Ctrl+Alt+Delete
Kanina, habang binubura ko ng backspace sa Microsoft Word ang isang panget na tulang sinusubukan kong isulat, nakita ko ang kapatid kong pinupudpod ang pambura ng bago niyang Mongol sa isang pirasong papel. Paborito niyang gawain ang ganoon – kapag hindi niya nagustuhan ang isinulat niya ay agad niya itong binubura at pinapalitan.
Pagagalitan ko sana siya dahil Diyos ko, napakamahal ng papel at lapis ngayon pero nagawa kong hindi maging killjoy. Nagulat ako dahil napigilan ko ang sarili kahit na noong bata ako, kapag ginagawa ko ang ginagawa niya ay wala akong ibang marinig sa nanay ko kundi Diyos ko, napakamahal ng papel at lapis ngayon. Hinayaan ko muna siyang maniwala na kapag may nagawa siyang pagkakamali, puwede siyang gumamit ng pambura bilang reset button. Ngayong pinag-iisipan ko ang mga nangyari, nakikita kong mali ang ginawa kong iyon.
Balang araw malalaman niya rin ang nalalaman ko, at ang nalalaman ng isa ko pang kapatid na naikuwento ka na rito. Nagtext siya isang araw na nagdrop na siya sa PUP nang hindi namin alam, at kasalukuyang naghahanap ng trabaho. Nakahanap naman siya, at ilang buwan din siyang naging tagabalot ng regalo sa isang tindahan ng school supplies at gift items sa Guadalupe. Libre ang mga giftwrapping gimik na ganoon, kaya maghapon siyang naggugupit ng papel at scotch tape, naglalagay sa kahon ng mga stuffed toy, photo album, laruan at kung anu ano pang regalong hindi niya naranasang matanggap kahit kailan.
Pagkatapos ng unang linggo ng bagong taon, isa-isa silang pinatawag ng kanilang amo. Ibinigay ang kanilang suweldo para sa payday na iyon, kasama ang balitang iyon na ang huling araw ng kanilang pagtatrabaho. Tapos na ang gift giving season, at hindi na kailangan ang mga tagabalot ng regalo. Umuwi siya sa aming may dalang bagong damit at groceries. Regalo niya daw sa sarili, na binili niya gamit ang kanyang huling suweldo.
Pagkatapos noon, ilang buwan siyang naging taong-bahay. Gumigising siyang nag-iisa dahil pumasok na ang lahat. Makikipagtitigan sa mga sementong pader habang umiinom ng mainit na Milo. Pagkatapos ay huhugasan ang aming mga pinagkainan, mga bakas ng aming nagmamadaling pag-alis.
Nang dumating si Greg sa bahay namin (yung paring nakitira sa amin bilang bahagi ng kanyang immersion program), ikinuwento niya sa kapatid ko ang tungkol sa isang scholarship na ibinibigay ng isang kumbento. Ang siste, papag-aralin ka ng mga madre, kasama ang free board and lodging sa kanilang dormitoryo kapalit ang iyong serbisyo. Maghuhugas ka ng pinggan, magsisilbing receptionist sa kanilang opisina, at tutulong sa iba pang mga gawain. Working student ka na stay-in. Nawalan ng trabaho ang tatay ko, at ako nama’y kakapiranggot ang suweldo dahil sa sallary deductiong dulot ng aking page-MA kaya kinagat namin ang mungkahi ni Greg.
At ngayon nga’y naroon ang kapatid ko, nakikipagtitigan sa sementong pader ng kanyang dormitoryo. Mataas pa daw sa kaniya ang tambak ng platong kanyang hinuhugasan. Malakas daw magpatugtog ng radyo ang kanyang roommate at manipis ang kanyang kumot. At may konting problema daw dahil nabanggit niyang wala siyang planong magmadre pagkatapos ng kanyang “scholarship”.
Kapag binabasa ko ngayon ang mga text niya ay naaalala ko ang mga pagkakataong nakikita ko siyang naglalaro ng counterstrike para labanan ang mga terorista, ang inip at ang walang hanggang pagratrat sa kanyang isip ng mga nasirang pangarap. Sa larong iyon, kapag hindi mo na gusto ang takbo ng laban ay puwede mong pindutin ang butones na + para magsimulang muli ang round.
Sa aking guni-guni, nakikita ko siyang pinipindot nang paulit-ulit ang butones na iyon, habang ang puso ko’y nagagasgas na parang papel sa ilalim ng walang hanggang paghagod ng magaspang na pambura.
ANG SABI NILA
Rofel G. Brion
Ang sabi nila,
“Sa bawat kirot
Na iyong madama
Sa bawat dusa
Na iyong kasadlakan,
Makatawa ka lamang,
Makabangon ka lamang
Nang, sa simula,
Kahit babahagya,
Higit kang tatatag,
Higit kang liligaya.”
Ngunit kuyumin
Mo ang rosas,
Higit bang gaganda?
O masuhin
Mo ang bato,
Higit bang titigas?
Maaari nilang sabihin,
“Kaya nga ang tao
Naiiba,
Nakahihigit
Sa rosas at bato.”
Maaari nilang sabihin.