Matagal na to, siguro college pa ako noon. Pagbukas ko ng ilaw sa kusina namin, may malaking daga, yung tipo ng daga na tinitingnan na lang ng pusa kasi masyadong malaki para paglaruan at nguyain pagkatapos, ganung klase ng daga. Nasa kusina namin, binubutas ang plastic na lalagyan namin ng basura. Tapos ewan ko, natakot yata sa akin, biglang tumakbo. Papunta sa akin. Papunta sa akin, siguro dahil wala siyang ibang exit plan kundi sa butas ng banyo namin malapit sa kinatatayuan ko. Tapos ewan ko, natakot din siguro ako o nagulat, paglapit niya sa akin bigla ko siyang inapakan. Ang lakas ng pagkakatapak ko sa kanya, parang yung pag may pinapatay kang ipis, yung puwede naman yung medyo malakas na apak lang pero nilalakasan mo talaga yung tapak mo kasi galit ka, o takot ka, o pareho. Di ba pag pinapatay mo ang lamok na lumilipad, ang lakas ng palakpak mo, kahit lamok lang naman yun at medyo malakas na palakpak lang patay na siya. Basta ganun, ang lakas ng pagtapak ko sa daga. Tapos napaatras ako nang konti. Nakita ko yung daga, nahilo yata. Hindi nakapagpatuloy ng pagtakbo. Tapos hindi ko alam kung bakit, pero inapakan ko siya uli, mas malakas siguro kesa sa una kong pagtapak. Tapos inapakan ko pa siya nang inapakan, bahala na kahit tumatalsik na yung dugo niya, bahala na kung andumi-dumi na sa kusina namin, bahala na kung nagising na yung nanay ko at nagtatanong kung sino ang kaaway ko. Hindi ako tumigil sa pagtapak hanggang nangawit yung binti ko. Tapos nakatingin lang ako sa patay na daga. Tapos nakatingin sa akin yung pusa namin, parang nagsasabing halaka, ano yang ginawa mo, lagot ka, bakit ginawa mo yan.
Matagal na yun e. Akala ko pagkatapos kong uminom ng red horse nung gabing yun, hindi ko na uli maaalala. Pero naalala ko uli kagabi na para bang kanina lang nangyari. Nung isang buwan kasi, sinabi sa akin ng nanay ko na nagtetext daw sa kanya si Jojo, yung kapatid ko sa tatay, yung nagidnap ng pamangkin ng asawa ng ate niya, yung isang linggo nang nabayaran ng ransom pero hindi ibinalik yung bata. Oo, yung kapatid kong yun. Nagtetext daw sa nanay ko, nanghihiram ng pera kasi wala na raw siyang makain. Nagtetext na kung puwede raw ipadala via money transfer ang kahit 500 pesos lang. Sabi ko, anong ginawa mo? Nag-reply ka ba? Sabi ng nanay ko hindi, binura ko yung text kasi natakot ako kasi baka puntahan tayo sa bahay kasi kasabwat din pala yung ate niya sa pangingidnap. Sabi ko bat mo binura dapat pinakita natin sa pulis. Sabi ng nanay ko tama, tama, pag nagtext uli tawagan natin yung number na iniwan ng pulis na pumunta dito. Tapos pumunta sa bahay namin yung asawa ng ate ko, yung kasabwat ng isa ko pang kapatid sa pangingidnap. Galit na galit daw siya, bakit daw ginawa sa kanya ng asawa niya yun. Bakit daw ginawa sa kanya ni Jojo yun e pinatira pa naman niya sa bahay nila yun. Tapos marami pa siyang kinuwento tapos sinabi namin pag nagtext uli si Jojo tatawag kami sa pulis. Tapos sabi niya hindi ko na alam ang gagawin ko bakit ito nangyari sa akin. Pagkalipas ng isang linggo, nagtext uli si Jojo sabi nay pautangin mo naman ako wala na akong makain. Sabi ko tawagan natin ang pulis sabihin natin natatakot tayo baka pumunta sa bahay natin. Tapos pumunta yung pulis kasama ang marami pang pulis sa trabaho ng nanay ko. Sabi nila magreply daw ang nanay ko san daw ipadadala ang pera. Tapos nagreply daw si Jojo, sa Naga raw ipadala. Tapos sabi daw ng pulis bitay raw ang parusa sa kidnap for ransom.
Pagkatapos ng isang linggo bumili ng sopas ang kapatid ko kina Baylon. Sabi raw ni Baylon narinig niya raw sa radyo may nahuling alyas Jojo sa Naga, kaapelyido namin, nangidnap for ransom raw. Kilala ba raw namin yun. Sabi ng kapatid ko talaga, ewan. Tapos nagtext yung pulis sa nanay ko, nahukay na raw nila yung bangkay ng bata.
Kahapon, bago ko maalala yung dagang inapakan ko, may dagang nagkakamot sa likod ng bahay namin. Kanina ko pa siya tinitingnan, kamot lang siya nang kamot. Tapos kinuha ko yung pala namin tapos tinusok ko siya. Hindi siya sumigaw tapos nakatingin lang siya sa akin. Matagal, matagal akong nakadiin lang sa palang nakatusok sa daga. Tapos nakita ko yung pusa namin, nakatingin sa akin. Parang nagsasabing halaka, ano yang ginawa mo, lagot ka, bakit ginawa mo yan.