Sa pelikulang Tag-ulan sa Tag-araw, naglalakad si Christopher de Leon sa tabing dagat, habang iniisip: “Bakit ba yumayakap ang alon sa dalampasigan kahit alam nitong mababasag siya? Katulad niya ba akong naghahanap ng katalik na dalampasigan kahit mababasag rin?”. Saka niya makakasalubong ang dalagitang si Vilma Santos, at hihinto ang lahat sa paligid. Commercial.
Astig. Tumingin ako sa paligid at naghanap ng matatanong ng “Nakita mo yon? Narinig mo ba yon?”. Pero wala akong nakita kundi ang aso ng kapitbahay naming nanonood rin mula sa aming pinto, nakatingin sa commercial ng Moby hotdog.
Nasaan na ba ang gumagawa ng mga pelikulang ganoon? Ngayon kapag tinitingnan ko ang love story section ng Video City, ang nakikita ko ay si Sharon Cuneta, kapartner ni Diether Ocampo. Hello? Sa Silverscreen floor ng Mega Mall, si Aga Muhlach at si Christine Hermosa, nagpapagulong gulong sa tabing dagat kapag hindi kumakain ng corned beef at nagpapakaaliw sa Dairy Cream. Sa TV kanina, yung anak ni Bong Revilla at si Shaina Magdayao at ang kanilang lambingang masahol pa sa pirated na pelikula sa pirated na VCD player. Sa primetime, si Hero (pirated na Vic Zu) at si Sandara (na pagkatapos ng ilang buwang pagwoworkshop, wala pa ring ibang masabi kundi “Mahal ko kayo!”). Diyos ko, bakit ba penitensiya na ang panonood ng love story ngayon?
Inaasam asam ko ang panahong ang pagtingin sa dalawang artistang naglalambingan ay sapat na para makalimutan ng manonood ang presyo ng bigas. Ayoko, isinusumpa ko, isinisinga ko, isinusuka ko, ang panahon ngayon kung saan mas masarap pang tumae kaysa manood ng kissing scene.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home