1.
Masarap ipalaman sa tinapay ang binating itlog na may kaunting basil leaves. Ito ang inaalmusal ko noong isang araw habang nagrereklamo ang nanay ko tungkol sa mga pusa kong nagtatae.
Ewan ko ba kung bakit nagtatae ang dalawa sa apat na pusang inaalagaan ko. Basta isang araw na lang, kahit saan sila maupo ay parang may nagbuhos ng sarsa ni Mang Tomas o kaya bagoong isda pagtayo nila.
Bad trip na bad trip ang nanay ko dahil mahilig umupo sa sala at computer table at sewing machine at study table at kusina ang mga pusa ko. At ipinaramdam niya sa akin ang pagkabad trip na iyon noong isang araw, habang nag-aalmusal ako ng tinapay na may binating itlog na may kaunting basil leaves. Sa kanya nanggaling yung sarsa ni Mang Tomas at bagoong isda analogy.
Kung ibang araw ito, sa banyo lang namin tumatae ang mga pusa. Winawalis namin ito at binubuhusan ng tubig para lumabas sa butas sa aming banyo, magsasabi ng "Tang-ina, ang baho," tapos okey na ang lahat. Ngayon, habang nagwawalis at nagbubuhos ng tubig ang nanay ko sa banyo, inilalarawan niya nang buong detalye ang kanyang ginagawa at nakikita habang kumakain ako ng tinapay na may palamang binating itlog na may kaunting basil leaves. "Grabe, kaliwa’t kanan ang tae dito sa banyo," sabi niya. "Ano ba yan, akala ko solid. Sumasabog pala kapag binuhusan ng tubig!" dagdag pa niya. "Punyeta, ang baho!"
Mahal ko ang mga pusa ko, kaya buong tiyaga kong nililinis ang mga sarsa ni Mang Tomas at bagoong isda kapag hindi ako nauunahan ng nanay ko. Dinadala ko sa labas ang pusa kapag nakikita kong medyo umiiri habang nakaupo. Binababad ko sa Ariel ang mga punda ng throw pillow na nataihan. Ang hindi ko lang kinaya ay nang minsang tumabi sa akin sa higaan ang isa sa mga pusa kong nagtatae.
Pagkatapos kong magbihis ng damit at magpalit ng kobre kama, sabi ko sa isang pusa, "Sorry miming, pero mukhang hindi na magwo-work ang relationship na ito." Tapos binuhat ko siya, at nagsimula akong tumakbo. Tumakbo ako nang tumakbo, lampas sa bahay nina Tata Ambeth, hanggang kina Domeng, lampas sa ihawan nina Manay Basyon at lugawan nina Minda, lampas kina Buding, hanggang sa bilyaran. Doon ko iniwan ang pusa kong three colors na sumasakay sa akin kapag nag-iisip ako, ang pusa kong three colors na humuhuli ng dagang mas malaki pa sa kanya, ang pusa kong three colors na naduduling kapag naglalaro ng sinulid, ang pusa kong three colors na nagpapagulong-gulong sa sahig kapag kauuwi ko lang, ang pusa kong three colors na nag-iiwan ng sarsa ni Mang Tomas at bagoong isda sa sala, sa computer table, sa sewing machine at kusina. Tinitingnan niya ako nang buong paghihinanakit nang lingunin ko siya bago ako tumakbong pauwi.
Pagdating ko sa bahay, tiningnan ako ng mapag-akusang tingin ng iba kong pusa. Bigla akong napunta sa isang Far Side cartoon. Sabi ng isang pusa, "Hindi ka dapat bigyan ng master's degree kasi wala kang kuwentang amo." Tapos sumayaw ang iba pang mga pusa, sabay sabay na nagsasabing, “Goin’ Bulilit, goin’ bulilit...”
Pagkaraan ng dalawang araw, nakita ko sa sala namin ang pusa kong three colors. Hindi na siya nagtatae. Lumapit ako para yakapin siya, pero lumayo siya sa akin. Tiningnan niya ako ng tingin na nagsasabing "Gago ka ba?"