Wednesday, September 28, 2005

20 random things
(dahil tinaya ako ni maita)


1. Paano ba magpatay ng sigarilyo ang tanga? Itatapon niya sa lupa ang upos, at tatakpan ng kanyang kanang paa. Pagkatapos, yung kaliwa ang igagalaw niya.

Ginagawa ko yun sa smoker's pocket garden. Wala pang nakakapansin so far.

2. May nabili akong Dilbert Collection noong nakaraang buwan. Hindi ko malimutan yung isang strip kung saan may taong nagpapanggap na nabubulunan sa tuwing nasa cafeteria siya. Kapag may lumapit para gawin ang Heimlich maneuver, bigla siyang haharap at makakukuha siya ng libreng hug.

3. Ikaw, bakit mo binabasa ang blog ng isang taong hindi mo naman kilala?

4. Noong nakaraang buwan rin, bumili ako ng The Sharon Cuneta Mega Collection. Dalawang CD ito na naglalaman ng 32 awit ng Megastar, mula Mr. DJ hanggang sa Bituing Walang Ningning.

CD dapat ng AI (spielberg) at eternal sunshine of the spotless mind ang bibilhin ko. Ewan ko ba kung bakit nang makita ko ang The Sharon Cuneta Mega Collection, bigla ko itong dinampot. Hindi ko rin alam kung bakit noong tingnan ko ang song list, nakilala ko ang halos lahat ng kanta! Hindi naman ako fan ng Megastar. Hindi naman ako nanonood dati ng The Sharon Cuneta Show. Hindi ko naman sinundan ang love story niya with Gabby Concepcion hanggang kay Kiko Pangilinan. Hindi ko naman napanood ang Magkapatid starring the Megastar and Judy Ann Santos. Hindi naman ako kumakain ng Selecta at sumasakay sa Super ferry at gumagamit ng sim na Globe. Teka, bakit ang dami kong alam kay Sharon Cuneta?

5. Hindi ko matapus-tapos ang tulang pinamagatan kong External Sunshine of my Sparkless Mind. Hindi ako makalampas sa taludtod na May Hepa A ang langit sa Manila Bay/Dala ng tukneneng na araw.

Gagawin ko itong rap. Ang chorus: Balutin mo ako sa hiwaga ng iyong pagmamahal/hayaang matakpan ang kinang na di magtatagal/mabuti pa kaya'y maging bituing walang nining/kung kapalit nito'y walang paglaho mong pagtingin/itago mo ako sa lilim ng iyong pagmamahal/limutin ang mapaglarong kinang ng tagumpay/sa piling mo ngayon ako'y bituing walang ningning/nagkukubli sa liwanag at kislap ng ating pag-ibig.// Ipe-perform ko ito sa Cuneta Astrodome, kasama si Megastar siyempre. Siya ang kakanta ng chorus sa pagitan ng aking pagra-rap. Magsisimula ang bagong trend sa music industry: ang paglalabas ng album na may mga tula/awit. Kokopyahin ito ng mga pirata at ibebenta sa murang halaga. Ang resulta: magsisimulang tumulang muli ang masang Pilipino.

Pero kailangan ko munang maisulat yung tula.

6. Fiesta sa baranggay namin sa Oct.2. Sabi ng nanay ko, huwag na lang raw kaming maghanda. Bumili na lang raw kami ng linoleum para mapalitan ang sira-sirang vinyl tiles sa aming sahig. Kailangang rin daw ipaayos ang gripo naming walang tigil sa pagtulo kahit mahigpit naman ang pagkakasara. Naghihingalo na rin ang aming flourescent lamp kaya kailangan nang palitan. Ilang buwan na rin kaming hindi nakakanood ng TV dahil sumuko na ang aming Goldstar.

Ang daming sira sa bahay namin, parang ayaw ko nang umuwi minsan.

7. Ano bang mas nakakainis: panget na feeling guwapo o guwapong feel na feel ang pagiging guwapo?

8. Noong Sabado, pumunta kami ni Joanne sa birthday celebration ni Sandra. Masarap pala ang lechetin (leche flan na may gelatin). Masarap din pala ang embutido pag walang preservative. Sa Pasko, oorder ako ng maraming embutido sa nanay ni Sandra. Ireregalo ko sa mga tita ko at sa mga kapitbahay namin.

9. Solid Sharonian ang tita kong nakatira malapit na malapit sa amin. Nagliwanag ang mukha niya nang ipakita ko sa kanya ang aking Sharon Cuneta Mega Collection. Sabi niya, "Patugtugin natin!". Sabi ko, "Sige! Kaya ko nga dinala rito e."

Kaya lang sira na yung player nila e.

10. Noong isang linggo, may mga dumating na performance artist sa Ateneo. Tuwang tuwa ako kasi kahit saan ako tumingin ang daming artist! Sa kanan: may artist. Sa kaliwa: may artist. Sa harap: may artist. Paglingon ko: may artist pa rin. Pucha pare kahit saan ako tumingin may artist!

Tinext ko agad si Jelson para makita niya rin yung mga artist. Pumunta naman siya, at tiningnan namin yung mga artist. Pinanood namin kung paano minasking tape ng isang artist ang watawat ng Pilipinas hanggang magmukha itong suman. Umalis si Jelson. Pinanood ko kung paano i-masking tape ng artist yung watawat na parang suman sa ulo niya. Pinanood ko kung paano isubo nung artist yung microphone. Pinakinggan ko yung paghinga ng artist sa bibig niya. For ten minutes. Grabe talaga ang mga artist.

May isang artist rin na nagsunog ng bible. Tapos may isang artist na uminom ng tubig. Umalis ako.

Sabi ng kaibigan kong hindi agad umalis, may artist daw na may mental art gallery. Nasa isip niya lang raw yung mga artworks, hindi niya puwedeng ilabas dahil baka maging commodity. Ang magagawa niya lang raw ay i-describe ito. Umalis ang kaibigan ko.

11. Hindi ko alam kung bakit may mga estudyanteng kuwento nang kuwento sa akin kapag nasa classroom kami (bago magsimula o matapos ang klase) pero hindi naman ako pinapansin kapag nagkasalubong kami sa corridor.

12. Noong isang buwan, naglalakad kami ni Joanne sa Guadalupe nang may humarang sa aming isang batang babae. Madungis siya, at mukhang hindi alagang Downy ang kanyang damit. May hinihingi siya sa amin. Binigyan ko siya ng isang stick ng barbecue.

Hindi pala barbecue ang hinihingi niya. Hindi rin tinapay at seedless dalandan.

13. Ano bang problema ng SMART? Bakit napakahirap mag-send kapag kailangan mo talagang mag-send? Message Sending Failed. Message Sending Failed. Puro Message sending Failed. Tapos sasabihin sa akin ng kaibigan ko bakit raw tatlong beses ko ipinadala ang message ko. Tapos sasabihin sa akin sa balance inquiry, you have zero balance.

Dapat ayusin nila ang network nila! Paano kung may magkasintahang nag-LQ at hindi makapag-ayos dahil hindi nila mai-send ang mga message nila? Paano kung may nakidnap for ransom at hindi mapadala ng kidnappers ang kanilang demand? Paano kung papunta ka sa bahay ng gelpren mo tapos may pinapabili siyang hindi mo nabili dahil di mo natanggap ang message? Paano kung tinatanong ka ng nanay mo kung ano gusto mong ulam tapos sabi mo tinola tapos niluto niya paksiw dahil di niya natanggap text mo?

SMART, marami kang dapat sagutin.

14. Madalas mangyari sa akin ito: Akala ko ka-close ko na ang isang tao tapos bigla ko na lang matutuklasan na hindi pala.

Alam na alam ko na ngayong hindi linear ang development ng pagkakaibigan. Maraming gaps and ruptures ang prosesong ito.

15. Kapag naghuhugas ng puwet ang mga kaliwete, anong kamay ang ginagamit nila: kanan o kaliwa?

16. Globe subscriber ka ba? Punta ka sa write messages, tapos type mo HULA(space)(your birthday) and send to 2346. example: HULA 120781 (kung ang birthday mo ay december 7, 1981)

Ako ang magrereply sa iyo. Dalawang taon ko nang ginagawa ang mga text message na ganyan. Minsan may mga nakakasakay ako sa jeep, FX o MRT na nakatatanggap ng mga message na ginawa ko. Hindi nila alam, hindi nila alam na katabi na pala nila ang kanilang daily manghuhula.

17. Kapag bagong suweldo ako, bumibili ako ng de latang sardinas. Pagdating ko sa amin, dumederetso ako agad sa kusina para buksan iyon at ibigay sa mga pusa.

18. Nalulungkot ako kapag sardinas ang ulam namin.

19. Ano bang dapat gawin kapag nalulungkot? Sabi ni Missy, ganito raw ang payo sa kanila ng mga madre noon: Embrace yourself, move back and forth, and say "I am special...I am special..."

20. Sa tingin mo ba, dapat may insight ang mga blog entry?

Friday, September 09, 2005

Nakita ko ito kay rambling bayaw. Naki-ampon na rin ako.


my pet!

Tuesday, September 06, 2005

Where's Yolly?
Hint: Mukha siyang nanghiram ng damit sa isang bodyguard/traffic enforcer