Sa mga nagtatanong1.
Noong Biyernes, nakipagkonsultasyon sa akin ang ilang mag-aaral. Hindi ito maituturing na normal na konsultasyon, dahil marami kaming ibang napag-usapan bukod sa kanilang standing sa klase at sa mga markang ibinigay ko sa kanilang kababalik na papel.
Matapos naming pag-usapan ang Enerva entry ko dito, nagkaroon ng saglit na katahimikan. Maya-maya, sinabi ng isang estudyanteng meron daw isang bagay tungkol sa akin na matagal na niyang gustong malaman.
Tiningnan niya ako nang matagal, tapos nagtanong kung bakit raw sa aking pananamit, pinaghahalo ko ang mga pormal at kaswal na elemento.
Hindi ko agad nasagot nang maayos ang tanong. Hindi ko pa kasi napag-iisipan kung bakit ako baduy. Bukod dito, pinaghahandaan ko na kasi sa isip ko ang isasagot sa akala kong itatanong niya. Akala ko kasi, tatanungin niya ako ng "Sir, bading ba kayo?".
2.
Maraming dahilan kung bakit inakala kong iyon ang itatanong sa akin ng estudyante ko. Isa rito ang umiikot na usap-usapan tungkol sa Kagawaran ng Filipino. Karamihan raw sa mga guro sa kagawarang ito ay HINDI heterosekswal.
Isang manipestasyon nito ang naikuwento ng isang kapwa guro noong isang taon. Tinanong raw siya ng isang mag-aaral: "Sir, meron bang teacher sa Fil Dept na hindi bading?". Ang sagot ng kaguro ko: "Tang-ina, ako!".
3.
Ikalawa, mayroon kasi akong paraan ng pagbibiro na madalas kong gawin sa mga kakilala kong lalaki.
Binabati ko ang ilang kaibigang lalaki ng "Shet, ang macho!". Kapag natatahimik kami ni Jelson matapos ang isang mahabang kuwentuhan, sinasabi ko: "Pare, punta tayo sa Brokeback Mountain!". Kapag tinatawagan si Johnny sa cellphone ng kanyang girlfriend, lumalapit ako at sumisigaw ng "Fafa, ang tagal mo naman. Magbibihis na ba ako?". Kapag maghihiwalay na kami dahil magkaiba kami ng jeep/fx na sasakyan, sinisigawan ko sila ng "I love you!". Karaniwan nilang reaksiyon ang "Bakla!", na sinasagot ko naman ng "Putangina sinong nagsabing bakla ako? Tsutsupain ko!".
Ilang beses na sa aking sinabi nina Jelson at Johnny na kinakabahan raw ang girlfriend nila kapag nalalamang ako ang kasama ng kanilang boyfriend.
4.
Hindi rin nakakatulong ang madalas kong paggamit sa mga salitang katulad ng tsuva, chaka, okray, chorvalu at papa.
Sa tingin ko, napulot ko ito sa madalas kong pakikipag-usap sa mga kaibigan kong bading, na kaguro ko sa kagawaran o kaya ay kaklase ko sa masters. Ewan, iba kasi ang pakiramdam kapag mga bading ang kakuwentuhan. May nararamdaman akong kakaibang uri ng katapatan kapag sila ang kausap. At malaki ang naitutulong ng mga salitang nakuha ko sa kanila para pangalanan yung mga bagay na malabo, yung mga bagay na nasa gitna, mga bagay na nararamdaman pero hindi nakikita.
5.
Ikaapat, ilang beses na rin akong natanong ng "Bakla ka ba?".
Naaalala ko noong high school, hindi na ako maka-relate sa usapan ng mga kababata kong kanto boy. Noong panahon kasing matuklasan nila ang basketball at gin pomelo, nagkakaroon naman ako ng pagkahumaling sa lugar na kung tawagin ay library. Bihira ko na silang makakuwentuhan, at mas madalas kong makasama ang mga kaklase sa pinapasukan kong science high school.
Isang araw, binisita ako ng mga kaklase ko sa bahay namin. Matapos ang ilang oras ng paglalaro ng Magic: The Gathering, pagkukuwentuhan tungkol sa mga posibleng investigatory project at paghahambing sa mga latest na gadget, inihatid ko sila papunta sa sakayan. Naglakad kaming magkakaakbay at nagtatawanan, paminsan-minsan ay nagkukurutan ng utong (na hanggang ngayon, hindi ko pa rin maipaliwanag kung bakit nag-uso sa aming paaralan). Pagkabalik ko galing sa sakayan, tinawag ako ng isa sa mga kababata kong kanto boy. Sabi niya, "Noy, bakla ka ba?".
Minsan naman, noong high school pa rin, dumeretso ako sa isang video game arcade (di pa uso ang online gaming) sa Guadalupe matapos ang klase. Nakita kong maraming nanonood sa isang manlalaro, kaya nakisiksik rin ako para makita kung ano ang kanyang ginagawa. Habang sinusundan ko ang mabilis na paggalaw ng mga daliri ng video game hustler, napansin kong ikinikiskis ng isang lalaki ang kaniyang puwet sa aking harapan, at nakatingin siya sa akin! Bago ako makapagsalita, tinanong niya ako: "Saan ka nag-aaral?". Sabi ko, "Uhm, sa Makati Science.". Sabi niya, "Ang cute mo naman. Gusto mong mamasyal?". At kumaripas ako ng takbo palabas ng Guadalupe Commercial Complex. Ilang buwan rin akong hindi bumalik doon.
Pagdating ng unang taon ko sa kolehiyo, nagkaroon ako ng pagnanais na magkaroon ng "new look". Kaya nang humaba ang buhok ko, imbes na pumunta sa madalas kong puntahang barberya, pumasok ako sa isang beauty parlor "for men and women". Tinanong ko ang parlorista tungkol sa mga bagong estilo ng buhok, at humingi ng mungkahi kung ano ang bagay sa akin. Napagkasunduan naming gayahin ang gupit ng isa sa mga modelong nasa kanyang clearbook. At nagsimula na siya sa paggupit. Tinanong niya ako: "May date ka ba?". Sabi ko, wala. "Puputulan ko ba ang patilya?" Sabi ko, oo. Habang hinahasa ang labaha, tiningnan niya ako. Dedma muna ako, pero ang tagal niyang tumingin e. Tiningnan ko rin siya. At ibinagsak niya ang bomba: "Bakla ka ba?". Ito ang dahilan kung bakit nagpahaba na lang ako ng buhok noong college.
Pagdating naman ng ikalawang taon, natuklasan kong aapat na lang kami sa Creative Writing block. Yung iba, nag-shift ng kurso, yung iba naman, hindi umabot ang QPI. Natuwa ako sa natuklasan kong iyon, dahil may dalawang magandang chick na natira sa block namin, at kaklase ko sila sa mga magiging subject ko sa taong iyon. Pagkakataon para paganahin ang friends-muna-sabay-ligaw-style-bulok-pero-gumana-sana strategy. Pero hindi pala magtatagal ang tuwang iyon dahil matutuklasan kong may boyfriend na pareho ang dalawang chick, at hinding hindi ko sila makakasabay mag-aral sa McDo, mag-lunch sa Manang's, manood ng play at pumunta sa library. Huwag niyo na akong tanungin kung bakit mga Physics with Computer Engineering Major ang naging kabarkada ko noong college.
Pero kaklase ko pa rin yung dalawang chick na iyon, at ilang beses ko rin silang nakakuwentuhan. Hulaan niyo kung ano ang itinanong sa akin ng isa sa kanila nang magka-usap kami noong field trip namin sa Asian History.
6.
Noong isang buwan, nakasakay ko sa MRT ang dalawang lalaking mukhang maton. Sabi ni Maton 1 kay Maton 2: "Shet, ang laki naman ng biceps mo! Pakurot!", at tumawa sila nang tumawa. Pagkatapos, kumanta si Maton 1 ng "Hindi ako bakla, klaklaklaklakla. Hindi ako shokla, klaklaklaklakla! LALAKI po ako…lalaki po ako…"
Sabi ko sa sarili ko, ako rin, ako rin.