Monday, September 27, 2004

Dahil hindi ito blog entry, totoong buhay ito

Hello, hello, my name is Luis
Let's have fun
Learning English 2x
-Kuya Bodjie, sa Epol Apple

Isang gabi, nakita ko si Kuya Bodjie, umiiyak sa teleseryeng It Might Be You. Kilala niyo si Kuya Bodjie di ba? Kilala niyo si Kuya Bodjie – siya'y isa sa kapitbahay/kapitbahay, ninyo./ Siya ay kapitbahay/na laging handa/laging handang, tumulong sa inyo.

Kilala ko rin si Kuya Bodjie. Hindi niya ko maloloko kahit nagsuot siya ng salamin, kahit umiiyak siya, alam kong siya si Kuya Bodjie. Siya yung lumalapit at lumalayo sa akin habang nagsasabing "malapit" at "malayo" para malaman ko ang kaibahan ng dalawang salita. Siya yung nagkuwento sa akin tungkol sa karera ng pagong at kuneho. Siya yung kasama ni Kiko Matsing na nagpayo kay Pong Pagong na kumain ng prutas gaya ng saging para hindi siya maging matamlay. Siya yung kasama ni Ate Siennang magpahula kay Manang Bola. Kilala ko si Kuya Bodjie at si Kuya Bodjie yung umiiyak sa teleseryeng It Might Be You.

Kilala din siya ng kapatid ko. Siya si Luis, yung kumakanta palagi sa Epol Apple. Umiiyak daw si Luis, sabi ng kapatid ko. Tapos tumawa siya nang tumawa.

Kilala din ng nanay ko si Kuya Bodjie. Siya yung nagtuturo ng isa dalawa tatlo apat lima anim pito walo siyam sampu nang hindi namamalo. May visual aids pa. Pero hindi niya narinig ang kapatid kong nagkukuwento, tumatawa dahil umiiyak daw si Luis. Sinaway niya ang kapatid ko, huwag daw sasabat ang kapatid ko pag nagkukuwento ang matanda kung hindi ay papaluin siya ng isang walis tambo. Dalawang walis tambo. Tatlong walis tambo. Apat na walis tambo. Limang walis tambo. Anim na walis tambo. Pitong walis tambo. Walong walis tambo. Siyam na walis tambo. Sampung walis tambo. Tapos ibinalita ng nanay ko ang nakita niya sa Kodak Express sa Guadalupe. Nagwawala daw yung ale sa Kodak Express, sabi ng nanay ko. Sumisigaw daw siya ng "Mga putang ina ninyo, sinira niyo ang mga ala-ala ng kasal ko!". Nagpadevelop daw kasi ng film yung ale sa Kodak Express kaya lang exposed na yung film niya kaya wala nang magagawa doon. Kawawa naman daw yung ale, pero bakit naman daw kasi isang camera lang ang ginamit, sabi ng nanay ko. Bakit daw kasi hindi nag-iingat sa pagtanggal ng film. Tapos nagluto ang nanay ko ng tinapang bangus, tinapang bangus, masarap na tinapang bangus.

Kilala din siguro ng mga batang sumakay sa bus noong isang araw si Kuya Bodjie. Nakalagay sa damit na suot ng isa sa kanila: Batibot, at nakalagay sa sobreng inilagay niya sa kandungan ko ang mga salitang "Para po sa pag-aaral namin." Ngumiti siya nang iabot ko sa kanya ang sobreng nilagyan ko ng limang piso. Naalala ko yung ngiti ng mga bata kapag Batibot na. Pagmulat ng mata, laging nakatawa sa Batibot. Tayo nang magpunta tuklasin sa Batibot ang tuwa, ang saya. Doon sa Batibot tayo na tayo na mga bata sa Batibot maliksi, masigla. Doon sa Batibot tayo na tayo na! Mga bata sa Batibot tenunenunenungneng maliksi't masigla!

Malamang kilala din ng mga batang nakita ko sa Aurora noong isang araw si Kuya Bodjie. Kayang kaya kaya nilang pumasok sa dyip kahit paandar na ito? Kaya nila! Kayang kaya kaya nilang lumuhod sa sahig ng dyip at punasan ang nangingilag naming sapatos? Kaya nila! Kayang kaya kaya nilang tumingin sa mata namin habang nanghihingi sila sa amin ng pera? Hindi nila kaya. Itinapat lang nila sa amin ang kanilang mga palad, umaasang alam na namin ang dapat naming gawin. Kayang kaya ko kayang maglabas ng limang piso mula sa aking coin purse? Hindi ko kaya. Sinabihan na kasi sila ng ale: "Umuwi na kayo!". Sinabihan na kasi sila ng mama: "Sabihin niyo sa mga nanay niyo, putang ina nila!". Kayang kayang bumaba ng dalawang bata sa dyip. Kayang kaya ng jeepney driver na paandarin ang sasakyan, palayo sa mga batang kayang kaya pa kayang sumakay uli sa dyip at gawin ang ginawa nila?

Tinatanong mo siguro kung bakit umiiyak si Kuya Bodjie sa teleseryeng It Might Be You. Ganito yun: Sa kanya kasi isinisisi ni Machete (Si Machete yun, sigurado akong si Machete yun) ang mga problema ng pamilya nila. "Hindi totoo yan!" sabi ni Kuya Bodjie. Tapos umiyak siya. At tumawa nang tumawa ang kapatid ko. "Umiiyak si Luis," sabi niya.

1 Comments:

At 3:28 PM, Anonymous Anonymous said...

you can visit www.youdiehard.blogspot.com for more funny cool things in life. hahaha

bob

 

Post a Comment

<< Home