Friday, April 24, 2009

Dito ang tambayan ng mga tunay na lalake.

Saturday, April 18, 2009

Magtanong kay Yol

Dear Yol,

Musta pare. Sumulat ako sa Magtanong kay Yol, kasi well, may tanong ako. Ganito. Bakit ba ang ispeling ng ibang tao sa “iba’t ibang” ay “iba’t-ibang”? Di ba, yung “iba’t ibang”, pinaikling “iba at ibang” kaya naging “iba’t ibang”. Bakit nilalagyan ng dash ng mga tao? Ano yun? Naiintindihan ko kung bakit “cno” ang ispeling ng “sino” sa text, kung bakit “ung” ang “yung” at “d2 n q” ang “dito na ko,” pero pare, shet, bakit may dash ang ispeling ng “iba’t ibang”? Di ko magets e. Ganun din ang nangyayari sa “isa’t isa.” Puta, sumasakit ang ulo ko pag nakikita yang dash na yan e. Anong shit yun?

Alejandro


Dear Alejandro,

Tangina mo ang daming nagugutom sa mundo grammarian ka pa rin? Ano bang paki mo kung ganun ang trip nilang baybay? Ano ka, teacher ng Sining ng Pakikipagtalastasan?

Yol

Thursday, April 02, 2009

May sinusulat akong mahabang mahabang sanaysay. Dahil tamad kang magbasa, yung notes ko lang ang ipakikita ko sa yo. Belat.

1.
Gusto ko ang tunog ng Yol. Pag tinatawag akong Yol, may naririnig akong tigsh tigsh tigsh tapos biglang nagkakamirror ball sa kuwarto tapos ang ganda ng abs ko at may kaakbay akong mga babaeng nakasuot ng leather at sinasabi sa akin ng mundo: Wassup Yol? Biglang magkakaroon ng religion sa Sudan na ang pangalan ng diyos ay Yollah. Sa mga drug store, lumilitaw ang mga botelya ng gamot para sa cancer na may pangalang Paracetayol. Sa Espanya, tumitirik ang mata ng isang babae habang ginagawa sa kanya ng kanyang mangingibig ang Yollatio. Isang beses sa isang taon, pinapatay ng mga tao ang ilaw sa kanilang bahay para sa Yol hour. Yolicious! Sabi ng isang Pranses matapos matikman ang ginawa niyang pasta. Sa isang pajama party, kinikilig ang mga Assumptionista habang naririnig sa pelikula ang mga linyang Yol complete me! Shut up, Yol had me at Hello!

2.
Allan dapat ang pangalan ko ngayon. Nung ipinagbubuntis pa lang ako ng nanay ko, ito ang napagkasunduan ng mga magulang ko na itawag sa akin. Pinagsama nila ang unang mga pantig ng kanilang palayaw. Al mula sa Alice ni Alicia, at Lan mula sa Lando ni Yolando. Kaya lang, nung malapit na akong ipanganak, biglang nagkaroon ng matinding pagnanasang magkaroon ng Junior ang tatay ko. Ayun, bininyagan akong Yolando B. Jamendang Jr. Naiisip ko ngayon, buti na lang nagkaganoon kasi tatlo na ang Allan sa opisinang pinapasukan ko. May Allan Derain, may Allan Popa at may Allan De Vera. Exag na kung may Allan Jamendang pa. Sobrang hassle sa tuwing may darating na estudyante at magtatanong: “Puwede po kay Sir Allan?”

3.
Noong lumalaki ako, hindi ko masyadong naramdaman ang pagiging magkatukayo namin ng tatay ko. Nunoy ang ipinalayaw sa akin ng nanay ko (sa Bicol kasi, lahat ng batang lalaki Nunoy ang tawag), at Lando naman ang ipinantatawag ng mga kainuman sa tatay ko. Sa paaralan lang ako tinatawag na Yolando, at Mr. Jamendang naman ang tawag ng mga guro sa tatay ko kapag dumadating siya para sa PTA meeting.

Naaalala ko lang na magkapangalan nga pala kami ng tatay ko kapag naririnig ko siyang nakikipagkuwentuhan/nakikipag-inuman sa mga kapitbahay namin. Dyunyor (katunog ng pabor) ang ipinantutukoy niya sa akin, at may nararamdaman akong pagmamalaki at ewan ko, paghanga siguro kapag binibigkas niya ang salitang yun. Lagi niyang ikinukuwento na napapagod raw siya kapag Recogniton Day dahil sa dami ng medalyang isinasabit sa akin. Pinagtatawanan niya ang kabarkadang hindi ako matalo sa chess kapag nakakalaro ko sa mga araw na walang pasok sa eskuwela. Minsan nga, kapag may kausap siyang ibang tao, hindi ko siya naririnig na nagkukuwento tungkol sa ibang bagay, lagi na lang tungkol sa akin. Na para bang ang tanong na kumusta ka ay kumusta na ang anak mo, na ang tanong na anong pinagkakaabalahan mo ay anong ginagawa ng anak mo.

Tuwang-tuwa ako dati kapag naririnig siyang ganoon. Ninanamnam ko ang bawat papuri niya, na pasekreto kong pinakikinggan sa tabi ng bintana malapit sa lugar ng kanilang inuman. Sa tuwing sasabihin niya ang salitang Dyunyor, ewan ko ba, pero nakikita ko sa isip ko ang isang eksena sa Voltes V kung saan niyayakap ng umiiyak na Steve at Big Bird ang tatay nilang si Dr. Armstrong. Hindi ko alam kung may ganung eksena talaga sa Voltes V o Dr. Armstrong talaga ang pangalan ng tatay nila, pero sa isip ko, kapag naririnig ang Dyunyor sa tatay ko, may tatay na Dr. Armstrong ang pangalan at niyayakap siya ng umiiyak na sina Steve at Big Bird. Hindi ko maintindihan kung bakit pinatitigil siya ng nanay ko sa pag-inom at pinapapasok sa bahay namin para matulog.

4.
Alam mo na to, nangyari na sa yo to. Unang araw ng pasukan, tapos tinatawag ng guro ang buong pangalan ng mga estudyante. Alam mo ang unang titik ng apelyido mo kaya alam mo, more or less, kung kailan ka matatawag. Hinihintay mong magtaas ng kamay yung magandang babae sa front row para malaman kung anong buong pangalan niya, para maipagtanung-tanong mamaya, o mai-google at mai-search sa Facebook isang gabing wala kang magawa. Kapag tinawag na ang pangalan mo, itataas mo ang kamay mo, at malalaman na ng guro na pumasok ka.

Parang ganyan din ang simula ng mga school year at semestre ko noon, may pagkakaiba lang nang kaunti. Jamendang, YOLANDO Jr. B. ang buo kong pangalan, at sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, lagi na lang, lagi’t lagi na lang na Jamendang, YOLANDA Jr. B. ang tinatawag ng guro. Noong una, tumitingin muna ako sa paligid dahil malay ko ba, baka meron akong kaklaseng Jamendang, YOLANDA Jr. B. ang pangalan. Tapos saka ko sasabihin sa guro na mam, YOLANDO po, hindi YOLANDA. Kinalaunan, hindi na ako tumitingin sa paligid. Sumasagot na ako agad, gamit ang pinakamalalim kong boses, ng ser, YOLANDO po, hindi YOLANDA. Kapag may tumawa, bubulong pa ako ng tangina, may Jr. na ngang katabi e. May YOLANDA bang Jr., pakshet.

5.
May nakahanda akong dalawang sagot kapag may nagtatanong kung bakit YolandO ang pangalan ko. Kung teacher o kaklaseng halatang walang kausap sa bahay ang nagtatanong, sinasabi ko lang na Ewan, tanungin mo si Yolando Jamendang SR. Kung chicks na may dimple at maputing kilikili ang nagtatanong, medyo nagdadrama ako nang kaunti. Sinasabi kong nagkasakit kasi ang lolo ko dati, fifty-fifty ganun, tapos napagaling siya ng isang doktor na nagngangalang Yolando. Tapos sabi ng lolo ko sa kanya, pangako, kapag nagkaanak ako uli, ipapangalan ko siya sa yo. Ikaw ang ninong ha. At ayun, nang ipanganak ang tatay ko, Yolando ang naging pangalan niya. Ako naman, dahil panganay na anak, napangalanang Yolando Jr. Tapos sasabihin kong so, sigurado akong hindi lang ako ang Yolando sa Pilipinas. May at least dalawa akong katukayo - yung tatay ko, at yung doktor na gumamot sa lolo ko. Sabay pa-cute na ngiti at tingin sa mata ng chicks na may dimple at maputing kilikili.

6.
Sa totoo lang, natutuwa ako dati na Yolando ang pangalan ko. Madaling matandaan, lalo na pagkatapos magkamali ng mga teacher ko. Okey lang na hindi ako ipinangalan sa isang santo o sikat na artista o bayani. Napakabigat na pressure naman kasi kung may kapangalan kang nagpapagaling ng ketong, makalaglag panty ang kaguwapuhan o sumulat ng nobelang nauwi sa isang pag-aalsa. Ayoko nun, parang lagi kang tinitimbang ngunit kulang. Lagi na lang may mas astig na taong may-ari ng pangalan mo. Mabuti na ring wala akong kapangalang kriminal, kontrabida sa pelikula ni FPJ/Valiente o MaraClara/Bioman. Hindi ko kakayanin ang pang-aasar ng mga kaklase ko kung nagkaganun.

7.
May isang joke na naririnig ko bawat taon, oo, bawat taon sigurado yun, sa iba’t ibang tao:

Knock, knock.
Who’s there?
Yolando.
Yolando who?
You think you own whatever land, yolando…

Si Mark Mabanglo yata ang pinakaunang nag-joke nang ganun. Ilang araw din akong kinakantahan ng Pocahontas theme matapos ang joke na yun. Minsan, kapag bigla na lang napatahimik ang lahat sa kuwentuhan, may isang kaklaseng mapapatingin sa akin at magsasabing, Knock, knock…

8.
Noong nasa hayskul na ako, natanggal sa trabaho ang tatay ko. Pumasok kasi siyang lasing at nang utusang iparada ang kotse ng amo niya, naibangga niya sa kotse ng isa pa niyang amo. At ewan ko ba, pagkatapos nun, lalo pa siyang nahilig sa pag-inom. Nadagdagan pa ang mga kainuman niya dahil nang lumipat siya sa pagiging taxi driver, napupuntahan niya na ang mga kamag-anak sa Tundo. Dahil madalas siyang lasing, may mga araw na hindi ako makapasok kaagad. Hindi kasi sapat ang naiuuwi niyang pera sa gabi kaya magbibiyahe muna siya sa umaga bago ako mabigyan ng pamasahe at pambaon.

Minsan, habang naghihintay, tinangka kong alalahanin ang mga araw na pasekreto ko siyang pinakikinggan habang nakikipagkuwentuhan sa mga kabarkada. Pero ang layu-layo ng alaalang yun, hindi ko na maabot. Mas malapit sa akin ang mga araw na inihahampas niya ang mukha ko sa kama dahil hindi ko mabasa ang isang pahina sa aklat/pamphlet na ABAKADA. Nararamdaman ko ulit ang init sa bukol ko nang batukan niya ako matapos makitang nakikipaglaro kina Marvin at Nunong sa tambak ng mga lupa noong hinuhukay pa ang C-5 at Kalayaan Avenue. Naririnig ko uli ang tunog ng pinto sa kusina namin nang itulak niya ako dito dahil Most Polite lang ang nakuha kong award nang magtapos sa Kinder. Habang naghihintay, naalala kong ako pa ang pinakukuha niya ng sinturon kapag papaluin niya ako.

Nang bumalik sa akin ang mga alaalang iyon, hindi galit ang naramdaman ko. Takot. Na baka magpatuloy ang ganitong pattern sa buhay ng tatay ko at tuluyan na akong hindi makapag-aral. Na baka maging isa rin akong lasenggong security guard na matatanggal sa trabaho at magiging taxi driver na hinihintay ng anak para magkaroon ng pambaon.

9.
Tuwang-tuwang ako isang araw nang tawagin ako ni Jayson Arvin Salazar na Yol. Yol, sabi niya, at hindi ko na narinig ang iba pa niyang sinabi. Busyng busy na kasi ako sa pagpapasyang magmula noon, Yol na ang pangalan ko, at hindi na you think you own whatever land yol fucking lando.