Sunday, October 10, 2004

Bisyo(n)

May yabang na taglay ang tula, naaalala kong sinasabi ng mga lecturer sa LIRA. May pagmamalaki ito sa harap ng kanyang mambabasang nagsasabing BASAHIN MO AKO.

May yabang din ang makata. Sa pagitan ng kanyang mga taludtod, tila bagang maririnig mong kanyang binibigkas: May sasabihin akong mahalaga sa iyo; danasin mo ang aking bisyon.

Matagal ko nang taglay ang yabang na ganito. Pero ngayong pinag-iisipan ko ang lahat, hindi ko naman napangatawanan ang yabang na iyon. Malapit na nga akong makumbinsing hindi iyon yabang ng makata kundi prepubescent angst.

Si Kristo sa Impiyerno
Allan Popa

Walang alinlangan ang kaniyang mga hakbang.
Nakapaglakad siya sa ibabaw ng tubig.
Hindi siya lulubog sa apoy.

Sa kaniyang paligid, nagsisiksikan sa kumunoy
Ang mga kaluluwang nagpupumiglas
Upang manatili sa ibabaw ang mukha.

Kinakapitan nila ang isa’t isa upang lumutang.
Nilulunod ang kinakapitan.
Ngunit walang sinuman ang nalulunod.

Waring nakadama si Kristo ng pagkalula
Sa alaala ng kaitaasan.

Marahang tumapak siya sa mga ulo
Habang pilit inaabot ng maraming kamay
Ang kanyang laylayan.

Ngunit wala silang mahawakan
Kundi salita.

Napakataas ng pangarap ko nang matanggap ako bilang Creative Writing Major sa Ateneo. Babaguhin ko ang mundo gamit ang aking panulat, sabi ko sa nanay ko habang ipinapaliwanag sa kanya ang ginagawa sa kursong Creative Writing. Kailangan ko siyang kumbinsihing hindi sa engineering o management ang lugar ko. Matapos ang mahabang paliwanagan, hindi niya pa rin ako magets. "Parang journalism yung course na yun, ma," nasabi ko na lang. At pumayag na siyang iyon na nga ang kursong kunin ko.

Simula nang maging Atenista ako, nagbago na ang pagtingin ng mga kapitbahay namin sa akin. Hindi na nila kilala ang Nunoy na kailan lang ay naglalaro ng teks, holen, patintero, tumbang preso, tagu-taguan at agawan base sa maalikabok na espasyong balang araw ay magiging C-5. Wala na silang ibang masabi sa akin kundi "Saan ka nag-aaral noy?" at "Anong course mo?" na sinasagot ko ng "sa Ateneo" at "journalism po".

Manghang mangha sila kapag nakikinuod ako sa kanila ng VHS at natatawa ako sa mga patawa ng mga artistang nag-iIngles. Namimilog ang kanilang mga mata kapag nahuhulaan ko ang susunod na mangyayari sa pelikula. "Napanood mo na ba yan?" itatanong nila. Sinasabi ko na lang na oo, kahit nalaman ko lang naman ang lahat dahil sa pakikinig sa mga dialogue. Kapag pauwi ako galing ng eskuwela, tinatawag nila akong attorney, o kaya mayor at kinakamayan. Pinapatagay nila ako sa kanilang iniinom sabay sabing huwag mo kaming kalilimutan ha? Tulungan mo kami sa mga kaso namin ha? Hanapan mo kami ng trabaho ha?

Isang araw, bumili ako ng Zest-O sa tindahan para may kasama ang piniritong dalagang bukid na uulamin ko. Mahalaga kasi sa akin ang vitamin C dahil nagpapalakas iyon ng resistensiya. Alam ko yun dahil itinuro yun sa akin ng mga guro ko sa paaralan. Nakita ko silang nagkukumpulan sa isang gilid, at tinawag nila ako. Alangan akong lumapit dahil akala ko ay nagka-cara cruz sila. Nag-eeleksiyon pala sila para sa Youth Council. At napagbotohan na nilang ako ang magiging presidente.

Isang araw uli, nilagyan ng mga taga Cavalry Hills Village ng sementong bakod ang daanan ng mga taga Cavalry Compound (ang lugar namin) papunta sa lugar nila. Masyado daw kasing maingay ang mga bata sa amin at wala kaming ginawa kundi pindutin ang mga doorbell nila. Magpa-Pasko na rin noon at magsisimula na kaming mangaroling sa kanila.

Ganoon ang ibinigay na paliwanag sa akin ni Wally, ang aking vice president. Humahangos niya akong sinalubong nang makita niya akong naglalakad pauwi sa amin. Dinagdag niyang hindi man lang kami kinunsulta bago ipinagawa ang pader, na wala na kaming daanan papunta sa pinakamalapit na simbahan, na wala nang dadaanan ang bumbero kapag nagkasunog sa lugar namin.

(itutuloy; masyado na kasing mahaba)