Kuwento
Lahat tayo may kuwentong ganito - yung kuwentong ayaw mo namang maalala pero madalas mong maalala, yung kuwentong bigla na lang sasagi sa isip mo kapag nag-iisa ka sa pocket garden, kapag nakaupo ka sa bus o sa jeep at tinitingnan ang mga bagay bagay sa labas, kapag mag-isa kang kumakain ng tanghalian, kapag matagal kang hindi tumingin sa cellphone mo at kapag tumingin ka na, nakikita mong wala namang nagpadala ng text message sa iyo. Ito yung kuwentong gusto mong ikuwento sa iba, pero nag-aalangan ka dahil baka hindi maka-relate o makornihan o umalis ang kausap mo. Ito yung kuwentong ilang beses mo nang naikuwento pero tinawanan ka lang o kaya tinanong kung ano ang point o kaya hinanapan ng punch line. Kaya hindi mo na lang ikinukuwento. Ganito yung sa akin.
Noong kinder ako, hindi pa kami nakatira sa Kabute St. Nakatira kami noon sa 27th street ng West Rembo, sa lugar na malalaman kong tinitirhan pala nina Pamela at Venus at Sheryl, mga naging crush ko pagdating ng Grade 1 at Grade 4.
Noong kinder ako, noong nakatira pa kami sa 27th street, naging ugali ko ang mangulekta ng mga laruan, yung laruang makukuha mo kapag bumili ka ng cheese curls. Iba-ibang klase ng laruan yun, mga sundalo at robot at superhero, yung iba napagdidikit dikit para makabuo ng isang malaking laruan. May mga laruang matigas at yari sa plastic, may mga laruang malambot at yari sa goma, may mga laruang transparent ang kulay, may mga laruang lapad, may mga laruang mumurahin ka ng nanay mo kapag naapakan niya.
Pagdating ng uwian at may natira akong pera dahil hindi ko feel ang ibinebentang sopas o kaya matigas na ang Nutri-Bun, bumibili ako ng cheese curls. Kinakapa ko ang mga pakete para makuha ko ang mga laruang wala pa sa aking kuleksiyon. Minsan naman, nakikipaglaro ako ng tatsing (Maglalagay ng laruan ang players sa loob ng isang square na iginuhit sa lupa. Isa-isang ihahagis ng manlalaro ang kanilang pamato papunta sa square. Kapag napalabas mo sa square ang isang laruan, sa iyo na ito.) sa mga kaibigan ko, tapos umaayaw ako kapag nakuha ko na ang laruang gusto ko.
Minsan, nauubos ang tindang cheese curls sa harap ng West Rembo Elementary School. Minsan naman, puro He-man ang nakakapa kong laruan gayong She-ra ang kailangan ko. Ang ginagawa ko, nagpupunta ako sa iba’t ibang tindahan at kinakapa ang mga ibinebenta nilang cheese curls. Minsan, sinusundan ko ang mga kapitbahay naming pumupunta sa malalayong lugar para makahanap ng mga bagong tindahan. Sa ganitong paraan ko natuklasan kung saan ang bahay nina John Louie at Glenn at Alphard at Mrs. Arevalo.
Isang araw, matapos ang ilang oras ng paghahanap kay Cobra Commander (ng G.I. Joe), umuwi akong bigo. Habang naglalakad pauwi, nakita ko si Cobra Commander na nakahiga sa lupa! Agad ko siyang dinampot at tumakbo pauwi. Nang malapit na ako sa 27th street, lumingon ako at nakita ang ilang batang naglalaro ng tatsing, hinahanap ang itinayang Cobra Commander.
Wala akong kalaro sa 27th street noon. Kapag nagkaayawan na sa mga laro sa harap ng West Rembo Elementary at wala naman akong laruang hahanapin, dumederetso na lang ako sa bahay. Hindi naman ako masyadong nalulungkot dahil meron akong tatlong kahong tau-tauhan sa bahay.
Pagkatapos kong magbihis inilalabas ko lahat ng tau-tauhan, kahit hindi ko naman sila lahat mapaglalaruan. Binibilang ko sila hanggang maubusan ako ng bilang o kaya mapagod ako sa kabibilang nang pasampu-sampu. Minsan inihahanay ko silang lahat sa lamesa namin. Yung mga kontrabidang laruan pinatatayo ko at isa-isang pinatutumba gamit ang bida of the day, na madalas ay si Spider Man o kaya si Optimus Prime. May mga hapong dinadala ko sila sa labas ng bahay, inilalagay sa maliliit na hukay at pinatatalsik sa pamamagitan ng paghahagis ng bato habang sumisigaw ng tagish! Kaboom! Ratatatatatatat! Kapag wala ang nanay ko, TITIw! TITIw!BURATatatatatatat! at JOGAaaaam! ang isinisigaw ko.
Tapos isang araw, sinundo ako ng nanay ko sa eskuwela. Sa ibang bahay na raw kami uuwi, at nailipat na ang mga gamit namin doon. Hindi ako masyadong nagulat dahil nakita ko naman ang pagliligpit/paglalagay sa plastic at kahon ng mga gamit. Pagdating sa bago naming bahay, hinanap ko ang mga laruan ko. Ang sabi ni mama, ipinamigay na raw niya ang mga tau-tauhan, napakarami kasi at mahirap dalhin.
Ilang araw din akong nagpabalik-balik sa 27th street noon, patingin tingin sa dati naming bakuran. Umaasang makakikita ng tatlong plastic ng tau-tauhan. May mga nakita akong batang naglalaro ng tatsing, pero hindi ako lumapit. Natakot kasi akong makitang nakataya ang aking mga laruan.
Yun. Naalala ko ang kuwentong ito kapag naiisip ko ang mga kaibigan ko noong high school, lalo na yung madalas kong makakuwentuhan noon pero hindi ko na nakikita ngayon. Naaalala ko ito kapag may nakakasakay ako sa jeep na kamukha ng kaklase ko noon sa West Rembo Elementary, pero hindi ko mabati dahil hindi ko sigurado kung siya nga iyon. Naalala ko ito noong mawalan ng trabaho ang tatay ko dahil umalis na ang amo niyang Hapon. Naaalala ko ito kapag marami pa akong kailangang isipin, at napapatigil ako. Kapag nangyayari iyon, tumatayo muna ako at naglalakad lakad.
Minsan, kapag may nakakakuwentuhan ako at nauuwi ang aming usapan sa mga seryosong bagay gaya ng responsibilidad sa pamilya, pagtanda, paglimot, pagkamatay, naaalala ko ang kuwentong ito. Pero hindi ko ikinukuwento. Baka kasi hindi maintindihan ng kausap ko. Baka mailang siya. Hindi ko ito ikinukuwento dahil alam ko, alam niya, alam naming dalawa na hindi naman ito ang tipo ng bagay na pinag-uusapan ng mga taong hindi pa naman talagang magkakilala.