It's the thought that counts Part 2
Sa Pai Pai and Mei Mei store, kahon kahon ang mga laruan. Nakita kong nagsimulang dumampot si Joanne ng mga puzzle, headbands at mini kitchen set. Tumingin ako sa paligid at nakita kong ako na lang ang hindi dumadampot, kaya nakidampot na rin ako. Kumuha ako ng basket at inilagay doon ang apat na Beyblade na sampung piso ang isa. Sa kaliwa may educational puzzle set na anim na piso lang daw, sabi ng mamang mukhang nanghuhuli ng mga shoplifter. Kumuha ako ng tatlo. Humakbang ako nang ilang beses para marating ang kahon ng mga baril barilan. Kumuha ako ng dalawa; isa para sa pangwalo at panghuli kong inaanak at isang extra sakaling may dumating sa amin na batang walang ninong at ninang. Kumuha rin si Joanne ng maliliit na laruan, sticker at hair clip. Pang-give away daw.
Pagkatapos ng dalawang oras, nabilhan ko na ng regalo ang mga pinsan ko at ang mga anak ng kapitbahay namin. Pati mga nanay binilhan ko ng isang set ng sarikulay na Scotch Brite. Lahat mabibigyan ko na ng regalo. At may 300 pa sa bulsa ko.
Habang inaantay kong matapos mamili si Joanne (dala ang iba pa niyang mga nabili), tumambay muna ako sa labas ng Pai Pai and Mei Mei store para mag-isip ng blog entry. Inisip ko yung regalong para sa akin pero hindi ko natanggap noong Christmas party sa Kagawaran (200 pesos din yun). Inisip ko yung mga ninong at ninang ko sa Bicol (tinubong = inaanak; padrino = ninong; madrina = ninang), yung nanay at tatay kong nagreregalo sa akin at sinasabing si Santa Claus daw ang nagbigay (Magsabit ng medyas para lagyan ni Santa ng bariya!). Inisip ko yung mga anak ng kapitbahay namin na nagnakaw ng mga laruang kinulekta ko noong high school (second hand GI Joe, Transformers). Binilhan ko sila ng regalo pati ang mga nanay nila, na may mga asawang kapag nalalasing ay minumura ang apelyido namin at nilalaslas ng kutsilyo ang mga tsinelas naming naiwan sa labas. Nag-isip ako nang nag-isip, pero walang malupet na insight na dumating. Mahirap talaga sigurong mag-isip kapag Pasko.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home