Friday, July 22, 2005

Run Yol, Run

Kunwari lumaki ka rin sa squatter’s area. Kunwari payatot ka rin noong bata ka dahil hindi ka mahilig matulog at kumain ng marami dahil ano bang alam mo tungkol sa mga bagay na yan. Kunwari mahilig kang lumabas ng bahay kapag tulog na ang nanay mo para makipaglaro ng agawan base, shatong, holen at text.

Isipin mo ang mga kalaro mong sa hindi mo maipaliwanag na dahilan ay mas mabilis sa iyong tumakbo, mas magaling maghagis ng pamato, mas mahusay magpagulong ng holen. Isipin mo ang mga nanay at kuya nilang tumatawag sa kanila para maghugas sila ng plato o bumili ng toyo o magsaing. Isipin mo ang pakiramdam kapag naiiwan kang mag-isa sa maalikabok na lupang pinagpaguran niyong buhusan ng tubig para makapaglaro ng patintero.

Isipin mo si Marvin, ang kapitbahay niyong mas matanda sa iyo, sa inyong magkakaibigan ng limang taon at mas matangkad sa iyo, sa inyo ng tatlong dangkal. Isipin mo kung gaano kabigat ang kanyang palad kapag tinataya ka niya habang pabalik sa inyong base. Isipin mo kung paano mabasag ang iyong turumpo kapag binabato niya ito ng kanyang sariling turumpo mula sa over. Isipin mo kung paano niya hamigin ang mga balat kending maghapon mong kinulekta, dahil natalo ka niya sa isang laro ng kalog tansan.

Isipin mo ang mga hapong umiistambay kayong magkakaibigan sa ilalim ng mga puno ng acacia. Isipin mo ang mga kuwentuhan niyo tungkol sa mga bold na pelikula. Isipin mo ang mga kuwentuhan niyo tungkol sa Bundok ng Sierra Pipoy, ang tambakan ng mga hindi nabiling laruan sa SM. Isipin mo ang mga kuwentuhan ninyo tungkol sa Voltes V, Shaider, Maskman at Bioman. Isipin niyo ang inyong mga tawanan nang mabanggit ang singit ni Annie, ang siyota ni Shaider.

Pagkatapos, isipin mo kung paano ka nilang pagtawanan matapos sabihin ni Marvin na mukha kang MechaClone mula sa Bioman. Isipin mo kung paano niya gayahin ang kilos ng mga MechaClone sabay tawa nang malakas habang inilalapit ang mukha sa iyo. Isipin mo ang slow motion na pagtama ng kanyang laway sa iyong kilay. Isipin mo kung paano ka nila tawaging iyakin, gayong pinupunas mo lang naman ang laway ni Marvin.

Habang tumatawa sila, pumulot ka ng bato. Tingnan mo ang mukha ni Marvin habang sumisigaw siya sa mukha mo ng “Waaaah MechaClone Waaaah!”. Buong lakas mong ihagis ang bato sa kanyang mukha. Tingnan mo ang slow motion na pagtama nito sa kanyang baba. Tapos tumakbo ka nang mabilis. Mabilis na mabilis, yung pinakamabilis na kayang itakbo ng payatot mong mga paa. Hindi sila makakahabol, dahil sa gulat nila sa iyong ginawa. Binato mo si Marvin, binato mo si Marvin.

Babatuhin ka rin ni Marvin. Pero hindi ka niya tatamaan. Hindi ka niya tatamaan dahil mahirap tamaan ang payatot, mahirap tamaan ang payatot.

2 Comments:

At 11:07 PM, Anonymous Anonymous said...

bakit ako nung bata madalas pa din mabangga ng mga nagbabike : (

payatot din naman ako nun a...

 
At 7:01 PM, Anonymous Anonymous said...

hahaha... lampayatot, baka mukha kang rampa.

 

Post a Comment

<< Home