Mga Kuwentong Pusa
Noong isang araw, hinampas ng tatay ko ng dos por dos ang isang pusa sa amin. Lumipad yung pusa, tapos dumapo sa gilid ng kanal. Ilang minuto siyang hindi gumalaw, pero bumangon rin matapos siyang buhusan ng tubig.
Jaja ang pangalan ng pusang yun. Siya ang kapatid ni Boomboom, isa rin sa mga pusa sa amin. Halos magkamukha ang dalawang pusang ito, pero nakikilala pa rin namin sila dahil sa kanilang batok – may batik si Jaja samantalang puti lang ang kulay ng batok ni Boomboom. Si Boomboom yung maingay ngumiyaw, si Jaja yung mahilig makipagtitigan. Matagal na namin silang inaalagaan, malambing kasi sila at hindi tumatae kung saan saan.
Noong isang buwan, inihagis ko sa bangin si Boomboom. Nahuli ko kasi siyang kinakain ang ulam kong piniritong tilapia. Saglit lang naman akong umalis, tinawag lang naman ako sandali ng nanay ko kasi na-stroke daw ang tita ko, bilis. Pagbalik ko, ayun, nandoon siya sa ibabaw ng lamesa, walang paumanhing nginunguya ang tilapiang kinakain ko kanina. Binuhat ko siya at inihagis sa bangin. Ngiyawrrr! sabi niya. Tapos dalawang araw ko siyang hindi nakita.
Noong isang araw, ilang minuto bago hinampas ng tatay ko ng dos por dos si Jaja, tinatapik nina Jaja at Boomboom ang takip ng aming kaserola. Dahil sa kanilang pagtapik, tumatagilid ang takip at malaya nilang nadudukot ang paksiw na galunggong na niluto ng tatay ko.
Noong isang araw, ilang minuto bago hinampas ng tatay ko si Jaja, nagrereklamo ang kapatid ko dahil puro na lang raw isda ang ulam namin, na sana raw makapag-ulam naman kami uli ng bistek o kaya ng adobo o kaya ng nilaga. Sabi ng tatay ko, ipinagbawal raw sa kanya ng doktor ang pagkain ng karne kaya kailangan naming mag-ulam ng isda. Sabi ng kapatid ko, sana bumili na lang siya ng ibang ulam para sa aming magkakapatid. Sabi ng tatay ko, wala raw kaming pambili ng ibang ulam kasi hindi niya naibiyahe ang taxi dahil nga masakit ang katawan niya at nagpa-check up siya. Pagkatapos, pumunta siya sa kusina at nakita niyang kinakain nina Jaja at Boomboom ang niluto niyang isda. Hinampas niya ng dos por dos si Jaja.
Hindi na tumatambay sina Jaja at Boomboom sa likod ng bahay namin. Sayang, marami pa naman sana akong ipapakain sa kanilang isda.