Caffeine
Isang hindi magandang adaptation ng tula ni Angelo Suarez
Mga kababayan,
Mga kapamilya at kapuso
Mga kapanalig ko forever at for life,
Samahan niyo akong magbigay papuri
Sama-sama tayong
Magrejoice
Sumusunod, sa galaw mo, sumusunod, sa galaw mo
Pag wala ka ikaw ang hinahanap ko
Sumusunod
Dahil hindi mo ako kilala, Joanne,
Dapat kang kabahan
Kabahan ka dahil habang ika'y natutulog,
Maaaring ako ang buwang nakadungaw sa iyong bintana,
Parang isang boserong nangungulila
O kaya ang kinakalawang na patalim o kutsilyo kapag
Nagbabalak kang magpakamatay sa pamamagitan
ng isang mabilis na paghiwa o pagtaga
Dahil, paggising mo,
Baka ako na pala ang toothbrush na tahimik na nakalambitin sa inyong banyo
O ang cotton bud na nananabik na tanggalin ang alikabok
at tutuli sa iyong mga tenga
Parang nagsasabing pansinin mo ako...
(sabay sabay tayo!)
Sumusunod, sa galaw mo, sumusunod, sa galaw mo
Pag wala ka ikaw ang hinahanap ko
Sumusunod
Dahil baka nariyan lang ako anumang oras o lugar
Baka ako ang kahit sino't kahit anong hindi mo inaasahan
Ang mayonaise sa iyong tinapay; ang moth balls sa iyong kabinet
Ang bula sa iyong gatas; ang reta retasong anino ng gabi;
Ang pasas na ayaw mong kainin; ang mga katok ng patak ng ulan;
Ang paglubog ng tubig sa inyong kubeta; ang buhok sa iyong ilong;
Ang iyong labi, ang iyong nunal, itim na buhok at itim ng mata;
Puting ngipin at pulang gilagid, ang iyong anit, ang iyong balat;
Kahit ang kuko mo sa paa.
Ang nakakatakot, Joanne, ay hindi mo alam
Kung kailan, kung paano magaganap ang pag-atake
Maingay o tahimik-
Armada ng bubuyog, malakas na hangin, sarikulay na paper clip,
glow-in-the-dark nail polish, o baka isang maitim at nakakikilabot na ulap
kapag may bagyong parating,
Nagbabantay sa lilim ng madilim na langit,
Inaantay ang tamang oras ng pagpatak.
Parang nagsasabing pansinin mo ako...
(all together now)
Sumusunod, sa galaw mo, sumusunod, sa galaw mo
Pag wala ka ikaw ang hinahanap ko
Sumusunod
Puwede akong
Maging ang basang medyas sa iyong basang paa
Sa iyong basang sapatos
Puwedeng ako
Ang kulay-ihing likido sa loob ng bote
ng Mountain Dew
Puwedeng ako
Ang clip na nakapisil
Sa iyong buhok, o
Ang isang piraso ng kanin sa iyong labing
Parang puti at nangungulilang lotus
Sa tahimik na sapa ng dugo, pulang pintura at pulbos ng ratiles.
Pakiusap, huwag mong punasan ng panyo ang iyong bibig-
Dilaan mo na lang ang iyong labi at ika'y
LUMUNOK
Parang
Parang
Parang
May anghel sa iyong labi
Na nakalutang sa ulap
At nangingiliti
Kung ang alat at asim ng buhay
Ay tulad ng hain ko sa yo mahal,
Suspetsa ko ang mundo'y
Magiging mapayapa
At masaya
0 Comments:
Post a Comment
<< Home