Monday, December 20, 2004

It's the thought that counts Part 1

Nice to see
And nice to hold
But when you drop it
And it's broke,
It's considered sold
-Vemizon Mart, sa Guadalupe

Christmas party namin sa Filipino Department noong nakaraang December 17. Ilang segundo bago matapos ang exchange gift, natuklasan kong hindi dumalo ang nakabunot ng pangalan ko.

Flashback, January 1982, sa Libmanan, Camarines Sur. Binyag ko. Dahil ilang araw pagkatapos ng seremonyang iyon ay babalik na sa Maynila ang ermat at erpat ko, yoon na ang huling pagkikita namin ng mga ninong at ninang ko. Wala akong kamalay malay na darating ang napakaraming Paskong walang ibang magreregalo sa akin kundi si Santa Claus.

Noong una, okay lang. Regular naman ang pagbibigay ni Santa Claus sa "mabait na bata". Nariyan pa ang regalo ng mga tita ko, plus yung regalo ng nanay at tatay ko. Habang dumadami kaming magkakapatid, napansin kong nagiging kuripot si Santa Claus, pati na ang mga tita ko dahil dumadami ang kanilang nireregaluhan. Nagtataka ako dahil ang mga kapatid ko ay mayroong tinatawag na ninong at ninang na nagbibigay sa kanila ng additional na regalo. Sumasama ako sa kanila kapag bumibisita sa mga ninong at ninang na iyon, at nakatatanggap ako ng kaunting pera. Pero hanggang nood lang ako kapag nagkakaabutan na ng mga nakabalot at nakaribbon na kahon. Ang tanong ko palagi sa nanay ko, "Nasaan ang mga ninong at ninang ko?"

Grade 4 nalaman kong wala naman pala talagang Santa Claus. Kung hindi ako nagkakamali, noon ko yata unang ginamit ang salitang "Shet". Natanggal din sa trabaho ang tatay ko, at kinailangan naming lumipat ng bahay para mas mababa ang renta. Ginamit ko uli ang "Shet".

Magmula noon ay bihira nang dumating ang mga regalo. Bumukod na sa amin ang aking mga tita, nag-asawa at tumira sa malayong lugar. Nagkaroon ng bagong trabaho ang tatay ko, pero hindi na ganoon kalaki ang kanyang sinusuweldo. Sabi ko sa sarili ko, paglaki ko, kailangan may pera ako kapag Pasko para maregaluhan ko ang mga inaanak ko. So far, nakakatuwa naman dahil hindi pa ako pumapalya sa pagbibigay ng regalo.

Pumunta kami kahapon ni Joanne sa Divisoria. Baon ko ang limandaang pisong itinabi ko. Limandaan lang naman ang kailangan, dahil karamihan sa mga laruan doon ay hindi tataas ng bente pesos ang halaga. Magaling pang tumawad si Joanne kaya alam kong hindi ako maba-bankrupt pagkatapos ng shopping na iyon.

Bago kami dumating sa Morayta, nadaanan namin ang Sto Domingo Church. Kung hindi ka taga-ibang planeta, alam mo sigurong napakaraming tao ang nakapila doon ngayon, naghihintay ng pagkakataong makita si FPJ sa loob ng kanyang kabaong. Napanood ko sa TV na marami sa nakapila doon ang "inaanak" ni FPJ – ginastusan niya sa pagpapaopera, binilhan niya ng wheel chair, binigyan niya ng trabaho bilang hawi boy o stunt man. Ganoon pala ang nangyayari kapag namamatay ang isang taong maraming inaanak.

Kung maraming tao sa burol ni FPJ, mas maraming tao sa Divisoria. Ngawit na ngawit na ang mga pulis sa kasesenyas kung saan dapat dumaan ang mga kalesa, taxi, jeep, kotse at tao. Multimedia experience ang paglalakad sa mga kalsada dahil bukod sa mga visual delights ay hindi matatakasan ng ilong at tenga mo ang amoy ng kilikili at sigaw ng mga tinderong "Bente na lang, bente! Wala nang singkwenta, wala nang isandaan, bente na lang, bente!". Sabi ko kay Joanne, ganoong ganoon din sa impiyerno, pero may apoy.

Sandali pa lang kaming naglalakad, nakita ko na ang mga regalong gusto kong matanggap noong bata pa ako, at gusto kong ibigay ngayon sa mga inaanak ko. Tinanong ko ang mama kung magkano, at pagkatapos niyang sumagot ay may follow up si Joanne: "Hindi niyo ba kami patatawarin? Marami kaming bibilhin". Sabi ng mama, "Sige, iha. Pinatatawad ko na ang mga kasalanan niyo". Needless to say, sa iba kami bumili.

(itutuloy)

Tuesday, December 07, 2004

Papansin, Birthday kasi

Wish list
1. World peace
2. Gender, class and race equality
3. Pinag-isipang birthday greeting
4. Bagong maong na pantalon
5. CD ni Kitchie Nadal
6. Pasaload. Pangreply sa mga bumabati.
7. Magic: The Gathering dual lands na bayou, taiga, savannah at tropical island
8. Paksiw na pata
9. Kung may hiniram ka sa akin, ibalik mo na please
10. Foot Spa
11. Master's degree
12. CD ng mga pelikula ni Hsu Chi