kanto boy na hindi naman siya kayang pakainin. Nadagdagan pa tuloy kami ng apat na bibig na papakainin. Mabuti pa si Boomboom, palaging nasa bahay.
Siguro, noong past life ni Jaja, isa siyang playboy. Kung sinu-sino ang binubuntis niya, pero hindi naman niya pinananagutan. Hayan, nakarma tuloy siya. Siyam na habambuhay siyang mag-aalaga ng mga kuting na ni hindi niya maalala ang pangalan ng mga tatay.
4.
Sa isang buwan (Agosto), pupunta si Antonio (kapatid ni Alicia, tito ko) sa Tarlac.
Noong isang taon, nagtanan ang bunsong anak ni Antonio at si Malou, ang kapitbahay namin. Pumunta sila sa Tarlac.
5.
Isang araw, maglalaro kami ng Magic: The Gathering nina Jelson at Johnny sa The Loop ng ABS-CBN. Wala kasing tao roon kapag linggo. Bago ako pumasok ng MRT station, dumaan ako ng Julie’s para bumili ng pan de coco at pudding. Masarap kumain ng tinapay habang naglalaro e.
Pagdating ko sa Quezon Avenue station (bakit ba palaging may nangyayari sa Quezon Avenue Station?), may mga batang naglalaro. Nakita nila ang mga dala kong tinapay. Alam din nilang masarap maglaro habang kumakain ng tinapay.
6.
Masarap ang lugaw sa Cubao, mura pa. Pero hindi na ako kakain doon.
Noong isang buwan, umorder ako sa Hansarap ng isang lugaw na may itlog. Bago ako makasubo, sabi ng isang batang babae sa akin: “Kuya, akin na lang ang lugaw mo.” Sabi ko, pasensiya na, hindi pa ako nagtatanghalian. Yumuko siya. Hindi ako sigurado, pero parang narinig ko siyang nagsasabing “ako rin, ako rin.”
7.
Ano ngayon?