Monday, June 26, 2006

Baboy
Halaw kay Stephen Dobyns

Magkakaroon ng handaan sa bahay ng mga Reyes.
Siguro dahil may nagtapos, o kaya kaarawan ng isa sa kanila.
Bumili ng isang maliit na baboy ang tatay -
sapat lang para sa kanyang asawa at anim na anak,
may matitira para sa isang espesyal na bisita.
Hindi marunong magkatay ng baboy ang tatay,
pero may nakausap siya sa kanto at ang sabi,
Huwag kang mag-alala, daan-daang baboy na ang napatay ko.
Abot-tenga ang ngiti ng binatang nagsabi nito.
Sa araw ng handaan, dumating siya
nang maagang maaga. Wala akong kutsilyo,
sabi niya. Kinuha niya ang panghiwa ng mantikilya
at hinasa ito sa isang bato.
Hinasa niya ang panghiwa ng mantikilya at uminom siya ng Emperador.
Pagala-gala sa bahay ang baboy.
Nagtali ang mga bata ng asul na laso sa kanyang leeg, inilagay ang asul na bora
ng bunso sa kanyang ulo. Ang cute ko naman, sabi ng baboy sa sarili.
Tinanggap niya ang bigay nilang Chips Ahoy at hinayaan niyang sumakay sila
sa kanyang likod. Patuloy sa paghasa at pag-inom,
pag-inom at paghasa ang binatang abot-tenga ang ngiti.
Tanghali na. Bakit hindi ka pa nagsisimula? Sabi ng tatay.
Isinundot ng baboy ang kanyang nguso
sa paligid ng pinto at nagtatatakbo.
Uminom pa ng Emperador ang binata. Mag-aalas dose na.
Bakit hindi mo pa pinapatay ang baboy? Tanong ng tatay.
Gusto niyang matapos na ang lahat. Matalim ang tingin ng binata
sa sahig, matalim ang tingin ng binata sa tatay
at sa kanyang malinis na bahay.
Tumayo siya at lumakad nang pasuray suray.
Lasing ka na, sabi ng tatay. Itinaas ng binata ang kutsilyo.
Kaya ko pang magkatay ng baboy, sabi niya.
Kinaladkad niya ang sarili papunta sa kusina.
Nasaan ang malanding baboy na iyon? Sigaw niya.
Nasa ikalawang palapag ang baboy, kasama ng mga bata.
Handa na ako, sabi ng binata. Handang handa na ako.
Tumakbo siya paakyat ng hagdan,
papunta sa kuwarto kung saan naglalaro ang baboy.
Pokpok! Sigaw niya. Tinambangan niya ang baboy
at nataga niya ito sa binti. Tumili ang baboy.
Sa labas! Dapat sa labas mo siya patayin! Sabi ng tatay.
Natakot ang baboy at nagtatatakbo sa kuwarto,
tumitili at nagdurugo sa carpet.
Dumulas ang bora at natakpan ang isa niyang mata.
Puta ka! Sabi ng binata. Tinalunan niya ang baboy
at sinaksak sa balikat.
Humihiyaw ang mga bata. Sumisigaw ang matatanda.
Hinabol ng binata ang baboy sa buong kabahayan.
Iskuwater kang putang ina kang baboy ka!
Sa labas! Sa labas! Sigaw ng tatay. Alam niya ang mga patakaran,
mga patakaran kung paano pumatay ng baboy.
Isang bangungot ang lahat para sa baboy. Dumulas muli ang bora at halos
wala na siyang makita. Tumili siya nang tumili.
Walang katulad ang tunog na iyon.
Sa wakas, nakorner ng binata ang baboy sa kusina.
Tinalunan niya ito. Isa kang komunistang pokpok! Sigaw niya. At sinaksak niya
nang sinaksak ang baboy. Nakatayo sa pintuan ang mga bata,
umiiyak. Umiiyak ang tatay. Nagtago sa kuwarto ang kanyang asawa.
Napakasaya ng handaan.
Sa wakas, patay na ang baboy. Patiwarik siyang
itinaas ng binata. Muli, abot-tenga ang ngiti ng binata.
Patay kang baboy ka! Sigaw niya.
Dalawang daang beses niya sigurong sinaksak ang baboy.
Parang binalatang pinya ang baboy.
Dinala ng binata ang baboy sa kusina. Kinatay niya ito,
at tumulong siya sa pagluto. Kay bango sa kusina
buong maghapon. Nagtago ang mga bata sa kanilang kuwarto.
Kinuskos nang kinuskos ng nanay at tatay ang talsik ng dugo. Sa wakas,
puwede nang kainin ang baboy. Isa itong handaan,
siguro dahil may nagtapos o kaya kaarawan ng isa sa kanila.
Ayaw bumaba ng mga bata.
Walang gana ang nanay at tatay.
Mag-isa sa mesa ang binata.
Pinagsisilbihan siya ng katulong na binabayaran
para maghugas ng plato. Malasa, sabi niya, wala nang mas malasa pa
sa karne ng isang batang baboy.
Uminom siya ng alak at tumawa. Nagpakabusog siya
sa matamis na laman ng isang maliit na baboy.
Gabing gabi na’y kumakain pa rin siya.
Natutulog na ang mga bata, nakahiga na ang matatanda.
Nakahiga ang tatay at nakikinig sa awit ng binata-
Awit sa pangangaso, awit sa pagmamartsa, awit tungkol sa paglalakbay
sa madidilim na lugar, awit tungkol sa pananakop at paghihiganti.

Saturday, June 24, 2006

Friday, June 09, 2006

Ateneo writers workshop
now accepting submissions


The Ateneo Institute for Literary Arts and Practices (AILAP) is now accepting applications to the sixth Ateneo National Writer's Workshop to be held on October 23-28.

Applicants must submit a portfolio of any one of the following in Filipino or in English: five poems, three short stories, or two one-act plays, together with a title page indicating the author's pseudonym and a table of contents. The portfolio must be accompanied by a file of the document(s) saved in a diskette in rich text format (.rtf).

All submissions must also include a sealed envelope containing the author's name, address, contact numbers, and a one-page biodata with a 1x1 ID picture.

Address all entries to Dr. Benilda Santos, Director, Ateneo National Writer's Workshop, c/o Filipino Department, Horacio de la Costa Hall, Ateneo de Manila University, Loyola Heights, Quezon City.

Deadline of submissions is August 4.

For inquiries, please call workshop coordinators Mr. Jelson Capilos and Mr. Yol Jamendang at 426-6001 local 5320-5322.