Mga Kuwentong Bulag
Nakakita ka na siguro ng mga ganito, yung mga taong naka-shades kahit malalim na ang gabi, mga taong may hawak na gitara at tumutugtog, umaawit sa mga hagdan ng overpass, sa gilid ng mga kalye, sa gilid ng Shangrila EDSA, sa Quezon Avenue station ng MRT. Siguro nang makita mo ang isa sa kanila minsan, may kasama kang nagtanong ng "Kung talagang naghihirap sila, bakit meron silang pambili ng electric guitar at battery ng kotse? Bakit maganda ang lettering sa kahong may nakalagay na "Maawa na po kayo sa bulag"?" Siguro, minsan, nasubukan mo nang maglagay ng bariya sa kanilang kahon, dahil tinutugtog nila ang theme song ninyo ng boyfriend o girlfriend mo, dahil tinutugtog nila ang paborito mong kanta ni Kitchie Nadal, dahil naawa ka matapos mong makita ang mata nilang kahit kailan ay hindi nila nagamit upang tumingin, o kaya dahil wala kang mapaglagyan ng bariyang isinukli sa iyo ng aleng nagtitinda ng buko juice o ng mineral water.
Wala lang. Tungkol kasi sa kanila ang blog entry na ito, at sabi ng creative writing teacher ko dati, kapag madrama ang sanaysay na isinusulat mo, mas maganda kung sisimulan mo ito sa pamamagitan ng mahahabang pangungusap.
Noong isang linggo, pagbaba ko sa Quezon Avenue station, bago ko makita ang panget na Bench billboard ni Kris Aquino, bago ko makita ang mga batang natutulog habang tangan ang isang plastic cup na puno na ng bariya paggising nila, narinig ko ang boses ng isa sa mga blind singers.
"Mali man na ikaw ay ibigin ko
Ako'y isang bulag na umiibig sa iyo"
Natawa ako. Hindi ko alam kung dahil naisip kong mas bagay ang lyrics ng Maging Sino Ka Man sa mga bulag, o dahil pagkatapos noon ay nakita ko na ang billboard ni Kris. Siguro pareho. Tumigil ako sa paglalakad, luminga linga, at naghanap ng iba pang natatawa sa sitwasyon. Wala, no reaction lahat. Dahil napahinto na ako, at dahil ayaw ko namang magmukhang usyusero lang na tumitingin pero hindi naman nagbibigay ng limos, kinuha ko ang coin purse ko. 5.50 na lang ang laman. Saktong pamasahe hanggang PHILCOA. Naisip kong tutal, wala naman nang nakakakita sa akin (hindi naman ako nakikita ng mga bulag) kaya ibinalik ko na lang ang bariya sa coin purse at naglakad papunta sa highway, palapit sa billboard ni Kris. Habang naglalakad pababa ng istasyon, sigurado akong habang kinakanta ng bulag ang
"Mahal kita-ha
Pagkat mahal kita
Iniisip nila ay hindi mahalaga
Mahal kita maging...
Sino ka man"
ay may narinig akong sumigaw ng "Kuripot!". Binilisan ko ang lakad ko.
Noong isang araw, nananakit ang likod ko kaya lumapit ako sa mga blind masseuse. Sabi ng ahente, 100 daw ang bayad sa upper body massage, 200 kapag full body, at 300 kapag gusto mong nakahiga habang minamasahe. Sabi ko 100 lang ang pera ko kaya upper body massage lang, na gusto ko sana full body kaya lang wala akong pera, na hindi sige, next time na lang ako magpapa-full body massage kapag may pera na ako, na okey sana ang 150-peso full body massage kaya lang wala na akong pamasahe pauwi, na Miss, gusto ko nang magpa-upper body massage. Kaya pinaupo na ako sa isang plastic na upuan.
Hindi ako masyadong kinausap nung mama, na hindi ko rin naman masyadong kinausap dahil hindi naman kami close. Nakinig na lang ako sa usapan nila nung isa pang blind masseuse tungkol sa mga alimasag, kung gaano ito kasarap at kung magkano na ito ngayon. Sayang daw dahil hindi na sila nakatira sa probinsiya at hindi na sila makakatikim ng alimasag.
Bago matapos ang aking upper body massage, dumating ang ahente mula sa pamimili ng mineral water. May dala-dala siyang laruang jeepney. Sabi niya sa mga bulag, "Tingnan niyo! Tingnan niyo, may napulot akong laruan." Ilang segundong tumigil sa pagpisil sa aking mga masel ang bulag. Tapos sabi niya, "Sige, hihipuin ko mamaya."
Wala pa namang kliyente ang ibang mga masseuse, kaya pinagpasa-pasahan nila ang laruan. Sabi ng isa, "Aba, maganda ito! Pajero ito no?" Sabi ng isa, "Hindi, FX yan." Sabi ng ahente, "Tanga, Jeep yan."
0 Comments:
Post a Comment
<< Home