Tuesday, November 30, 2004

solutions@akosiyol.blogspot.com
Mga Solusyon sa Pang-araw-araw na Problema

Kung gusto mong makita ang hitsura mo sa loob ng kabaong
Maghanap ng isang salaming hugis parisukat na may kahoy na frame. Pagkatapos, maglagay ng makapal na foundation sa mukha at humarap nang nakapikit sa nasabing salamin. Bahagyang imulat ang mata para masilip ang makikita ng iyong mga kaibigan sa iyong burol.

Kung gusto mong malaman kung bading ang iyong kaibigan
Yayain mo siyang mag-DVD marathon sa inyong bahay. Kausapin mo siya habang inihahanda mo ang DVD player, sinisigurong ang kanyang atensiyon ay nasa iyo. Magsalita nang magsalita habang dahan-dahang itinatapat sa socket ang plug ng TV. Pagkatapos, bigla bigla ay magkunwaring nakukuryente. Tingnang mabuti ang kanyang reaksiyon.

Kung nahuli kang nagnanakaw sa bus at may sumigaw ng "Magnanakaw!"
Tingnan ang mga pasahero at tanungin sila: "Nasaan ang magnanakaw?". Saka ka mabilis na bumaba ng bus.

Kung gusto mong basahin ng iyong mga ka-blog ang bago mong entry
Pumunta ka sa mga blog nila at maglagay ng pagbati/pagpuna/pang-aasar sa kanilang tagboard.


Kung hindi mo gustong sagutin ang itinatanong ng isang tao
Sabihin mo: "Bakit mo gustong malaman?"

Kung nahuli ka ng gelpren mong napatingin (take note:NAPAtingin) sa ibang babae
Pintasan mo yung babae i.e. "Mas maganda ang buhok mo mahal", "Pa-cute nang pa-cute, ang panget naman”, “Mas bagay siguro sa iyo ang damit na ganoon, sweetheart."

Kung nahuli kang magpasa ng final paper sa itinakdang deadliest of all deadlines:
Sabihin mo kay Sir/Ma'am: "Nahuli po kasi akong nagda-drugs ng tatay ko". Pagkatapos i-kuwento mo ang buhay mo. (salamat kay Ms. J)

Kung isa kang truck driver at nabasag ang bungo ng nasagasaan mo
Magpaliwanag: "Akala ko kasi, bato." (mula sa kuwento ni Vlad)

Kung may puputukin kang pimple
Huwag mong ipitin sa pagitan ng iyong mga daliri. Banatin mo ang balat sa paligid nito.


Kung tumatawid ka sa overpass at may mga humahabol sa iyong batang sumisigaw ng "Bakla!Bakla!Bakla!"
Lingunin mo sila at sabihing: "Alam ko!".




Tuesday, November 09, 2004

Bisyo(n) Part 2

Sabi ko hindi dapat ganoon, na kailangang makipag-usap sa barangay, na dapat kaming gumawa ng sulat pero teka bakit hindi na lang ang homeowner’s association sa lugar namin ang gumawa ng nararapat na hakbang? Sabi sa akin ni Wally, ginawa na iyon at ako raw ang pinapagawa ng sulat. Magaling daw kasi ako pagdating sa mga bagay na ganyan.

Nagpasya akong magtanung tanong bago gumawa ng sulat. Pagkaraan ng ilang araw, natuklasan ko mula sa nanay ko na nakausap si Aling Minda(tindera ng isaw sa amin) na nakausap si Manong Terry(presidente ng homeowner’s association) na pumunta sa barangay para magtanong na nakausap na ang mga opisyal bago ipinagawa ang pader na iyon. May papeles daw na pinanghahawakan ang mga taga-Cavalry Hills Village, at wala na kaming magagawa. Okay.

Pagkatapos ng ilang linggo, hindi na bisita ang pader na iyon sa lugar namin. Kapamilya na namin siya at kapuso. Sinulatan na namin siya ng BOGOL LOVES LEN2x, Wally Supot, Bicolano RULZ at PUTANG INA NIYONG LAHAT. Sinulatan din namin yung pader ng BAWAL UMIHI DITO at BAWAL MAGTAPON NG BASURA DITO saka namin inihian at tinapunan ng basura. Lahat, lahat ginawa namin sa pader na iyon maliban sa gibain ito.

Linggo linggo nagmiting kami ng Youth Council. May plano ako sa tuwing maghaharap kami noong mga araw na iyon: na itong araw na ito, ituturo ko kung paano ang sistematikong pagpaplano para sa mga proyekto (gaya ng ginagawa ng mga Atenista para sa mga events ng kanilang org), na noong araw na iyon dapat maipaliwanag ko ang konsepto ng fund raising. Pero nauuwi lang kami palagi sa tuksuhan at ligawan ng vice president at ng secretary. Minsan isa isang tatawagin ang mga officers ng kanilang mga magulang para pagsaingin o kaya pag-alagain ng mga kapatid. May mga araw na hindi sila puwede o kaya hindi ako puwede. Nangyayari ring may nag-aaway sa labas ng bahay namin at hindi ko mapigilang manood ang mga kasama ko sa Youth Council.

Isang araw, fiesta, matapos ang mahabang panahon ng pangungulit sa mga councilor at barangay officials para sa donasyong pera at kagamitan, sinimulan namin ang isang volleyball tournament sa Cavalry Compund. Noong “opening ceremonies”, naghanda ako ng isang talumpati para sa buong sangka-Cavalry Compoundan. Nakalagay sa talumpating iyon ang (napakataas na) pangarap ko para sa Cavalry, ang magagawa ng mga taga-Cavalry para lumaya sila sa kanilang kahirapan, etc. etc. Ginawa ko pang talinghaga ang pader na hindi namin magiba giba.

Kaya lang may lasing na nanonood, at may sasabihin daw siyang mahalaga. Inagaw niya sa akin ang mic sa kalagitnaan ng aking talumpati, at nagsalita siya, kumanta, sumayaw.

Matapos ang volleyball tournament, hindi ko na nakita ang mga miyembro ng Youth Council. Tinawag na daw kasi sila ng foreman at kailangan na nilang magtrabaho. Si Lea, ang aming secretary (siya lang ang babae sa amin, dahil kailangan daw, babae ang secretary), ay kailangan daw magbantay sa kanyang palamig at fishball business. Tapos.

Pagkalipas ng ilang buwan, guro na ako sa Ateneo. Kapag naglalakad ako pauwi, daig ko pa ang artista kapag tinitingnan ako ng mga nanay at tatay sa amin. Biruin mo, sabi nila, sa edad kong ito ay guro na ako sa college samantalang ni hindi sila nakatapos ng high school. Mapalad daw si Alice, ang nanay ko, dahil nagkaroon siya ng anak na masipag mag-aral. Sana raw ay balang araw maging councilor ako o kaya mayor o kaya attorney para magawan ko ng paraan ang mga problema sa lugar namin.

Kapag ginagabi ako ng uwi ngayon, inaabutan ko ang mga kanto boy na nagbibilyar, nagka-cara cruz o kaya umiinom malapit sa pader na ipinatayo ng mga taga-Cavalry Hills Village. Kapag niyayaya nila akong sumali sa inuman, nagdadahilan akong hindi pa ako naghahapunan o kaya marami pa akong babasahin para sa aking leksiyon. Minsan nakikitagay ako, pero umaalis din ako agad pagkatapos kong sagutin ang mga tanong nila kung saan ako nagtatrabaho at kung ano nga uling kurso ang kinuha ko noong kolehiyo. Nagpapaumanhin ako dahil matagal na akong hindi nakakasama sa mga inuman, na sinasagot naman nila ng okay lang, walang kaso, basta huwag ko silang kalilimutan kapag mayaman na ako, kapag sikat na ako, kapag attorney o kaya mayor na ako.

Pagkaraan ng ilang hakbang, madadaanan ko ang puwesto ni Lea. Hindi na palamig at fishball ang itinitinda niya kundi balot at penoy. Bumibili ako para malabanan ang pait ng gin tubig na ipinatagay sa akin ng mga kababata ko. Noong huli akong bumili kay Lea, napansin kong malaki na ang tiyan niya. Nagsasama na daw sila ni Wally at iyon ang naging bunga.

Sa mga gabing ganoon umuuwi akong masakit ang ulo. Hindi ko alam kung dahil iyon sa mga binabasa ko para sa masters, sa antok, sa gin tubig o sa cholesterol ng balot. Siguro dahil sa lahat. Siguro, ganoon lang talaga ang pakiramdam kapag sumisingaw ang napakaraming hangin mula sa ulo mo.