Monday, June 26, 2006

Baboy
Halaw kay Stephen Dobyns

Magkakaroon ng handaan sa bahay ng mga Reyes.
Siguro dahil may nagtapos, o kaya kaarawan ng isa sa kanila.
Bumili ng isang maliit na baboy ang tatay -
sapat lang para sa kanyang asawa at anim na anak,
may matitira para sa isang espesyal na bisita.
Hindi marunong magkatay ng baboy ang tatay,
pero may nakausap siya sa kanto at ang sabi,
Huwag kang mag-alala, daan-daang baboy na ang napatay ko.
Abot-tenga ang ngiti ng binatang nagsabi nito.
Sa araw ng handaan, dumating siya
nang maagang maaga. Wala akong kutsilyo,
sabi niya. Kinuha niya ang panghiwa ng mantikilya
at hinasa ito sa isang bato.
Hinasa niya ang panghiwa ng mantikilya at uminom siya ng Emperador.
Pagala-gala sa bahay ang baboy.
Nagtali ang mga bata ng asul na laso sa kanyang leeg, inilagay ang asul na bora
ng bunso sa kanyang ulo. Ang cute ko naman, sabi ng baboy sa sarili.
Tinanggap niya ang bigay nilang Chips Ahoy at hinayaan niyang sumakay sila
sa kanyang likod. Patuloy sa paghasa at pag-inom,
pag-inom at paghasa ang binatang abot-tenga ang ngiti.
Tanghali na. Bakit hindi ka pa nagsisimula? Sabi ng tatay.
Isinundot ng baboy ang kanyang nguso
sa paligid ng pinto at nagtatatakbo.
Uminom pa ng Emperador ang binata. Mag-aalas dose na.
Bakit hindi mo pa pinapatay ang baboy? Tanong ng tatay.
Gusto niyang matapos na ang lahat. Matalim ang tingin ng binata
sa sahig, matalim ang tingin ng binata sa tatay
at sa kanyang malinis na bahay.
Tumayo siya at lumakad nang pasuray suray.
Lasing ka na, sabi ng tatay. Itinaas ng binata ang kutsilyo.
Kaya ko pang magkatay ng baboy, sabi niya.
Kinaladkad niya ang sarili papunta sa kusina.
Nasaan ang malanding baboy na iyon? Sigaw niya.
Nasa ikalawang palapag ang baboy, kasama ng mga bata.
Handa na ako, sabi ng binata. Handang handa na ako.
Tumakbo siya paakyat ng hagdan,
papunta sa kuwarto kung saan naglalaro ang baboy.
Pokpok! Sigaw niya. Tinambangan niya ang baboy
at nataga niya ito sa binti. Tumili ang baboy.
Sa labas! Dapat sa labas mo siya patayin! Sabi ng tatay.
Natakot ang baboy at nagtatatakbo sa kuwarto,
tumitili at nagdurugo sa carpet.
Dumulas ang bora at natakpan ang isa niyang mata.
Puta ka! Sabi ng binata. Tinalunan niya ang baboy
at sinaksak sa balikat.
Humihiyaw ang mga bata. Sumisigaw ang matatanda.
Hinabol ng binata ang baboy sa buong kabahayan.
Iskuwater kang putang ina kang baboy ka!
Sa labas! Sa labas! Sigaw ng tatay. Alam niya ang mga patakaran,
mga patakaran kung paano pumatay ng baboy.
Isang bangungot ang lahat para sa baboy. Dumulas muli ang bora at halos
wala na siyang makita. Tumili siya nang tumili.
Walang katulad ang tunog na iyon.
Sa wakas, nakorner ng binata ang baboy sa kusina.
Tinalunan niya ito. Isa kang komunistang pokpok! Sigaw niya. At sinaksak niya
nang sinaksak ang baboy. Nakatayo sa pintuan ang mga bata,
umiiyak. Umiiyak ang tatay. Nagtago sa kuwarto ang kanyang asawa.
Napakasaya ng handaan.
Sa wakas, patay na ang baboy. Patiwarik siyang
itinaas ng binata. Muli, abot-tenga ang ngiti ng binata.
Patay kang baboy ka! Sigaw niya.
Dalawang daang beses niya sigurong sinaksak ang baboy.
Parang binalatang pinya ang baboy.
Dinala ng binata ang baboy sa kusina. Kinatay niya ito,
at tumulong siya sa pagluto. Kay bango sa kusina
buong maghapon. Nagtago ang mga bata sa kanilang kuwarto.
Kinuskos nang kinuskos ng nanay at tatay ang talsik ng dugo. Sa wakas,
puwede nang kainin ang baboy. Isa itong handaan,
siguro dahil may nagtapos o kaya kaarawan ng isa sa kanila.
Ayaw bumaba ng mga bata.
Walang gana ang nanay at tatay.
Mag-isa sa mesa ang binata.
Pinagsisilbihan siya ng katulong na binabayaran
para maghugas ng plato. Malasa, sabi niya, wala nang mas malasa pa
sa karne ng isang batang baboy.
Uminom siya ng alak at tumawa. Nagpakabusog siya
sa matamis na laman ng isang maliit na baboy.
Gabing gabi na’y kumakain pa rin siya.
Natutulog na ang mga bata, nakahiga na ang matatanda.
Nakahiga ang tatay at nakikinig sa awit ng binata-
Awit sa pangangaso, awit sa pagmamartsa, awit tungkol sa paglalakbay
sa madidilim na lugar, awit tungkol sa pananakop at paghihiganti.

8 Comments:

At 9:58 AM, Blogger mdlc said...

p're, alam mo 'yung psicom? 'yung nagpupublish ng philippine ghost stories? at ngayon nagpapublish na rin ng scifi, etc? nakatanggap ako ng text na naghahanap sila ng "mala-bob ong na humorous essays on pop culture." maayos ang bayad, pero kailangang makabuo ka ng 100 pages yata. di ko kabisado ang specs; text mo ako kung gusto mong makuha 'yung email o cel # nu'ng editor.

(naghahanap rin pala sila ng magsusulat ng cookbook; baka interesado ka, hehehe.)

 
At 2:12 PM, Anonymous Anonymous said...

isa itong madugong kwento yol.. wlang katulad!! : )

 
At 11:36 AM, Anonymous Anonymous said...

Kawawa naman... Yung baboy.

Parang si Pierot, hehe.

 
At 4:11 AM, Anonymous Anonymous said...

question lang..---

may baboy bang payat? :)

 
At 4:32 PM, Anonymous Anonymous said...

may baboy na payat, pilimon. bacon yata ang tawag.

 
At 7:28 PM, Anonymous Anonymous said...

sabagay..---

nyahahaha.. (palakpak..)

 
At 12:16 AM, Anonymous Anonymous said...

HAHAHAHA!!! napakasayang kuwento! pero ano nga ba ang baboy? sino ba ang baboy? pero katawa-tawa ang paglalaro niyo ng baboy ser! napakasaya talaga!!! HAHAHAHAHAHA :D

 
At 8:32 PM, Anonymous Anonymous said...

Nabasa ko ang orihinal na tulang sinulat ni Stephen Dobyns. Sana inilagay mo rin dito para nakita ng mga regular na mambabasa mo at nang makagawa sila ng paghahambing. Gusto kong gamiting halimbawa para sa mga estudyante sa translation class ko itong salin/halaw mo ng gusto ko ring tula na iyon ni Dobyns. Maraming puwedeng pag-usapan lalo na sa mga pamamaraan ng pagtutumbas! Patuloy na gumawa ng ganito.

 

Post a Comment

<< Home