Gusto kong mag-update pero di ko magawa
Maniwala ka sa akin, gusto ko talagang mag-update pero hindi ko magawa. Gusto ko yung ganito: hindi mo ako kilala, hindi kita kilala pero sinasabi natin sa isa't isa: "mahal na kita," "kakalmutin kita, kagatin mo ako," "tama na ito, halika(n) na". Gusto ko yung puwede kong sabihin, "Tangina pare, pag nahuli ko talaga yang Life na yan susuntukin ko ulo niya gaya ng pagsuntok ni Bruce Willis sa pedophile sa pelikulang Sin City." Gusto ko yung pagkatapos kong sabihin yun, may magsasabing "Tara, pare, suntukin natin si Life!" kahit hindi ko naman alam ang tunog ng boses niya, hindi niya alam ang amoy ng ginagamit kong deodorant, hindi ko alam ang paborito niyang palaman sa tinapay, hindi ko alam ang iniisip niya kapag nagyoyosi siya.
Gusto ko talagang mag-update. Gusto ko talagang mag-post pero may nagtext sa akin, "hindi na ako masaya" tapos naisip ko, "ako rin" pero hindi ganun ang nireply ko. Gusto kong maniwala na you were meant for me and I was meant for you, na i'd rather have bad times with you than good times with someone else, na i don't care who you are or where you're from or what you did as long as you love me baby. Gusto kong magsindi ng yosi tapos kumanta, malakas: when we're hungry, love will keep us alive, nobody wanna see us together but it don't matter no (cause I got you babe), i miss you body and soul so strong that it takes my breath away, aaminin ko, sa lahat ng taong nandito aaminin ko, ikaw pa rin ang hinahanap ko. Gusto ko na love moves in mysterious ways, na nothing's gonna stop us now, gusto kong maniwala sa mga bagay na ganito dahil kung hindi, tangina, saan pa ako maniniwala?
Gusto ko sanang mag-update pero naiinis ako kasi may mga hindi nagtetext sa akin dahil SMART ang number ko. Okey lang, okey lang na walang magtext sa akin pero sana ang dahilan, hindi niya ako type, busy siya, namatay phone niya, nanakaw phone niya, nakidnap siya ng mga terorista at ginagamit ang telepono niya para makipagnegosasyon ng ransom, kahit anong dahilan basta wag lang putanginang "SMART ka kasi e."
Alam mo, matagal ko na talagang gustong mag-update, pero noong undas, nakita ko ang nanay ko.
Nakita ko ang nanay ko na sinusulatan ng pentel pen ang puntod ni erpat. Gusto ko sanang mag-update e. Kaya lang ayaw makinig sa akin ng nanay ko na hintayin na lang yung pinagawa naming lapida, na kahit walang nakasulat sa puntod ni erpat alam naman ng gumawa ng lapida kung saan ikakabit dahil siya rin ang nagsemento dun, na ma, ano ba, tingnan mo hindi ka naman marunong mag-lettering, ako na nga lang ang susulat, akin na yang pentel pen punyeta magyoyosi lang ako sandali sa malayo.
Pramis, gusto ko na talagang mag-update pero isang araw, sinabi sa akin ng kapatid ko buntis daw siya, pero walang heartbeat ang bata kaya kailangan niyang magparaspa. Gusto ko sanang mag-update kaya lang kinabukasan, pagkatapos sabihin sa akin ng kapatid ko na kailangan niyang magparaspa, may mga dumating na pulis sa bahay namin, hinahanap ang kapatid ko sa labas. Nangidnap for ransom daw, hindi pa ibinabalik ang bata kahit nakapagbayad na ang pamilya. Gusto ko talagang mag-update pero kinabukasan pagkatapos dumating mga pulis sa amin, pumunta ako sa Novaliches dahil kailangan ko ng yakap, dahil kailangan kong umiyak, pero nag-away lang kami nung pinuntahan ko. Gusto ko sanang mag-update pero isang araw pagkatapos ng tatlong araw na yun, tinaasan ng Ateneo ang suweldo ko kaya kumain kami sa isang mamahaling kainan sa Gateway. Doon ko kinain ang pinakamasarap na angus rib-eye steak with corn on a cob and mashed potato na natikman ko, inggit na inggit sa akin ang mga katrabaho ko. Pasensiya na, hindi ko pa kayang mag-blog kasi pagdating ng bill namin 995 pesos pala ang halaga ng kinain ko, hindi pa kasama ang inorder kong blue banana at service charge.
Shet, tangina, gusto ko talagang mag-update. Gusto kong magkuwento tungkol sa mga bagay na nangyari sa buhay ko, tapos kapag may nagtanong sa akin, "Ows, talagang nangyari sa iyo ang mga yun?" puwede kong sabihin, ano ba, joke lang yun, inimbento ko lang yun, hahaha, naniwala ka naman, tanga. Gusto ko yung ganun, yung puwede kong sabihin yun kasi blog lang naman ito, ano bang mga pinaglalalagay ko rito kundi mga walang kuwentang bagay.