Si Yol, Hypermasculine
Kahapon, bilang pagtugon sa pambansang krisis pampulitika at pangekonomiya, nagpunta kami ni Jelson sa Weights Room ng Ateneo College Covered Courts para magpalaki ng masel.
Bago kami pumunta doon, tumawag muna ako sa PE Department para magpaalam. Sabi nila, okay lang daw, basta magsabi lang kami sa janitor na namamahala doon. Nang kausapin namin ang janitor, sabi niya, okay lang raw, basta magpaalam lang kami sa PE Department. Okay.
Sa PE Department, nakita namin si Mr. Torres, yung teacher ko dati sa PE kong weight training (oo, nag-weight training ako dati. oo sabi e.). Kinamayan ko siya, at sinabing teacher na ako sa Filipino Department. Tuwang tuwa siya, siguro dahil may estudyanteng nakaalala sa kanya. Sabi niya okay lang raw na gamitin namin ang weights room, kahit raw hanggang madaling araw, basta raw ako. Pero magpaalam raw muna kami sa janitor.
Sawa na kami sa kalalakad, kaya dumeretso na kami sa Weights Room. Tiningnan namin ang mga barbel, ang mga taong nagba-barbel, ang mga larawan ng mga taong nagba-barbel na parang mga bisita sa isang museum. Tapos nagtanong kami sa teacher na naroroon (kilala ko ang kanyang mukha dahil sa aking weight training days). Ipinaliwanag niya sa amin ang mga basics - kung kailan dapat mag-exhale at mag-inhale, kung anong mga muscle group ang unang dapat sanayin at kung paano pangalagaan ang training equipment. Hindi ako masyadong nakinig, review na lang kasi iyon ng mga itinuro sa akin dati ni Mr. Torres. Nagpasalamat ako at tumingin tingin sa paligid. Pinanood ko ang isa sa mga nagba-bar bell. Pagkatapos niya, kumuha ako ng isang bar bell at ginaya ang ginawa niya. Nang mapagod ako, hinanap ko yung ginaya ko. Tinandaan ko ang ginagawa niya para magawa ko rin kapag umalis na siya, o kaya sa ibang araw pag wala siya. Hindi ko siya ginaya agad kasi baka isipin niyang naga-ala Mr. Bean ako. Maliit pa ang masel ko, hindi ko pa siya kayang labanan kung sakali.
Noong una, akala ko wala kaming ibang gagawin ni Jelson doon kundi tumawa nang tumawa. Pero nang tingnan ko siya, mukhang dinidibdib niya (in more ways than one) talaga ang pagpapalaki ng masel. Humiga ako sa isa sa mga bench at nag-sit up. One, two, three, four…inisip ko ang billboard ni Borgy Manotoc na kita sa Quezon Avenue Station ng MRT. Five, six, seven, eight, nine, ten…inisip ko ang tiyan ng tatay ko na nagsimula raw lumaki nang dumating siya sa edad ko ngayon…eleven, twelve, thirteen, fourteen, fifteen, sixteen, seventeen, eighteen, nineteen, twenty…
Pagkaraan ng isang oras, nanginginig na ang mga braso at binti ko kaya niyaya ko na si Jelson na bumalik sa department. Natuwa naman kami dahil sa loob ng isang oras ay nalimutan naming 7.50 na ang pamasahe, na baka si Noli De Castro na ang maging presidente, na putangina walang pupuntahan ang bansang ito kundi impiyerno. Habang naglalakad, nangako kami sa isa’t isa na sa susunod, sa susunod, magwa-warm up muna kami bago humawak ng bakal.
5 Comments:
so masakit ang mga katawan nyo?! Buti nga! hahahahahahaha!!!!
tama, mag warm up muna bago magbuhat!
ay macho!
pare pa-kiss nga.
Arvin
panalo. partner in crime mo pa rin talaga si jelson, kahit sa pagpapalaki ng...masel. =)
bukod sa warm up, dapat hindi ka gutom kasi manginginig ka talaga pagkatapos. Parang ano lang yan e...
Post a Comment
<< Home