Monday, January 30, 2012

Ang tunay na lalake ay walang abs (At iba pang komento sa pelikulang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story)

Eto ang lagay - matagal na, matagal na matagal na akong hindi nakakakita ng trailer ng pelikulang Pilipino na may barilan, may tino-torture, at umuulan pero walang nag-iiyakan. Ang huli kong napanood na Pinoy action film sa sinehan mismo e yung Anak ng Kumander na starring, directed by, co-written by, theme song performed by at produced by Manny Pacquiao. Ang masasabi ko lang ay...magaling, napakagaling na boksingero ni Pacquiao. Yun lang. Di rin ako makarelate sa lalake sa mga recent na pelikulang Pinoy – lalakeng pinag-aagawan nina Christine Reyes at Anne Curtis dahil ang guwapo niya lang, o lalakeng kabisote na nakaengkanto ng babaeng nasa kalahati ng kanyang edad, o kaya lalakeng nagkaka-amnesia sa isang pelikulang pinamagatang My Amnesia Girl.

Idagdag pa na sina Ely Buendia at Gloc9 ang gumawa ng theme song ng Asiong, tapos may awayan portion pa tungkol sa director’s cut at producer’s cut at may A rating mula sa Cinema Evaluation Board – e di game, tara, panoorin natin ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.

Busy ka ba? Kung oo, sasabihin ko na lang sa yo na panget ang Asiong, pero pangako, magugustuhan mo siya. Kung hindi ka busy, upo ka muna. Ipapaliwanag ko sa yo kung bakit.

Maganda ang timing ng Asiong. Entry siya sa Metro Manila Film Festival, tapos ang mga kasabayan niya e same old same old – UnliShake Rattle and Roll, pelikulang may Kris Aquino at salitang “Mano” sa pamagat, pelikulang may Juday at Ryan Agoncillo, Panday of the Titans, pelikulang may “Enteng” at “Ina Mo” sa pamagat, at kung anu-ano pang shit. Tapos, isipin mo yung mga nagdaang lima, sampung taon. May naaalala ka bang Pinoy action film? May naaalala ka bang pelikulang Pinoy na trailer pa lang e alam mo nang panlalake siya?

Panlalakeng pelikula. Huwag na nating pag-usapan ang pene films nung 70s at ang titilating films gaya ng Talong, Anakan mo Ako at Tag-ulan Noon, Ang Bukid ay Basa. Wag ganun, baka masabihan pa tayong sexist. Isipin mo na lang si Derek Ramsey.

Oo, isipin mo si Derek Ramsey. Nasa tabing dagat siya, tinatanaw si Angelica Panganiban. Tapos tututok kay Derek yung camera, lalapit, malapit na malapit, parang hinihimas ang kanyang balikat, dibdib, abs. Hindi ka sigurado pero parang may nakita kang bumabakat sa suot niyang short.

O isipin mo si Gerald Anderson. Kausap niya si Sarah Geronimo. Sabi ni Sarah, bakit ka ganyan makatingin? Tapos sasabihin ni Gerald, ang ganda mo kasi e. Tapos ngingiti siya, parang biglang nag-slow mo ang camera, tapos tatambling sa kilig si Sarah Geronimo.

Hindi ganyan ang panlalakeng pelikula. Yang mga ganyang pelikula ay yung tipo ng pelikulang napanood mo kasi monthsary niyo ng girlfriend mo at gusto niyang manood ng sine tapos pumayag kang yun na lang ang panoorin kasi mahal mo siya and all that shit. Tapos after a few months, maghihiwalay kayo kasi nagalit siya dahil ayaw mong gamiting profile pic sa Facebook yung picture niyong dalawa na magkayakap nung minsang nagpunta kayo sa Enchanted Kingdom.

Ano na nga bang pinag-uusapan natin?

Sa Asiong, walang Derek Ramsey. Yung mga main characters, malaki ang tiyan. Pati nga si Carla Abellana, malaki ang tiyan dahil buntis. Alam mo na nilagay yung mga artistang yun sa Asiong hindi dahil sa kanilang good looks kundi dahil sa kanilang personality. Dahil dun, pag sinabi mo sa mga kaibigan mo na “Maganda ang Asiong!”, meron kang credibility, di tulad ng mga nagsasabing “Maganda ang Twilight kasi ang guwapo ni Edward Cullen! Like niyo to if you agree!”. Tanginang yan.

Totoo rin yung sinasabi ng ibang reviewers na ang gulo ng kuwento ng Asiong, na parang tumira ng katol yung nag-edit, ganun. Pero okey lang yun. Nagpunta ka sa sinehan para magtext, dumukot sa malalim na lalagyan ng popcorn, lumingon sa magsyotang naghahalikan, magdikit ng bubble gum sa upuan at tumingin sa screen paminsan-minsan kapag lumalakas ang volume kasi may nagbabarilan. Hindi ka nagsine para mabago ang buhay mo. Walang graded recitation pagkatapos ng pelikula. Gusto mo lang maging ikaw at alam mong hindi ikaw si Gerald Anderson at si Coco Martin.

Kaya okey lang kahit sa simula ng pelikula sinuntok ni Roi Vinzon nang 48 times sa mukha si Jorge Ejercito (Asiong) tapos sa susunod na eksena listong-listo na siya at isinama ang tropa para rumesbak. Okey lang na kahit tirador at kutsilyo ang ipinantutok nila bago magsimula ang laban, naratrat ng bala ang mga kalaban nung pumalag sila. Wala tayong problema kahit na nung magkatutukan ng baril, walang hawak na baril yung isang tambay at kamao niya ang ipinantutok niya. Yaan mo na kung bakit hindi pa rin nakakalabas ng Bilibid si Jay Manalo kahit tropa niya lahat ng pulis. Pakelam ba natin kung bakit lumusob sa libing sina Totoy Golem tapos handa sa barilan ang buong pamilya tapos biglang may nakikipagbarilan habang nagbibisekleta.

Magandang panoorin ang Asiong sa sinehan kase maraming nanonood na tunay na lalake. Yun bang nakacargo pants at itim na t-shirt tapos maya’t maya sumisigaw ng “Asioooong!”. Tapos pag may tumunog na cellphone sisigawan nila ng “Pakisagot naman yung telepono o. Busy ako e.” Kapag sinabi ni Asiong na “Simple lang naman ang buhay mo, Fidela e. Alagaan mo ang anak natin, magpaganda ka pa lalo, lagi kang maging malambing...at hintayin mo akong umuwi,” papalakpak sila, tapos papalakpak ka rin, magpapalakpakan kayong lahat, tapos magmamadali kayong umuwi dahil kailangan niyo pang magsaing.

Maraming eksenang beri gud sa Asiong. Kung magaling lang umarte si Jorge at hindi timang yung pagka-edit, pang-first honor yung pelikula e. Halimbawa, ang gandang tingnan ng mga namamatay kapag may aksiyon. Di kagaya ng ibang Pinoy action films na muntanga lang yung mga nababaril (usually nasa mataas na lugar, mangingisay, tapos mahuhulog). Pinakagusto kong namatay yung driver ng kalesa. Bale ang nangyayari, binabaril nina Totoy Golem yung dati nilang tropa na kaaway na nila ngayon. Nakatago siya sa likod nung driver ng kalesa, tapos dahil kontrabida sina Totoy Golem, bumaril pa rin sila kahit may inosenteng matatamaan. E di nasapul yung driver ng kalesa. Tapos ang ganda niyang mamatay. Lumiyad siya nang nakapikit, parang nilalabasan, saka siya humandusay. Tangina, ganun mamatay, mehn. Kung may gagawa ng bagong pelikula tungkol kay Rizal, siya dapat ang kuning artista para maganda yung death scene.

Marami ring magaling umarte. Bilib na bilib ako kay Carla Abellana kasi nahalikan niya nang 48 times si Jorge Ejercito. Kalokohan kapag hindi siya nanalong Best Actress dahil dun. Solid ang supporting cast – as usual magaling si Baron Geisler as himself, mukha talagang kontrabidang masarap pagbabarilin si Jon Regala, at utang na loob naman, gawin niyo nang bida si Ronnie Lazaro. Ang galing-galing nung tao lagi na lang siyang supporting actor sa mga pelikula.

Ang bad news e R13 yung pelikula kaya hindi ka titigasan sa mga love scene. Namputsa naman, mga direktor ng sex scene sa pelikulang Pinoy, andaming nagkalat na sex scandal, panoorin niyo naman para matuto kayo kung paano bumuhay ng hibo ng kalupaan. O kaya hingi kayo ng tips kay Hayden.

Okey na siguro to. Kung di mo pa napapanood, panoorin mo na ang Asiong. “Trak trak na bigas pa ang kakainin” ng Pinoy action film, pero mabuti naman at buhay pa pala siya. Welcome back pare, long time no see.

Pag-ibig, Pagsasalin, Kung Anong Alam Namin sa Gayspeak, at si Louis Althusser

Ang sabi ni Althusser,

I have also, I think, learnt what it is to love: being capable, not of ‘exaggerated’ initiatives, of always going one better, but of being thoughtful in relation to others, respecting their desires, their rhythms, never demanding things but learning to receive and to accept every gift as a surprise, and being capable, in a wholly unassuming way, of giving and of surprising the other person, without the least coercion. To sum it up, it is a question simply of freedom.

Nagmaganda ako na isalin ito nang ganito:

Na-join ko, try lang ha, ang ibig sabihin ng umibig: Ang powers na gumawa, hindi ng mga bonggang-bonggang kachorvahan, na lumevel-up sa iba, kundi powers na hindi maging dedma, rumespeto sa bet ng madlang people, sa kanilang rhythm and blues, hindi demanding kundi acceptance speech sa kanilang gift check nang naloloka, at powers, sa isang paraang hindi feelingera, na magbigay sa at mambigla ng jowa, nang hindi nampo-forced entry. In short, usapin lang ito ng kalayaan, mga kapatid.

Tapos nag-message ako kay Ina, at mas bet ko lang ang version niya:

Knows ko na, in a somekinda winner way, kung ano ang true tungkol sa love: ang gamitin ang powers, hindi para sa pag-perform ng bonggang-bongga, o sa pagkabog sa iba, kungdi sa pag-kereh lang sa bet ng iba, sa kanilang ritmo, at hindi mag-feeling na may k humingi ng kahit na ano, kungdi ang ma-join ang mga regalo bilang sorpresa, nang walang pilitan. In the end, uzapin lang itu ng kalayaan.

Heto naman ang take ni Alwynn Javier:

Noselift ko na, maxipeel ko lang, kung anik talaga ang love: ang makeri, wiz ang pagiging uber-uber o daotera, kundi ang maging mabaitchina sa iba, may R-E-S-P-E-C-T! sa kanilang kaelbagan, sa kanilang rhythmic gymnastics, wa sa pagpapa-GL sa kung anez-anez kundi gibsung lang nang gibsung at shonggap nang shonggap ng mga giftchina nang may gulat-gulatan portion, at makeri mariah keri-jim keri-chiken keri-cash en keri nang wa sa pagka-assumptionista, ang manggibsung at manggulat-gulatan portion din ang ibang utaw, nang wa invite kay Pilita Corrales. Bona-bona lang naman ang ispluk ko, ploka lang itey shungkol sa kalayaan teh.

Heni kowments? Kumusta na kayo mga kapatid?

Kung paano maging isang kalaguyo

"Pinag-iisipan kong sabihin kay Patricia ang tungkol sa atin."

Huwag kang maniwala. Magtanong: "Anong sasabihin mo?"

Kumpiyansiya siyang magpapatuloy: "Parang ganito, 'Pat, may sasabihin ako sa yo.'"

"Tapos ililipat niya sa iyo ang kanyang tingin mula sa kanyang maletang puno ng papeles at sasabihing: 'Hmmmmmm?'"

"Tapos sasabihin ko, 'Pat, tingin ko nagkakagusto na ako sa iba, at sigurado akong nagse-sex na kami.'"

"Tapos sasabihin niya, 'Diyos ko, ano uli yung sinabi mo?'"

"Tapos sasabihin ko: 'Sex.'"

"Tapos magsisimula siyang humagulhol. Ano ngayon ang gagawin mo?"

Katahimikan, katulad ng hindi gumagalaw na buwan. Babaguhin niya ang posisyon ng kanyang mga binti, parang nalilito. "Sasabihin ko...nagbibiro lang ako." Pinipisil niya ang kamay mo.

-Salin ng isang sipi mula sa maikling kuwentong "How to be an other woman" ni Lorrie Moore

15 bagay na nakakabadtrip

Dahil tinag ako ni kael at nabasa ko rin yung ginawa ni vlad.

1. Yung pag papara ka sa taxi tapos may nakasakay na pala tapos titingnan ka nung nakasakay.

2. Yung pagkatapos mong pumara ng taxi tapos may nakasakay na pala tapos titingnan ka nung nakasakay, may darating na isang bakanteng taxi tapos andaming arte at kung anu-ano pang shit nung driver.

3. Yung magsiyotang naglalampungan sa daan tapos mauunahan ka pang sumakay ng taxi.

4. Yung lamok na pinatay mo sa loob ng taxi tapos pag bukas mo ng palad mo buhay pa pala tapos lilipad at hindi mo na mahuhuli.

5. Yung radio station ng isang religious group na pinakikinggan nung driver ng taxi.

6. Yung kakausapin ka ng taxi driver tungkol sa relihiyon habang nakikinig siya sa radio station ng isang religious group.

7. Yung makakatulog ka sa taxi tapos mauuntog ka sa salamin. 8. Yung hindi marunong magmaniobra kaya antagal tagal bago makausad yung sinasakyan mong taxi.

9. Yung sasabihin ng taxi driver na may iba siyang alam na daan tapos mas matrapik pa pala dun.

10. Yung masisiraan yung sinasakyan mong taxi tapos magpapatulong sa yong magtulak ang driver.

11. Yung pagkatapos mong makitulak sa taxi, sasabihin ng driver na sira talaga ang makina tapos kailangan mong sumakay sa ibang taxi.

12. Yung sa wakas may dumating na ibang taxi pero airport taxi pala at 70 pesos ang flag down rate at 4 pesos per kilometer ang patak ng metro at wala kang choice kundi sumakay sa taxi na yun dahil gusto mo nang umuwi.

13. Yung malapit na sa bahay mo yung taxi tapos uulan at maaalala mong naiwan mo pala ang payong sa opisina.

14. Yung wala raw panukli ang driver ng taxi kaya mapipilitan kang magbigay ng 60 pesos na tip.

15. Yung sa wakas nakaupo ka na sa sala tapos mapapansin mong naiwan mo pala ang cellphone mo sa taxi.

Tuesday, August 17, 2010

Panuto para sa reaksiyong papel sa Walang Sugat

1. Dalawang pahinang reaksiyong papel ang kailangan niyong ipasa sa susunod nating pagkikita sa ika-24 ng Agosto (wala tayong klase sa ika-19 dahil Quezon City Day).

2. Huwag kalimutan ang tamang format na nakasaad sa ating syllabus: ang pinapayagang font, ang tamang margin, ang kulay at haba ng papel, etc. Ilagay ang PPSG sa itaas ng papel.

3. Tandaang reaksiyong papel ang ipapasa niyo. Mula ito sa salitang Griyegong "reaksiyon" at "papel" na ang ibig sabihin ay "papel tungkol sa iyong reaksiyon". Hindi ako humihingi ng kuwentong buhay, pagsusuri o dance interpretation. Reaksiyon lamang ang inyong ilalagay, kasama na ang paliwanag kung saan nanggagaling ang inyong reaksiyon (paliwanag kung bakit ganoon ang iyong naging reaksiyon).

4. Maglagay ng angkop at malikhaing pamagat sa inyong papel. Bawal ang mga pamagat na "Reaksiyong Papel", "Walang Sugat", "Reaksiyon sa Walang Sugat" at iba pang nakakabobong shiznitz na pamagat.

Pag-uusapan natin ang dula kapag nagkita na tayo uli sa Martes. Pagkatapos, itutuloy natin ang pag-uusap tungkol sa Postmodernong kuwento at Postkolonyal na tula. Ayos?

Labels: , ,

Friday, October 23, 2009

Stuck on you

I've got this feeling down
Deep in my soul
That I just can't lose

Guess I'm on my way

Needed a friend
And the way I feel now I guess
I'll be with you till the end

Guess Im on my way

I'm stuck on you
Been a fool too long I guess
It's time for me to come on home

Guess I'm on my way

So hard to see
That a woman like you could wait
Around for a man like me

Guess I'm on my way

Mighty glad you stayed

Oh, Im leaving on that midnight train tomorrow

And I know just where I'm going

I've packed up my troubles

And I've thrown them all away

Because this time little darlin'

I'm coming home to stay

Akosiyol. Ikaw?

Labels:

Sunday, July 12, 2009

Labinlimang libro

Don't take too long to think about it. 15 books you've read that will always stick with you. First 15 you can recall in no more than 15 minutes. Tag 15 friends, including me because I'm interested in seeing what books my friends choose.

Dahil tinaya ako ng mga tao, heto:

1. Mga Kuwento sa Bibliya. Baka meron ka rin nito nung bata ka: hardcover na brown, may scarlet na titik na nagsasabing: Mga kuwento sa Bibliya. Tapos may mga painting, maraming painting, ng mga taong mabuti, masama, iba-ibang klaseng tao, basta tao, saka si Jesus, na tao rin naman. Nilalagay ko ang librong to sa likod ko kapag nanonood ng nakakatakot na pelikula, gaya ng Tiyanak starring Janice De Belen, at Impaktita starring Jean Garcia. Namimiss ko na yun, yung panahong puwede kang maglagay ng libro sa likod mo tapos okey ka na, okey ka na.

2. The Adventures of Tintin ni Herge. Nung grade four ako, first day ng klase, hinampas ako ni Lester, yung katabi ko. At dahil dun hinampas ko siya nang dalawang beses. Tapos hinampas niya ako nang tatlong beses. Di hinampas ko siya nang apat na beses. Mga nasa paligid ng 48 na beses ang hampasan namin nang biglang lumapit si Mrs. Meniano. Sabi niya sa akin, anong pangalan mo? Sabi ko, Yolando po. Tapos sabi niya, Yolando, dahil palaaway ka, ililipat kita sa section 2.

Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung bakit si Lester, hindi inilipat. E siya naman ang nanguna. Anyway, pagdating ko sa section 2 sabi ko magsisisi ka Mrs. Meniano. Tapos ginalingan ko, hanggang makabalik ako sa section 1 nung grade 5. Naging teacher ko si Mrs. Arevalo. Astig siya, di katulad ni Mrs. Meniano. Sabi ni Mrs. Arevalo sa akin isang araw, dahil mahilig kang magbasa, ipahihiram ko sa yo ang mga librong The Adventures of Tintin ng anak ko. At ayun, dun nagsimula ang espesyal na pagkakaibigan namin ni Mrs. Arevalo. Pupuntahan ko siya sa bahay nila para manghiram ng susunod na volume ng The Adventures of Tintin, bibigyan niya ako ng peanut butter sandwich. Minsan nung birthday ko binigyan niya ako ng relo, yung nag-titititit kapag pinindot mo, ganun, at nilibre niya ako ng siopao bola bola sa isang chinese restaurant. Mabait talaga yun, si Mrs. Arevalo, di tulad ni Mrs. Meniano.

3. Mga Librong Choose Your Own Adventure. Isang araw, habang naglalaro kami ng basketball ng mga kaibigan ko, inihagis ko ang bola papunta sa goal. Hindi ko alam kung bakit, pero pagkahagis ko ng bola pumadyak ang kaliwang paa ko patalikod. Tapos sabi ni Bogol, tingnan niyo si Nunoy, parang bakla mag-shoot ng bola, hahahaha! Tapos ewan ko ba, tuwing ihahagis ko ang bola papunta sa goal laging pumapadyak ang kaliwang paa ko patalikod. Sabi tangina ayoko nang magbasketball, magbabasa na lang ako ng libro.

Kaya pagkauwi ko ng eskuwela, pumunta ako sa Booksale sa may Guadalupe, para maghanap ng mababasa. Tapos may nakita akong libro na may mga panuto kung aling pahina ang dapat mong basahin depende sa kung anong gusto mong mangyari. Sabi ko, astig, mas astig kesa basketball. Kaya bumili ako ng tatlo. At tatlo pa uli pagkaraan ng ilang araw. Hanggang sa hindi ko na mabilang kung ilang Choose Your Own Adventure na libro na ang meron ako. Meron pang ibang version ng ganitong libro, yung kailangan may 6-sided dice ka dahil nakadepende sa die roll kung saang pahina ka susunod na magbabasa. Hindi ko na maalala ang pangalan ng series, pero naaalala kong may mga ganung klase ng libro ang kuya ni Maricar Reyes, nakita ko nung pumunta kami sa bahay nila para gumawa ng group project...teka, ibang kuwento na pala yun.

4. Cubao Midnight Express: Mga Pusong Nadiskaril sa Mahabang Riles ng Pag-ibig. Seryoso pare, hindi mo ba babasahin ang aklat na may ganyang pamagat?

5. The Right Way to Play Chess ni Imre Konig. Sabi ni Marvin sa akin dati, meron daw Bundok ng Sierra Pipoy. Dito daw itinatapon ng SM ang mga laruang hindi nabili, dahil may kaunting damage o kaya nadumihan ang lalagyan kaya hindi na maibenta. Sabi ko okey lang kahit may damage, o madumi ang lalagyan, laruan pa rin yun. Kaya isang araw niyaya ko si Ryan na hanapin sa Fort Bonifacio ang Bundok ng Sierra Pipoy. Hindi namin maintindihan kung bakit ayaw sumama ni Marvin.

Marami kaming nakitang basurahan, pero hindi namin nahanap ang Bundok ng Sierra Pipoy. Pero may nakita naman kaming isang tambak ng pinagbalatan ng bawang, na may mga bawang pang puwedeng ipanggisa kung maghahanap ka nang mabuti. Nakapuno kami ni Ryan ng tatlong plastik ng ice candy. Dun sa tambakan na yun ko rin nakita ang librong The Right Way to Play Chess.

Pagdating ko sa bahay, hindi ako pinalo ng nanay ko kasi may dala akong bawang. Tapos kumuha ako ng folder, drinowingan ko ng grid. Kumuha ako ng butones at sinulatan ko ng mga titik (K=King, Q=Queen, R=Rook, etc.). Basta, ginaya ko lang yung nabasa ko sa libro. At yun ang araw na tinuruan ko ang sarili kong mag-chess.

6. Norwegian Wood ni Haruki Murakami. Ewan, nakakarelate lang talaga ako sa mga kuwento ng mga lalaking gustong-gusto ang babaeng maganda, kahit hindi naman sila mahal ng babaeng yun. Hindi ako sigurado kung tama ang pagkaalala ko sa kuwento ng Norwegian Wood pero basta, sigurado akong pagkabasa ko nun, sabi ko, gusto ko ng babaeng maganda, kahit hindi ako mahal.

7. New X-Men TPBs ni Grant Morrison. Bago ako magpaliwanag kung bakit gusto ko to, sasabihin ko munang di ko talaga trip yung pelikulang Batman kung saan bakat ang utong ng bida. Basta, kahit hindi kunektado gusto kong sabihin yun.

Anyway. Kilala mo ba si Cyclops? Oo, siya nga yun. May girlfriend siyang telepath. Tapos pagkamatay ng gf niyang yun, telepath uli ang magiging gf niya. Masama dati yung bago niyang gf, pero bumait nung naging sila. Tanong: Ano kayang ginagawa ng Cyclops na ito at hindi siya iniiwan ng mga babaeng nababasa ang isip niya? May sasabihin ako sa yong sekreto: Naiinggit ako kay Cyclops. Gusto kong maramdaman kung paano mahalin for what I am, for simply being me.

8. Prosang Itim ni Mike Bigornia. Mostly dahil sa mga piyesang ito: Banal na Oras, Pag-asa, Nang Mauso ang Magmakata. Hindi mo pa nababasa ang Prosang Itim? Baliw ka ba?

9. Sandman ni Neil Gaiman. Alam mo na to, nangyari na sa yo to: estudyante ka pa lang, wala ka pang trabaho, lahat ng panggastos mo iniaasa mo sa magulang mo. Tapos isang araw, sabi mo, pag nagkatrabaho na ako, bibili ako nito o niyan, pupunta ako doon o diyan. Yung Sandman series ang ganun ko. Sabi ko, pucha pag nagkatrabaho talaga ako bibilhin ko lahat ng librong Sandman. Oo, pucha, kahit yung Endless Nights na mukhang pahabol na raket lang bibilhin ko. Kaya ayun, nang magkatrabaho ako, binili ko nang pakonti-konti ang mga TPB. Sa booksale sa UP.

10. Magic: The Gathering Fifth Edition Rule Book. Payo ng isang kaibigan nung high school pa ako: Alam mo yun, hindi ka magaling magbasketball, hindi ka rin naman first honor, tapos ayaw mawala ng pimples mo. E di maglaro ka ng Magic: The Gathering.

11. Hulagpos. Sa mga hindi nakakaalam: ito ang textbook ng Fil 11 sa Ateneo. Apat na klase sa Fil 11 ang tinuturuan ko ngayon, medyo nakakapagod. Bad trip pa kasi yung magkasunod kong klase kapag TTH, parehong sa B209. Kaya kapag may pumasok nang maaga dun sa 2nd class, naririnig na nila ang mga jokes ko. Kailangan ko pa tuloy mag-isip ng bago.

Panawagan: Kung ikaw ang humiram ng Hulagpos ko, pakibalik naman, please. Kailangan ko na talaga siya.

12. Representation ed Stuart Hall. Pangako, maganda ang paliwanag, pero boring kung hindi ka lit major. Saka na lang natin pag-usapan. Basta, trip ko ang librong ito. Pinaxerox ko nga e. Alam mo yun, yung xerox na sasabihin mo sa xerox lady: pakibind na rin po at paki-colored xerox ang cover para mukha talaga siyang libro. Ganung xerox pare. Mabuhay ang edukasyon sa 3rd world!

13. The Wholly Trinity. Dahil dito lumabas ang pinakaunang tulang naisulat ko nung college. Wag ka nang magkumento, hayaan mo na lang akong mag-share.

Binibini
Yol Jamendang

Ang ganda mo.

Inantay ko ng matagal
ang pagbayad mo
kasi, gusto kong ako
ang mag-abot nito.

Para naman mahawakan ko
kahit man lang daliri mo.

Kaya nang sa wakas
ay igalaw mo
ang mapuputing braso,
pagkakataon na, akala ko.

Mangungulangot ka lang pala.

Nang muling sulyapan kita
ay sumundot-sundot
at dumudukot-dukot ka

sa iyong bulsa.

Miss, kapag nagbayad ka,
tulog ako--

Ipaabot mo na lang sa iba.

14. Harry Potter Series ni JK Rowling, The Alchemist et al ni Paolo Coelho, ABNKKBSNPLAKo et al ni Bob Ong, etc. Alam mo pare, may mga libro akong binasa dahil alam kong maraming chicks ang nagbabasa nun. Hindi ko na uulitin yun.

15. Hans Christian Andersen: The Complete Fairy Tales. Dahil naniniwala akong may happy ending. Na lahat ng pinagdadaanan ko ngayon, malalampasan ko rin. Aayos din ang lahat. Maganda pa ang mundo. Marami pang mabuting tao. May tunay na pag-ibig. Somewhere out there. Out where dreams come true.

Sunday, June 07, 2009

Belat.

May bago na akong blog. Kung gusto mo talagang mabasa, hanapin mo. (paespesyal?)

Monday, May 11, 2009

Hay!Men! Ang daming galit sa atin!

Kung ako ang tatanungin? Sexist at homophobic ang blog namin. Oo naman. Tumpak. Korek. Trulalu.

Sexist at homophobic ba kami at ang mga mambabasa namin? Yun ang mahirap sagutin.

In the first place, problematiko ang mga salitang sexist/homophobic/macho/misogynist. Masyadong simplistiko at mapaglahat. Bulag sa iba pang dimensiyon ng identidad, at may pagpapalagay na solido at walang kontradiksiyon sa personalidad ng bawat indibidwal. Hops, hindi ko sinasabing walang bisa ang mga terminolohiyang yan. Ang ibig kong sabihin: panahon na para pag-isipang muli ang mga terminolohiyang yan. Dagdagan kung kinakailangan.

Halimbawa: galit ako sa mga babaeng walang ginawa kundi bumili ng damit at uminom ng kape at magpunta sa gym at magbilad sa beach. Galit ako sa mga baklang gumagastos ng libu-libong piso para magdisenyo ng Christmas tree na ipakikita sa mga host ng lifestyle channel. Kung pagiging sexist at homophobic ang tawag dun, sure, sige, uhuh, sexist at homophobic ako.

Halimbawa: hindi ako palaging ganun. Kapag nakakita ako ng babaeng walang ginawa kundi bumili ng damit at uminom ng kape at magpunta sa gym at magbilad sa beach, baka mahalin ko siya sa iilang minutong nakikita ko siya. Siguro ilang minuto pa pag-uwi ko sa bahay. Kung may makakuwentuhan akong baklang gumagastos ng libu-libong piso para magdisenyo ng Christmas tree na ipakikita sa mga host ng lifestyle channel na mahilig din pala kay Haruki Murakami o kaya sa X-men, baka ituring ko siyang matalik na kaibigan sa iilang minutong magkausap kami. Nagsusulat ako ng thesis ngayon tungkol sa kasarian. Sa klase, itinuturo ko ang pemenismo at queer theory. Sinasagot ko ang tatay ko pag inaapi niya ang nanay ko. Niyayakap ko ang mga kaibigan kong bading kapag sa wakas ay nakitang muli.

Ito ang problema ko sa peminismo at queer theory: Mahal ko ang mga nagturo nito sa akin. Pinaunlad ng mga teoriyang ito ang pagkatao ko. Sa mga klase, nahihiya ako sa pagiging lalaki ko kapag pinag-uusapan namin ang pagkaapi at pagkasantabi ng mga babae at bakla sa lipunan. Pero hindi ako lubusang nasangkot. Hindi ko kasi nakita nang malinaw ang konek ng mga identidad na tinalakay sa sarili kong karanasan bilang lalaking heterosekswal. Bilang isang panganay na anak na lalaki. Bilang isang junior. Bilang isang (ex)boyfriend. Bilang isang lalaking estudyante at guro ng panitikan at kulturang Pilipino. Bilang isang Juan de la Cruz.

Hindi kasi ako babae. Hindi rin ako bakla. At sa tingin ko, kahit ilang libro pa ang basahin ko tungkol sa teoriyang pangkasarian, hindi ko kailanman talagang mauunawaan kung paano maging babae o bakla. Sa tingin ko rin: hindi kailanman lubusang mauunawaan ng babae at bakla kung paano maging lalaki.

Sa Pilipinas, bago lang itong pag-iisip ng lalaki tungkol sa lalaki, para sa lalaki. Karamihan sa mga aklat tungkol sa lalaki, isinulat ng babae o bakla. Para sa akin, mapapayaman ang pagtatalakay at pag-unawa sa lipunang Pilipino kung maidaragdag ang punto de bista ng mga lalaki sa usapin ng kasarian.

Ito ang dahilan kung bakit interesante para sa akin ang Hay!Men! Bagamat napakaraming problema ng blog na ito, nabibigyang diin rin ang ilang mahalagang bagay (na sa totoo lang, sinabi na ng ilang pemenista at queer theorist) na nalilimutan ng maraming "peminista" at "queer theorist".

1. Maraming klase ng lalaki, katulad ng maraming klase ng babae, bakla at lesbian. Nagiging malinaw ito kapag sumalikop ang kasarian sa iba pang aspekto ng identidad. May lalaking lower class, middle class, upper class, kristiyano, muslim, pilipino, intsik, bosconian, bata, matanda, emo, etc. at may hirarkiya ang mga uri ng pagkalalaking ito, depende sa konteksto. Para mapanatili ang hirarkiya, kailangang igiit ang pagpapahalaga, para mawasak ang hirarkiya, kailangang kontrahin ang pagpapahalaga ng dominanteng uri (middle class: huwag kang sexist, huwag kang dugyot, sumunod ka sa batas; lower class: pakshet kang putangina mo, adik ako, gugulpihin ko ang asawa ko. May matutuhan tayong lahat sa BASTOS, lalo na kung lalampasan natin ang mga ngayo'y komportable at dominanteng paliwanag na natutuhan natin sa mga paaralan.)Ang usaping pangkasarian ay hindi lang tungkol sa kasarian. Bastos kami? Bastos kami sa inyong mga nakapag-aral. Bastos kami sa inyong nakababad sa mga dominanteng institusyon. Oo, inaamin kong may problema ang ginagawa namin pero may problema rin ang simplistikong pagbasa niyo sa amin. Mag-usap kaya tayo?
2. Sabi ni John Fiske: Popular culture contradicts itself. Sabi ko: Masculinity contradicts itself. May mga entry na progresibo, may mga entry na regrisibo; may mga entry na progresibo pero binasa bilang regresibo, may mga entry na regresibo pero binasa bilang progresibo; progresibo kahapon, regresibo ngayon, progresibo bukas; regresibo sa iba, progresibo sa iba, ano ba talaga koya
3. Kailangan ng mga bagong kategorya para pangalanan ang karanasan sa panahon ngayon na lalong tinatarget ng konsumerismo ang lalaki (axe, high endurance, fix hair gel, clear for men, metrosexual, FHM), may mga bagong papel ang lalaki (ang tatay na naiwan sa bahay ng asawang OFW), nagiging objectified ang lalaki (bench models), etc. Sa Hay!Men!, may mga "bagong" kategorya: tunay na lalake, di tunay na lalake, under consideration. Pansinin na anumang kategorya ka timbangin, lagi kang kulang. O lalaki, tinimbang ka ng kapitalismo, kulang ka. Tinimbang ka ng pemenismo at queer theory, kulang ka. Pati ba naman sa kapwa mo lalaki, kulang ka pa rin?
4. Imposible (pantasya? Pangarap? Ideyal?) ang hinihingi ng lahat ng front sa lalaki, kaya kailangan niya talagang pumili at maging inconsistent para hindi siya mabaliw. Sa peer pressure ba? Sa pemenismo at queer theory ba? Sa kapitalismo ba? Depende sa kanyang espesipisidad, pero usually damaging at offensive ang napipili niyang response. Ang mungkahi ko: ituring ang Hay!Men! bilang sintomas ng mas makapangyarihang mga puwersa o institusyon. Huwag ipapasan ang daigdig sa blog na ito, tingnan ang mga estrukturang dahilan kung bakit posible at nakakaaliw ang blog na ganito, kahit damaging at offensive. Para naman madagdagan ang pagpipilian ng mga lalaki.

Sino na nga ba ang nagsabing bentang benta ang mga bagay na bastos sa Pilipinas dahil ang bastos bastos lang talaga ng mga nangyayari sa bansang ito? Sinungaling ang presidente, ang daming namamatay sa gutom, walang teksbuk at klasrum ang mga estudyante, gustong maging kongresman ng isang boksingero…alam mo na ito. Alam mong hindi tama ito. Alam mong mas bastos pa ang mga ito kaysa sa kahit anong DVD na mabibili mo sa iyong suking pirata. Alam mong wala nang babastos pa dito dahil TOTOONG NANGYAYARI ANG MGA ITO. Ano kayang konek ng blog namin dun? Hindi ko pa alam ngayon. Gusto ko pang obserbahan ang tunaynalalake blog. Sana huwag muna siyang mamatay.

Yun muna siguro. Sa mga nag-iisip tungkol sa Hay!Men!, gusto ko kayong makakuwentuhan. Siguro kapag hindi na mainit ang ulo niyo.

Friday, April 24, 2009

Dito ang tambayan ng mga tunay na lalake.