Papel, Pansit at Puso
(Hayop!)
Hay, Valentine's Day.
Bukas ang ika-22 anibersaryo ng unang date ng nanay at tatay ko. Alam ko dahil binanggit ito ng tatay ko kanina, bilang sagot sa tanong kong "Bakit may naaamoy akong pansit?" paglabas ko ng kuwarto. "February 15, 1981", dagdag niya pa, habang nakangiti at nakatingin sa kisame, parang nanonood ng isang black and white na romantikong pelikula. Binilang ko sa daliri kung gaano kalayo ang Disyembre, kung kailan ako ipinanganak. Sampung buwan. Produkto pala ako kung ganoon, ng isang buwang paglalabing-labing.
Valentine's Day. Binabalikan ko ang aking buhay estudyante at hindi, hindi ang derivation ng Law of Tangents, ang balancing ng equation kapag nagsama ang Ozone at CFCs at ang moral lesson ng The Fox and the Grapes ang naaalala ko kundi ang mga Valentine's Day - ang mga traumatic experiences ng bata kong puso.
Elementary
Love is like a rosary because it is full of mystery.
Ang pangalan ng crush ko noong Grade 1 ay Donilyn. Hindi matapos ang pagpapasalamat ko sa Diyos nang makatabi ko siya matapos gawing boy-girl-boy-girl ang seating arrangement ng aming adviser. Bago iyon, wala akong magawa kundi pumila sa likod niya kapag bibili na kami ng lugaw sa bilao, o kaya pumantay sa kanya sa pila kapag flag ceremony. Hindi ko naman siya nakausap agad nang makatabi ko. Ang nagawa ko lang ay maglabas ng papel at gumawa ng origami. Nang matapos ko ang isang bulaklak, hiningi niya sa akin at ibinigay ko naman (Para sa iyo naman talaga 'yan, sabi ko sa isip ko). Pagkatapos, gumawa ako ng origaming eroplano, at pinalipad ko nang pinalipad sa aming school grounds buong recess.
High School
O pagsintang labis ng kapangyarihan
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin ang lahat masunod ka lamang
Akala ng lahat ng aking kabatch ay naging girlfriend ko si Angel. Palagi kaming nag-uusap bago magflag ceremony. Sa JS Prom, ako ang unang tumatayo sa lahat ng mga torpe at kinukuha ko ang kanyang kamay, nagsasayaw kami hanggang matapos ang awiting King and Queen of Hearts ni David Pomeranz. Siya ang iniisip ko sa tuwing kakanta ako ng Paint my Love at Out of the Blue ng Michael Learns to Rock, ang dahilan kung bakit ko tinatagalog ang kanta ng Boyzone at Backstreet Boys. Isang araw, tinanong ko siya kung ano kami. Hindi siya sumagot, nagsulat lamang sa papel. Tinupi niya ito at pinagpunit punit, itinapon sa basurahan. Pinulot ko ang isang naiwang piraso at binuksan. Nakasulat: Magkaibigan.
College
Kapag ang Palay Naging Bigas, May Bumayo
Crush na crush ko si Wanda nung college. Siya ang dahilan kung bakit ako nagsign-up sa klase ni G. Eduardo Calasanz, na mahirap daw magpatest at nagbibigay ng F sa mga mag-aaral na hindi karapat dapat. Okey lang, basta maging kaklase ko siya. Isang araw, nagtanong ang guro kung sino ba raw para sa amin ang perpektong lalaki o babae. Hindi ako nagtaas ng kamay, pero umasa akong ako ang tatawagin. Para makalingon ako at maituro ko siya, at sabihing: Siya po, Sir. Pero hindi ako natawag. Hindi ako nagtaas ng kamay e. Bago magfinals week, nagsulat ako sa isang papel.
Hi! Ako si Yol. Pwede bang manligaw?
a. Oo
b. Hindi. (ipaliwanag)
________________________________________________
Hindi ko naibigay sa kanya. Nasa akin pa rin ang papel na iyon, kasama ng aking mga reading sa Ph103, nakatago sa isang maalikabok na lugar sa aking kuwarto.
Pebrero 14, 2004
It Might Be You
Kasabay kong nag-almusal si Joanne. Kinain namin ang pansit na niluto ng nanay ko, bilang pag-alala sa pinakaunang date nila ni Yolando Jamendang Sr.
1 Comments:
(^^^)
:putnam:
<3 <3 <3
salamat, yol.
Post a Comment
<< Home