Tuesday, March 15, 2005

"Artist" ka ba?
Etong sa yo!

Banal na Oras
Mike Bigornia

Bagito siyang manunulat at hangad niyang maging tapat sa
katangian ng mga idolong matibay sa pagpupuyat, bukod sa
malakas manigarilyo at uminom ng alak. Sa ganito lamang,
aniya, lalawak ang buhay at karanasang nais niyang maging
lunsaran sa pagsusulat.
Sa kabila ng mga itinakdang katangian para sa sarili, matumal,
kung hindi man bihira siyang usbungan ng haraya. Madalas tuloy
niyang ireklamong di nakikisama ang panahon sa kanyang napiling
landas. Kulang ang oras niya para magbasa, kulang para magmuni-
muni, kaipala'y kulang din para magbalangkas ng anumang
diwang uupat ng malikhaing simula.
Ngunit kapag nagkakaoras, di niya maiwasang hindi ito ilaan
para sa nakararahuyong piling ng barakada at kaibigan, sa
nakalalangong luho ng aliw at halakhak.
Pagkain ma't sobra ay lason. Minsan, tinamaan siya sa baga at
ipinayo ng doktor na tigilan niya ang paghitit. Karugtong nito'y
natuklasang may altapresyon siya at may diperensiya rin ang
kanyang bituka at atay. Ipinayong lubayan niya ang pagpupuyat at
pag-inom.
Ngayo'y nasa kanya halos lahat ng panahon, ang
pinapangarap na oras para sa sagradong ritwal ng pagsusulat.
Ngunit sa kabila ng katiwasayang tinatamasa, pakitid nang
pakitid ang kanyang buhay at karanasan.