Monday, September 27, 2004

Dahil hindi ito blog entry, totoong buhay ito

Hello, hello, my name is Luis
Let's have fun
Learning English 2x
-Kuya Bodjie, sa Epol Apple

Isang gabi, nakita ko si Kuya Bodjie, umiiyak sa teleseryeng It Might Be You. Kilala niyo si Kuya Bodjie di ba? Kilala niyo si Kuya Bodjie – siya'y isa sa kapitbahay/kapitbahay, ninyo./ Siya ay kapitbahay/na laging handa/laging handang, tumulong sa inyo.

Kilala ko rin si Kuya Bodjie. Hindi niya ko maloloko kahit nagsuot siya ng salamin, kahit umiiyak siya, alam kong siya si Kuya Bodjie. Siya yung lumalapit at lumalayo sa akin habang nagsasabing "malapit" at "malayo" para malaman ko ang kaibahan ng dalawang salita. Siya yung nagkuwento sa akin tungkol sa karera ng pagong at kuneho. Siya yung kasama ni Kiko Matsing na nagpayo kay Pong Pagong na kumain ng prutas gaya ng saging para hindi siya maging matamlay. Siya yung kasama ni Ate Siennang magpahula kay Manang Bola. Kilala ko si Kuya Bodjie at si Kuya Bodjie yung umiiyak sa teleseryeng It Might Be You.

Kilala din siya ng kapatid ko. Siya si Luis, yung kumakanta palagi sa Epol Apple. Umiiyak daw si Luis, sabi ng kapatid ko. Tapos tumawa siya nang tumawa.

Kilala din ng nanay ko si Kuya Bodjie. Siya yung nagtuturo ng isa dalawa tatlo apat lima anim pito walo siyam sampu nang hindi namamalo. May visual aids pa. Pero hindi niya narinig ang kapatid kong nagkukuwento, tumatawa dahil umiiyak daw si Luis. Sinaway niya ang kapatid ko, huwag daw sasabat ang kapatid ko pag nagkukuwento ang matanda kung hindi ay papaluin siya ng isang walis tambo. Dalawang walis tambo. Tatlong walis tambo. Apat na walis tambo. Limang walis tambo. Anim na walis tambo. Pitong walis tambo. Walong walis tambo. Siyam na walis tambo. Sampung walis tambo. Tapos ibinalita ng nanay ko ang nakita niya sa Kodak Express sa Guadalupe. Nagwawala daw yung ale sa Kodak Express, sabi ng nanay ko. Sumisigaw daw siya ng "Mga putang ina ninyo, sinira niyo ang mga ala-ala ng kasal ko!". Nagpadevelop daw kasi ng film yung ale sa Kodak Express kaya lang exposed na yung film niya kaya wala nang magagawa doon. Kawawa naman daw yung ale, pero bakit naman daw kasi isang camera lang ang ginamit, sabi ng nanay ko. Bakit daw kasi hindi nag-iingat sa pagtanggal ng film. Tapos nagluto ang nanay ko ng tinapang bangus, tinapang bangus, masarap na tinapang bangus.

Kilala din siguro ng mga batang sumakay sa bus noong isang araw si Kuya Bodjie. Nakalagay sa damit na suot ng isa sa kanila: Batibot, at nakalagay sa sobreng inilagay niya sa kandungan ko ang mga salitang "Para po sa pag-aaral namin." Ngumiti siya nang iabot ko sa kanya ang sobreng nilagyan ko ng limang piso. Naalala ko yung ngiti ng mga bata kapag Batibot na. Pagmulat ng mata, laging nakatawa sa Batibot. Tayo nang magpunta tuklasin sa Batibot ang tuwa, ang saya. Doon sa Batibot tayo na tayo na mga bata sa Batibot maliksi, masigla. Doon sa Batibot tayo na tayo na! Mga bata sa Batibot tenunenunenungneng maliksi't masigla!

Malamang kilala din ng mga batang nakita ko sa Aurora noong isang araw si Kuya Bodjie. Kayang kaya kaya nilang pumasok sa dyip kahit paandar na ito? Kaya nila! Kayang kaya kaya nilang lumuhod sa sahig ng dyip at punasan ang nangingilag naming sapatos? Kaya nila! Kayang kaya kaya nilang tumingin sa mata namin habang nanghihingi sila sa amin ng pera? Hindi nila kaya. Itinapat lang nila sa amin ang kanilang mga palad, umaasang alam na namin ang dapat naming gawin. Kayang kaya ko kayang maglabas ng limang piso mula sa aking coin purse? Hindi ko kaya. Sinabihan na kasi sila ng ale: "Umuwi na kayo!". Sinabihan na kasi sila ng mama: "Sabihin niyo sa mga nanay niyo, putang ina nila!". Kayang kayang bumaba ng dalawang bata sa dyip. Kayang kaya ng jeepney driver na paandarin ang sasakyan, palayo sa mga batang kayang kaya pa kayang sumakay uli sa dyip at gawin ang ginawa nila?

Tinatanong mo siguro kung bakit umiiyak si Kuya Bodjie sa teleseryeng It Might Be You. Ganito yun: Sa kanya kasi isinisisi ni Machete (Si Machete yun, sigurado akong si Machete yun) ang mga problema ng pamilya nila. "Hindi totoo yan!" sabi ni Kuya Bodjie. Tapos umiyak siya. At tumawa nang tumawa ang kapatid ko. "Umiiyak si Luis," sabi niya.

Thursday, September 16, 2004

Usapan

Ang sabi ko:

Kng d man kundman ang kllbsn ng pkkpaglbn, kkyanin kya nting klasgin ang kkrmpot n klgyhn? Kktwa ang klgyan ng ating ktwan at pgkkkilan2. Kkausapn kta, kkibganin, kklamyin ang klooban kpag khrap ang kpighatian. Kkbo kb o kklabutan kng kklatisin kta?

Ang sabi niya:

K

Tuesday, September 14, 2004

Caffeine
Isang hindi magandang adaptation ng tula ni Angelo Suarez

Mga kababayan,
Mga kapamilya at kapuso
Mga kapanalig ko forever at for life,
Samahan niyo akong magbigay papuri
Sama-sama tayong
Magrejoice

Sumusunod, sa galaw mo, sumusunod, sa galaw mo
Pag wala ka ikaw ang hinahanap ko
Sumusunod

Dahil hindi mo ako kilala, Joanne,
Dapat kang kabahan

Kabahan ka dahil habang ika'y natutulog,
Maaaring ako ang buwang nakadungaw sa iyong bintana,
Parang isang boserong nangungulila

O kaya ang kinakalawang na patalim o kutsilyo kapag
Nagbabalak kang magpakamatay sa pamamagitan
ng isang mabilis na paghiwa o pagtaga

Dahil, paggising mo,
Baka ako na pala ang toothbrush na tahimik na nakalambitin sa inyong banyo
O ang cotton bud na nananabik na tanggalin ang alikabok
at tutuli sa iyong mga tenga

Parang nagsasabing pansinin mo ako...
(sabay sabay tayo!)
Sumusunod, sa galaw mo, sumusunod, sa galaw mo
Pag wala ka ikaw ang hinahanap ko
Sumusunod

Dahil baka nariyan lang ako anumang oras o lugar
Baka ako ang kahit sino't kahit anong hindi mo inaasahan

Ang mayonaise sa iyong tinapay; ang moth balls sa iyong kabinet
Ang bula sa iyong gatas; ang reta retasong anino ng gabi;
Ang pasas na ayaw mong kainin; ang mga katok ng patak ng ulan;
Ang paglubog ng tubig sa inyong kubeta; ang buhok sa iyong ilong;
Ang iyong labi, ang iyong nunal, itim na buhok at itim ng mata;
Puting ngipin at pulang gilagid, ang iyong anit, ang iyong balat;
Kahit ang kuko mo sa paa.

Ang nakakatakot, Joanne, ay hindi mo alam
Kung kailan, kung paano magaganap ang pag-atake
Maingay o tahimik-
Armada ng bubuyog, malakas na hangin, sarikulay na paper clip,
glow-in-the-dark nail polish, o baka isang maitim at nakakikilabot na ulap
kapag may bagyong parating,
Nagbabantay sa lilim ng madilim na langit,
Inaantay ang tamang oras ng pagpatak.

Parang nagsasabing pansinin mo ako...
(all together now)
Sumusunod, sa galaw mo, sumusunod, sa galaw mo
Pag wala ka ikaw ang hinahanap ko
Sumusunod

Puwede akong
Maging ang basang medyas sa iyong basang paa
Sa iyong basang sapatos

Puwedeng ako
Ang kulay-ihing likido sa loob ng bote
ng Mountain Dew

Puwedeng ako
Ang clip na nakapisil
Sa iyong buhok, o

Ang isang piraso ng kanin sa iyong labing
Parang puti at nangungulilang lotus
Sa tahimik na sapa ng dugo, pulang pintura at pulbos ng ratiles.

Pakiusap, huwag mong punasan ng panyo ang iyong bibig-
Dilaan mo na lang ang iyong labi at ika'y
LUMUNOK

Parang
Parang
Parang

May anghel sa iyong labi
Na nakalutang sa ulap
At nangingiliti
Kung ang alat at asim ng buhay
Ay tulad ng hain ko sa yo mahal,
Suspetsa ko ang mundo'y
Magiging mapayapa
At masaya