Hay!Men! Ang daming galit sa atin!
Kung ako ang tatanungin? Sexist at homophobic ang blog namin. Oo naman. Tumpak. Korek. Trulalu.
Sexist at homophobic ba kami at ang mga mambabasa namin? Yun ang mahirap sagutin.
In the first place, problematiko ang mga salitang sexist/homophobic/macho/misogynist. Masyadong simplistiko at mapaglahat. Bulag sa iba pang dimensiyon ng identidad, at may pagpapalagay na solido at walang kontradiksiyon sa personalidad ng bawat indibidwal. Hops, hindi ko sinasabing walang bisa ang mga terminolohiyang yan. Ang ibig kong sabihin: panahon na para pag-isipang muli ang mga terminolohiyang yan. Dagdagan kung kinakailangan.
Halimbawa: galit ako sa mga babaeng walang ginawa kundi bumili ng damit at uminom ng kape at magpunta sa gym at magbilad sa beach. Galit ako sa mga baklang gumagastos ng libu-libong piso para magdisenyo ng Christmas tree na ipakikita sa mga host ng lifestyle channel. Kung pagiging sexist at homophobic ang tawag dun, sure, sige, uhuh, sexist at homophobic ako.
Halimbawa: hindi ako palaging ganun. Kapag nakakita ako ng babaeng walang ginawa kundi bumili ng damit at uminom ng kape at magpunta sa gym at magbilad sa beach, baka mahalin ko siya sa iilang minutong nakikita ko siya. Siguro ilang minuto pa pag-uwi ko sa bahay. Kung may makakuwentuhan akong baklang gumagastos ng libu-libong piso para magdisenyo ng Christmas tree na ipakikita sa mga host ng lifestyle channel na mahilig din pala kay Haruki Murakami o kaya sa X-men, baka ituring ko siyang matalik na kaibigan sa iilang minutong magkausap kami. Nagsusulat ako ng thesis ngayon tungkol sa kasarian. Sa klase, itinuturo ko ang pemenismo at queer theory. Sinasagot ko ang tatay ko pag inaapi niya ang nanay ko. Niyayakap ko ang mga kaibigan kong bading kapag sa wakas ay nakitang muli.
Ito ang problema ko sa peminismo at queer theory: Mahal ko ang mga nagturo nito sa akin. Pinaunlad ng mga teoriyang ito ang pagkatao ko. Sa mga klase, nahihiya ako sa pagiging lalaki ko kapag pinag-uusapan namin ang pagkaapi at pagkasantabi ng mga babae at bakla sa lipunan. Pero hindi ako lubusang nasangkot. Hindi ko kasi nakita nang malinaw ang konek ng mga identidad na tinalakay sa sarili kong karanasan bilang lalaking heterosekswal. Bilang isang panganay na anak na lalaki. Bilang isang junior. Bilang isang (ex)boyfriend. Bilang isang lalaking estudyante at guro ng panitikan at kulturang Pilipino. Bilang isang Juan de la Cruz.
Hindi kasi ako babae. Hindi rin ako bakla. At sa tingin ko, kahit ilang libro pa ang basahin ko tungkol sa teoriyang pangkasarian, hindi ko kailanman talagang mauunawaan kung paano maging babae o bakla. Sa tingin ko rin: hindi kailanman lubusang mauunawaan ng babae at bakla kung paano maging lalaki.
Sa Pilipinas, bago lang itong pag-iisip ng lalaki tungkol sa lalaki, para sa lalaki. Karamihan sa mga aklat tungkol sa lalaki, isinulat ng babae o bakla. Para sa akin, mapapayaman ang pagtatalakay at pag-unawa sa lipunang Pilipino kung maidaragdag ang punto de bista ng mga lalaki sa usapin ng kasarian.
Ito ang dahilan kung bakit interesante para sa akin ang Hay!Men! Bagamat napakaraming problema ng blog na ito, nabibigyang diin rin ang ilang mahalagang bagay (na sa totoo lang, sinabi na ng ilang pemenista at queer theorist) na nalilimutan ng maraming "peminista" at "queer theorist".
1. Maraming klase ng lalaki, katulad ng maraming klase ng babae, bakla at lesbian. Nagiging malinaw ito kapag sumalikop ang kasarian sa iba pang aspekto ng identidad. May lalaking lower class, middle class, upper class, kristiyano, muslim, pilipino, intsik, bosconian, bata, matanda, emo, etc. at may hirarkiya ang mga uri ng pagkalalaking ito, depende sa konteksto. Para mapanatili ang hirarkiya, kailangang igiit ang pagpapahalaga, para mawasak ang hirarkiya, kailangang kontrahin ang pagpapahalaga ng dominanteng uri (middle class: huwag kang sexist, huwag kang dugyot, sumunod ka sa batas; lower class: pakshet kang putangina mo, adik ako, gugulpihin ko ang asawa ko. May matutuhan tayong lahat sa BASTOS, lalo na kung lalampasan natin ang mga ngayo'y komportable at dominanteng paliwanag na natutuhan natin sa mga paaralan.)Ang usaping pangkasarian ay hindi lang tungkol sa kasarian. Bastos kami? Bastos kami sa inyong mga nakapag-aral. Bastos kami sa inyong nakababad sa mga dominanteng institusyon. Oo, inaamin kong may problema ang ginagawa namin pero may problema rin ang simplistikong pagbasa niyo sa amin. Mag-usap kaya tayo?
2. Sabi ni John Fiske: Popular culture contradicts itself. Sabi ko: Masculinity contradicts itself. May mga entry na progresibo, may mga entry na regrisibo; may mga entry na progresibo pero binasa bilang regresibo, may mga entry na regresibo pero binasa bilang progresibo; progresibo kahapon, regresibo ngayon, progresibo bukas; regresibo sa iba, progresibo sa iba, ano ba talaga koya
3. Kailangan ng mga bagong kategorya para pangalanan ang karanasan sa panahon ngayon na lalong tinatarget ng konsumerismo ang lalaki (axe, high endurance, fix hair gel, clear for men, metrosexual, FHM), may mga bagong papel ang lalaki (ang tatay na naiwan sa bahay ng asawang OFW), nagiging objectified ang lalaki (bench models), etc. Sa Hay!Men!, may mga "bagong" kategorya: tunay na lalake, di tunay na lalake, under consideration. Pansinin na anumang kategorya ka timbangin, lagi kang kulang. O lalaki, tinimbang ka ng kapitalismo, kulang ka. Tinimbang ka ng pemenismo at queer theory, kulang ka. Pati ba naman sa kapwa mo lalaki, kulang ka pa rin?
4. Imposible (pantasya? Pangarap? Ideyal?) ang hinihingi ng lahat ng front sa lalaki, kaya kailangan niya talagang pumili at maging inconsistent para hindi siya mabaliw. Sa peer pressure ba? Sa pemenismo at queer theory ba? Sa kapitalismo ba? Depende sa kanyang espesipisidad, pero usually damaging at offensive ang napipili niyang response. Ang mungkahi ko: ituring ang Hay!Men! bilang sintomas ng mas makapangyarihang mga puwersa o institusyon. Huwag ipapasan ang daigdig sa blog na ito, tingnan ang mga estrukturang dahilan kung bakit posible at nakakaaliw ang blog na ganito, kahit damaging at offensive. Para naman madagdagan ang pagpipilian ng mga lalaki.
Sino na nga ba ang nagsabing bentang benta ang mga bagay na bastos sa Pilipinas dahil ang bastos bastos lang talaga ng mga nangyayari sa bansang ito? Sinungaling ang presidente, ang daming namamatay sa gutom, walang teksbuk at klasrum ang mga estudyante, gustong maging kongresman ng isang boksingero…alam mo na ito. Alam mong hindi tama ito. Alam mong mas bastos pa ang mga ito kaysa sa kahit anong DVD na mabibili mo sa iyong suking pirata. Alam mong wala nang babastos pa dito dahil TOTOONG NANGYAYARI ANG MGA ITO. Ano kayang konek ng blog namin dun? Hindi ko pa alam ngayon. Gusto ko pang obserbahan ang tunaynalalake blog. Sana huwag muna siyang mamatay.
Yun muna siguro. Sa mga nag-iisip tungkol sa Hay!Men!, gusto ko kayong makakuwentuhan. Siguro kapag hindi na mainit ang ulo niyo.