Kilala mo ba si Aaron?
Si Aaron, yung madalas na number 1 sa mga phone book ng cellphone dahil sa spelling ng pangalan niya. Si Aaron na tumatanggap ng hindi bababa sa tatlong wrong send araw-araw, si Aaron na madalas maubusan ng load sa kapo-forward pabalik ng mga message na hindi talaga para sa kanya. Si Aaron na nagpapatay ng cellphone sa gabi dahil nagsasawa na sa pagtanggap sa mga forwarded na erap jokes, hello garci jokes, boy bastos jokes. Si Aaron na may kuleksiyon ng pinakamalulufet at heart warming na birthday greetings, christmas greetings, happy new year greetings, valentine's day greetings, mother's day greetings, father's day greetings. Si Aaron na alam na nagtetext ka sa gelpren mo ng "mis me na u", "gud am baby!", "namimis ko na ang marahang pagdampi ng suso mo sa dibdib ko". Si Aaron na minsan mong napadalhan ng "bhay na ako". Si Aaron na hindi makatulog nang mabasang "kapag iniwan mo ako, magpapakamatay ako!". Oo, si Aaron. Kilala mo ba siya?
Pinapasabi niyang natutuwa siya sa mga taong gumawa ng entry na aaaa.sweetheart, aaaa.honey, aaaa.pag-ibig ko, aaaa.mahal ko sa kanilang mga phone book. Pinapasabi niyang okey yun, para mabilis mahanap ang pangalan ng kanilang mga boypren at gelpren kapag pinipindot ang add recipient. Gusto niya lang magbigay ng babala. Pinapasabi niyang delikado raw ang ganun, kasi kapag nakikipaglandian ka sa ibang girl/boy/bakla/tomboy/baboy may panganib na sa sweetheart/honey/pag-ibig ko/mahal ko maipadala ang iyong message. Lalo na kapag nagmamadali kang magtext dahil nasa mrt o lrt o jeep o fx ka. Lalo na kapag nagmamadali ka sa pagtext dahil marami kang katext. Lalo na kapag nagmamadali kang magtext dahil baka mahuli ka ng gelpren o boypren mo na nakikipaglandian sa ibang girl/boy/bakla/tomboy/baboy habang kasama siya. Pinapasabi niyang mas okey daw kung aaaa.my number ang gagawin mong number 1 entry sa phone book mo. Para kapag na-wrong send ka, ikaw rin ang tatanggap ng message mo. Para kapag nalimutan mong mag-keypad lock at aksidenteng napindot ang call button, number mo ang tatawagan. Dahil busy ang number mo, hindi papasok ang tawag. Hindi mababawasan ang load mo. Hindi mababawasan ang maintaining balance mo kaya puwede ka pa ring mag-unlimitext. Walang aksidenteng makaririnig sa tawanan/ungol/schlockschlockschlock habang nakikipaglandian ka sa ibang girl/boy/bakla/tomboy/baboy. Walang hindi naman dapat ipaliwanang na kailangan pang ipaliwanag.
Pinapasabi rin ni Aaron na maganda rin kung ganoon ang gagawin mo sa email. Gumawa ka raw ng entry sa addresses mo na ang pangalan ay aaaaaaaaa. Tapos lagyan mo raw ng pekeng e-mail address, yung alam mong hindi totoo. O kaya huwag mong lagyan ng e-mail address. Basta ilagay mo lang, aaaaaaa. Pinapasabi niyang okey raw ang ganito dahil may mga virus na ipinapadala ang sarili sa mga contact na nasa address book mo. Nagsisimula raw ang mga virus na ito sa pinakaunang contact sa address book mo. Kung aaaaaaaa ang unang entry sa address book mo, walang mangyayari sa virus kundi ERROR ERROR ERROR ERROR ERROR ERROR. Walang makatatanggap ng check out these nude pictures! Walang makapagbubukas ng enlarge your penis size! Try our new vibrators! Congratulations, you won the lottery! Imma bitch-slap you tonight! You are special! You are special! You are special! You are special!
Pinapasabi ni Aaron. Kilala mo ba siya?
6 Comments:
uu yol kilala ko cya...cute at kasing fafahble cya ng kuya nyang c nick carter =) haaayz... sana gumawa cya ng bagong single =(
ahahahay! Si aaron nga!
grabe :)) ako rin. aaron yung unang pangalan sa phonebook ko :))
oi yol kulang ka..dapat girl-boy-bakla-tomboy-butiki-baboy..buwahahhaha..miss yah!
sir, ako po si Aaron, estudyante n'yo sa Fil 11 L
haha
wish you were my prof, too!
your blog sort of picks me up, ugh, CHEESY. haha
there!
Post a Comment
<< Home