Alamat
Noong bata ako, paborito kong libangan ang magbuhos ng mainit na Milo sa mga natutulog na pusa. Hahahaha! Tawa ako nang tawa sa tuwing makikita kong tumatalon ang pusa bago tumakbo palayo. Hahahahaha! sabi ko. Tapos isang araw, binuhusan ko ng Milo ang pusa nina Tata Ote. Hindi naman natutulog yung pusa, pero wala kasi akong mahanap na natutulog na pusa kaya sa kanya ko na lang ibinuhos yung Milo ko.
Imbes na tumakbo, sinigawan ako ng pusa nina Tata Ote. Sabi niya, Hangal! Talipandas! Busabos! Writer! Animal ka, hayop! At dahil diyan isusumpa kita! Magiging konduktor ka ng jeep! Tapos kumulog at kumidlat, at nakita ko si Kokey at ang betlog ni Dennis Trillo at umiyak ako.
At magmula noon, sa tuwing sumasakay ako ng jeep, lagi akong napapaupo sa ikalawa o ikatlong upuang pinakamalapit sa driver. Kung karaniwang tao ang napupunta sa upuang iyon, bigla siyang nagiging matandang hukluban at nakakatulog. O kaya makakatanggap siya ng text mula sa SMART (kahit Globe subscriber siya) at kakailanganin niyang tumingin sa selepono niya. O kaya bigla siyang magkakaroon ng kargang baby o groceries. Minsan naman, biglang lilitaw ang girlfriend niya at matutulog sa kanyang kandungan. Ganoon ang nangyayari sa lahat ng nasa harap ko kapag sumasakay ako sa jeep. At dahil doon walang ibang mag-aabot ng bayad sa driver kundi ako.
Hindi ko pinipili ang pagpunta sa upuang yun. Kusa akong dinadala ng paa ko doon. Kahit nakaupo sa dulo ng jeep si Cindy Kurleto o nakasabit siya, hindi ko siya magagawang tabihan. Painumin mo ako ng Ativan at ihagis sa loob ng jeep, doon at doon sa upuang iyon ako babagsak. Kahit puno na ang jeep at sumakay ako, mahahawan ang landas patungo sa upuang iyon. Ang jeep na pituhan, magiging waluhan. Ang jeep na waluhan, magiging siyaman. Nakaguhit sa palad ng paa ko na dalhin ako malapit sa driver.
At kapag nakaupo na ako, magsisimula nang magbayad ang mga pasahero. Una si Passenger 4, right center. Tapos si Passenger 1, left corner. Tapos si Passenger 2, left side. And so on. Basta yung tatlong iyon ang laging nauuna. At isa-isa silang nagbabayad, hindi sabay-sabay para isang abutan lang. Laging isa-isa.
Kusang lumalapit ang kamay ko sa nagsabing "Bayad po!". Ganoon rin ang nangyayari kapag sinabi ng driver ang "Sukli o!". Kapag pinipigilan ko ang kamay ko, sumasabog ang Glorietta o kaya ang Batasan o kaya tumataas ang pamasahe. Ang pinakamalala na yatang nangyari ay yung nangyaring dayaan sa eleksiyon. Yung meningococemia at SARS scare? Kasalanan ko yun. Sorry.
Kung sino man sa inyo ang nakakakita sa pusa nina Tata Ote, sabihin niyo naman sa akin. Hirap na hirap na ako. At marami nang nadadamay. Gusto ko na siyang kausapin para mawala na ang kanyang sumpa. Ganito ang kanyang hitsura:
Siyang yung mababa. Kasama niya rito yung pusa nina Aling Buding. Kung hindi siya makikinig sa pakiusap ko, nakahanda akong labanan siya, hanggang kamatayan.
8 Comments:
love it sir! hahaha.. btw, san niyo po nakuha ung pic?? hahaha.. ang funny! (^^,)
kaya pala di na tumangkad dahil binuhusan mo ng Milo.
Tsk tsk tsk...
anon: ninakaw ko ang larawang iyan sa aklatan ng isang mangkukulam sa pateros. nahuli niya ako, at ginawa niya akong isang bagyo. nakalaya lang ako nang lumabas si ethel booba sa bahay ni kuya.
isma: hindi pala totoo yung sabi ng milo na "growing up with olympic energy/growing up with milo!"
hahaha.. nice one sir!
nakakaaliw po talaga kayo. napapatawa ako nito. bihira lang akong matawa sa mga blogs na nababasa ko pero kakaiba kayo. malaman ang mga sinusulat nyo. habang tumatagal ang pagbabasa ko, lalong sumasarap. mahusay. maligayang pasko po :) -- AILEEN
aba, salamat aileen. pinasaya mo ang araw ko.
grabe naman.. pati sars? nyahahah. kaw kasi eh.. haha.
ok lang po iyan.. kapag nakita ko yung pusa, paliliguan ko para matuwa naman. hehe.
haha. lupet. maksci ka po pala. yesss, mga taong maksci nga nmn. mga magagaling. ^^
Post a Comment
<< Home