Sunday, July 12, 2009

Labinlimang libro

Don't take too long to think about it. 15 books you've read that will always stick with you. First 15 you can recall in no more than 15 minutes. Tag 15 friends, including me because I'm interested in seeing what books my friends choose.

Dahil tinaya ako ng mga tao, heto:

1. Mga Kuwento sa Bibliya. Baka meron ka rin nito nung bata ka: hardcover na brown, may scarlet na titik na nagsasabing: Mga kuwento sa Bibliya. Tapos may mga painting, maraming painting, ng mga taong mabuti, masama, iba-ibang klaseng tao, basta tao, saka si Jesus, na tao rin naman. Nilalagay ko ang librong to sa likod ko kapag nanonood ng nakakatakot na pelikula, gaya ng Tiyanak starring Janice De Belen, at Impaktita starring Jean Garcia. Namimiss ko na yun, yung panahong puwede kang maglagay ng libro sa likod mo tapos okey ka na, okey ka na.

2. The Adventures of Tintin ni Herge. Nung grade four ako, first day ng klase, hinampas ako ni Lester, yung katabi ko. At dahil dun hinampas ko siya nang dalawang beses. Tapos hinampas niya ako nang tatlong beses. Di hinampas ko siya nang apat na beses. Mga nasa paligid ng 48 na beses ang hampasan namin nang biglang lumapit si Mrs. Meniano. Sabi niya sa akin, anong pangalan mo? Sabi ko, Yolando po. Tapos sabi niya, Yolando, dahil palaaway ka, ililipat kita sa section 2.

Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung bakit si Lester, hindi inilipat. E siya naman ang nanguna. Anyway, pagdating ko sa section 2 sabi ko magsisisi ka Mrs. Meniano. Tapos ginalingan ko, hanggang makabalik ako sa section 1 nung grade 5. Naging teacher ko si Mrs. Arevalo. Astig siya, di katulad ni Mrs. Meniano. Sabi ni Mrs. Arevalo sa akin isang araw, dahil mahilig kang magbasa, ipahihiram ko sa yo ang mga librong The Adventures of Tintin ng anak ko. At ayun, dun nagsimula ang espesyal na pagkakaibigan namin ni Mrs. Arevalo. Pupuntahan ko siya sa bahay nila para manghiram ng susunod na volume ng The Adventures of Tintin, bibigyan niya ako ng peanut butter sandwich. Minsan nung birthday ko binigyan niya ako ng relo, yung nag-titititit kapag pinindot mo, ganun, at nilibre niya ako ng siopao bola bola sa isang chinese restaurant. Mabait talaga yun, si Mrs. Arevalo, di tulad ni Mrs. Meniano.

3. Mga Librong Choose Your Own Adventure. Isang araw, habang naglalaro kami ng basketball ng mga kaibigan ko, inihagis ko ang bola papunta sa goal. Hindi ko alam kung bakit, pero pagkahagis ko ng bola pumadyak ang kaliwang paa ko patalikod. Tapos sabi ni Bogol, tingnan niyo si Nunoy, parang bakla mag-shoot ng bola, hahahaha! Tapos ewan ko ba, tuwing ihahagis ko ang bola papunta sa goal laging pumapadyak ang kaliwang paa ko patalikod. Sabi tangina ayoko nang magbasketball, magbabasa na lang ako ng libro.

Kaya pagkauwi ko ng eskuwela, pumunta ako sa Booksale sa may Guadalupe, para maghanap ng mababasa. Tapos may nakita akong libro na may mga panuto kung aling pahina ang dapat mong basahin depende sa kung anong gusto mong mangyari. Sabi ko, astig, mas astig kesa basketball. Kaya bumili ako ng tatlo. At tatlo pa uli pagkaraan ng ilang araw. Hanggang sa hindi ko na mabilang kung ilang Choose Your Own Adventure na libro na ang meron ako. Meron pang ibang version ng ganitong libro, yung kailangan may 6-sided dice ka dahil nakadepende sa die roll kung saang pahina ka susunod na magbabasa. Hindi ko na maalala ang pangalan ng series, pero naaalala kong may mga ganung klase ng libro ang kuya ni Maricar Reyes, nakita ko nung pumunta kami sa bahay nila para gumawa ng group project...teka, ibang kuwento na pala yun.

4. Cubao Midnight Express: Mga Pusong Nadiskaril sa Mahabang Riles ng Pag-ibig. Seryoso pare, hindi mo ba babasahin ang aklat na may ganyang pamagat?

5. The Right Way to Play Chess ni Imre Konig. Sabi ni Marvin sa akin dati, meron daw Bundok ng Sierra Pipoy. Dito daw itinatapon ng SM ang mga laruang hindi nabili, dahil may kaunting damage o kaya nadumihan ang lalagyan kaya hindi na maibenta. Sabi ko okey lang kahit may damage, o madumi ang lalagyan, laruan pa rin yun. Kaya isang araw niyaya ko si Ryan na hanapin sa Fort Bonifacio ang Bundok ng Sierra Pipoy. Hindi namin maintindihan kung bakit ayaw sumama ni Marvin.

Marami kaming nakitang basurahan, pero hindi namin nahanap ang Bundok ng Sierra Pipoy. Pero may nakita naman kaming isang tambak ng pinagbalatan ng bawang, na may mga bawang pang puwedeng ipanggisa kung maghahanap ka nang mabuti. Nakapuno kami ni Ryan ng tatlong plastik ng ice candy. Dun sa tambakan na yun ko rin nakita ang librong The Right Way to Play Chess.

Pagdating ko sa bahay, hindi ako pinalo ng nanay ko kasi may dala akong bawang. Tapos kumuha ako ng folder, drinowingan ko ng grid. Kumuha ako ng butones at sinulatan ko ng mga titik (K=King, Q=Queen, R=Rook, etc.). Basta, ginaya ko lang yung nabasa ko sa libro. At yun ang araw na tinuruan ko ang sarili kong mag-chess.

6. Norwegian Wood ni Haruki Murakami. Ewan, nakakarelate lang talaga ako sa mga kuwento ng mga lalaking gustong-gusto ang babaeng maganda, kahit hindi naman sila mahal ng babaeng yun. Hindi ako sigurado kung tama ang pagkaalala ko sa kuwento ng Norwegian Wood pero basta, sigurado akong pagkabasa ko nun, sabi ko, gusto ko ng babaeng maganda, kahit hindi ako mahal.

7. New X-Men TPBs ni Grant Morrison. Bago ako magpaliwanag kung bakit gusto ko to, sasabihin ko munang di ko talaga trip yung pelikulang Batman kung saan bakat ang utong ng bida. Basta, kahit hindi kunektado gusto kong sabihin yun.

Anyway. Kilala mo ba si Cyclops? Oo, siya nga yun. May girlfriend siyang telepath. Tapos pagkamatay ng gf niyang yun, telepath uli ang magiging gf niya. Masama dati yung bago niyang gf, pero bumait nung naging sila. Tanong: Ano kayang ginagawa ng Cyclops na ito at hindi siya iniiwan ng mga babaeng nababasa ang isip niya? May sasabihin ako sa yong sekreto: Naiinggit ako kay Cyclops. Gusto kong maramdaman kung paano mahalin for what I am, for simply being me.

8. Prosang Itim ni Mike Bigornia. Mostly dahil sa mga piyesang ito: Banal na Oras, Pag-asa, Nang Mauso ang Magmakata. Hindi mo pa nababasa ang Prosang Itim? Baliw ka ba?

9. Sandman ni Neil Gaiman. Alam mo na to, nangyari na sa yo to: estudyante ka pa lang, wala ka pang trabaho, lahat ng panggastos mo iniaasa mo sa magulang mo. Tapos isang araw, sabi mo, pag nagkatrabaho na ako, bibili ako nito o niyan, pupunta ako doon o diyan. Yung Sandman series ang ganun ko. Sabi ko, pucha pag nagkatrabaho talaga ako bibilhin ko lahat ng librong Sandman. Oo, pucha, kahit yung Endless Nights na mukhang pahabol na raket lang bibilhin ko. Kaya ayun, nang magkatrabaho ako, binili ko nang pakonti-konti ang mga TPB. Sa booksale sa UP.

10. Magic: The Gathering Fifth Edition Rule Book. Payo ng isang kaibigan nung high school pa ako: Alam mo yun, hindi ka magaling magbasketball, hindi ka rin naman first honor, tapos ayaw mawala ng pimples mo. E di maglaro ka ng Magic: The Gathering.

11. Hulagpos. Sa mga hindi nakakaalam: ito ang textbook ng Fil 11 sa Ateneo. Apat na klase sa Fil 11 ang tinuturuan ko ngayon, medyo nakakapagod. Bad trip pa kasi yung magkasunod kong klase kapag TTH, parehong sa B209. Kaya kapag may pumasok nang maaga dun sa 2nd class, naririnig na nila ang mga jokes ko. Kailangan ko pa tuloy mag-isip ng bago.

Panawagan: Kung ikaw ang humiram ng Hulagpos ko, pakibalik naman, please. Kailangan ko na talaga siya.

12. Representation ed Stuart Hall. Pangako, maganda ang paliwanag, pero boring kung hindi ka lit major. Saka na lang natin pag-usapan. Basta, trip ko ang librong ito. Pinaxerox ko nga e. Alam mo yun, yung xerox na sasabihin mo sa xerox lady: pakibind na rin po at paki-colored xerox ang cover para mukha talaga siyang libro. Ganung xerox pare. Mabuhay ang edukasyon sa 3rd world!

13. The Wholly Trinity. Dahil dito lumabas ang pinakaunang tulang naisulat ko nung college. Wag ka nang magkumento, hayaan mo na lang akong mag-share.

Binibini
Yol Jamendang

Ang ganda mo.

Inantay ko ng matagal
ang pagbayad mo
kasi, gusto kong ako
ang mag-abot nito.

Para naman mahawakan ko
kahit man lang daliri mo.

Kaya nang sa wakas
ay igalaw mo
ang mapuputing braso,
pagkakataon na, akala ko.

Mangungulangot ka lang pala.

Nang muling sulyapan kita
ay sumundot-sundot
at dumudukot-dukot ka

sa iyong bulsa.

Miss, kapag nagbayad ka,
tulog ako--

Ipaabot mo na lang sa iba.

14. Harry Potter Series ni JK Rowling, The Alchemist et al ni Paolo Coelho, ABNKKBSNPLAKo et al ni Bob Ong, etc. Alam mo pare, may mga libro akong binasa dahil alam kong maraming chicks ang nagbabasa nun. Hindi ko na uulitin yun.

15. Hans Christian Andersen: The Complete Fairy Tales. Dahil naniniwala akong may happy ending. Na lahat ng pinagdadaanan ko ngayon, malalampasan ko rin. Aayos din ang lahat. Maganda pa ang mundo. Marami pang mabuting tao. May tunay na pag-ibig. Somewhere out there. Out where dreams come true.