Sunday, June 13, 2004

Ctrl+Alt+Delete

Kanina, habang binubura ko ng backspace sa Microsoft Word ang isang panget na tulang sinusubukan kong isulat, nakita ko ang kapatid kong pinupudpod ang pambura ng bago niyang Mongol sa isang pirasong papel. Paborito niyang gawain ang ganoon – kapag hindi niya nagustuhan ang isinulat niya ay agad niya itong binubura at pinapalitan.

Pagagalitan ko sana siya dahil Diyos ko, napakamahal ng papel at lapis ngayon pero nagawa kong hindi maging killjoy. Nagulat ako dahil napigilan ko ang sarili kahit na noong bata ako, kapag ginagawa ko ang ginagawa niya ay wala akong ibang marinig sa nanay ko kundi Diyos ko, napakamahal ng papel at lapis ngayon. Hinayaan ko muna siyang maniwala na kapag may nagawa siyang pagkakamali, puwede siyang gumamit ng pambura bilang reset button. Ngayong pinag-iisipan ko ang mga nangyari, nakikita kong mali ang ginawa kong iyon.

Balang araw malalaman niya rin ang nalalaman ko, at ang nalalaman ng isa ko pang kapatid na naikuwento ka na rito. Nagtext siya isang araw na nagdrop na siya sa PUP nang hindi namin alam, at kasalukuyang naghahanap ng trabaho. Nakahanap naman siya, at ilang buwan din siyang naging tagabalot ng regalo sa isang tindahan ng school supplies at gift items sa Guadalupe. Libre ang mga giftwrapping gimik na ganoon, kaya maghapon siyang naggugupit ng papel at scotch tape, naglalagay sa kahon ng mga stuffed toy, photo album, laruan at kung anu ano pang regalong hindi niya naranasang matanggap kahit kailan.

Pagkatapos ng unang linggo ng bagong taon, isa-isa silang pinatawag ng kanilang amo. Ibinigay ang kanilang suweldo para sa payday na iyon, kasama ang balitang iyon na ang huling araw ng kanilang pagtatrabaho. Tapos na ang gift giving season, at hindi na kailangan ang mga tagabalot ng regalo. Umuwi siya sa aming may dalang bagong damit at groceries. Regalo niya daw sa sarili, na binili niya gamit ang kanyang huling suweldo.

Pagkatapos noon, ilang buwan siyang naging taong-bahay. Gumigising siyang nag-iisa dahil pumasok na ang lahat. Makikipagtitigan sa mga sementong pader habang umiinom ng mainit na Milo. Pagkatapos ay huhugasan ang aming mga pinagkainan, mga bakas ng aming nagmamadaling pag-alis.

Nang dumating si Greg sa bahay namin (yung paring nakitira sa amin bilang bahagi ng kanyang immersion program), ikinuwento niya sa kapatid ko ang tungkol sa isang scholarship na ibinibigay ng isang kumbento. Ang siste, papag-aralin ka ng mga madre, kasama ang free board and lodging sa kanilang dormitoryo kapalit ang iyong serbisyo. Maghuhugas ka ng pinggan, magsisilbing receptionist sa kanilang opisina, at tutulong sa iba pang mga gawain. Working student ka na stay-in. Nawalan ng trabaho ang tatay ko, at ako nama’y kakapiranggot ang suweldo dahil sa sallary deductiong dulot ng aking page-MA kaya kinagat namin ang mungkahi ni Greg.

At ngayon nga’y naroon ang kapatid ko, nakikipagtitigan sa sementong pader ng kanyang dormitoryo. Mataas pa daw sa kaniya ang tambak ng platong kanyang hinuhugasan. Malakas daw magpatugtog ng radyo ang kanyang roommate at manipis ang kanyang kumot. At may konting problema daw dahil nabanggit niyang wala siyang planong magmadre pagkatapos ng kanyang “scholarship”.

Kapag binabasa ko ngayon ang mga text niya ay naaalala ko ang mga pagkakataong nakikita ko siyang naglalaro ng counterstrike para labanan ang mga terorista, ang inip at ang walang hanggang pagratrat sa kanyang isip ng mga nasirang pangarap. Sa larong iyon, kapag hindi mo na gusto ang takbo ng laban ay puwede mong pindutin ang butones na + para magsimulang muli ang round.

Sa aking guni-guni, nakikita ko siyang pinipindot nang paulit-ulit ang butones na iyon, habang ang puso ko’y nagagasgas na parang papel sa ilalim ng walang hanggang paghagod ng magaspang na pambura.

ANG SABI NILA
Rofel G. Brion

Ang sabi nila,
“Sa bawat kirot
Na iyong madama
Sa bawat dusa
Na iyong kasadlakan,
Makatawa ka lamang,
Makabangon ka lamang
Nang, sa simula,
Kahit babahagya,
Higit kang tatatag,
Higit kang liligaya.”

Ngunit kuyumin
Mo ang rosas,
Higit bang gaganda?
O masuhin
Mo ang bato,
Higit bang titigas?

Maaari nilang sabihin,
“Kaya nga ang tao
Naiiba,
Nakahihigit
Sa rosas at bato.”

Maaari nilang sabihin.

Wednesday, June 02, 2004

Sa pelikulang Tag-ulan sa Tag-araw, naglalakad si Christopher de Leon sa tabing dagat, habang iniisip: “Bakit ba yumayakap ang alon sa dalampasigan kahit alam nitong mababasag siya? Katulad niya ba akong naghahanap ng katalik na dalampasigan kahit mababasag rin?”. Saka niya makakasalubong ang dalagitang si Vilma Santos, at hihinto ang lahat sa paligid. Commercial.

Astig. Tumingin ako sa paligid at naghanap ng matatanong ng “Nakita mo yon? Narinig mo ba yon?”. Pero wala akong nakita kundi ang aso ng kapitbahay naming nanonood rin mula sa aming pinto, nakatingin sa commercial ng Moby hotdog.

Nasaan na ba ang gumagawa ng mga pelikulang ganoon? Ngayon kapag tinitingnan ko ang love story section ng Video City, ang nakikita ko ay si Sharon Cuneta, kapartner ni Diether Ocampo. Hello? Sa Silverscreen floor ng Mega Mall, si Aga Muhlach at si Christine Hermosa, nagpapagulong gulong sa tabing dagat kapag hindi kumakain ng corned beef at nagpapakaaliw sa Dairy Cream. Sa TV kanina, yung anak ni Bong Revilla at si Shaina Magdayao at ang kanilang lambingang masahol pa sa pirated na pelikula sa pirated na VCD player. Sa primetime, si Hero (pirated na Vic Zu) at si Sandara (na pagkatapos ng ilang buwang pagwoworkshop, wala pa ring ibang masabi kundi “Mahal ko kayo!”). Diyos ko, bakit ba penitensiya na ang panonood ng love story ngayon?

Inaasam asam ko ang panahong ang pagtingin sa dalawang artistang naglalambingan ay sapat na para makalimutan ng manonood ang presyo ng bigas. Ayoko, isinusumpa ko, isinisinga ko, isinusuka ko, ang panahon ngayon kung saan mas masarap pang tumae kaysa manood ng kissing scene.

Tuesday, June 01, 2004

Mga Kuwentong Wala Lang
(ninakaw ang ilang bahagi kay Garon)

Isang umaga, isang manong ang nagmamaneho sa isang kalsadang katabi ng bukid. Ang pangalan niya ay Richard Gomez. Ang ganda ng kotse niya, mas maganda pa sa pagdungaw ng araw sa balikat ng mga bundok. Maganda na sana ang lahat, kodak moment, pangpostcard, nang bigla siyang masiraan. Anaknamputsa, wala pa namang ibang puwedeng tumulong sa kanya, kundi ang mga kalabaw na nagbababad sa putik. Tiningnan niya ang makina, hindi niya alam kung anong problema. Isang kalabaw ang bumangon mula sa putikan, at naglakad papunta kay Richard Gomez. Tsong, anong problema? Sabi ng kalabaw. Hindi ko alam e, sabi ni Richard, nagtataka. Patingin nga, sabi ng kalabaw. E nagoverheat na ang radiator mo, sabi nito, pagharap sa makina ng kotseng maganda pa sa araw na dumudungaw sa balikat ng bundok. Ganun ba? sabi ni richard. Sige tsong, may gagawin pa ako, e, sabi ng kalabaw. At naglakad na ito palayo.

Maya-maya, dumating si Tandang McDonald, ang may-ari ng bukid, e i e i o. Manong! Sabi ni Richard. Ikaw ba ang may-ari ng mga kalabaw dito? Oo! Sabi ni Tandang McDonald, ang may-ari ng bukid, e i e i o. Sabi pa ni Richard, e yung isang kalabaw kanina, naglakad papunta dito, tapos sinabi sa akin kung anong problema ng kotse ko. Ganun ba? sabi ni tandang McDonald, ang may-ari ng bukid, e i e i o. Si Jake yun. Wag kang maniwala dun dahil walang alam sa kotse yun. At naglakad palayo si tandang McDonald, ang may-ari ng bukid, e i e i o.

***

Pinara ni Richard ang mga kotseng dumadaan, pero hindi humihinto. Hindi ba nila ako kilala? Ako si Richard Gomez! Manang! tawag niya sa aleng nagtitinda ng taho. Bibili ka ba? sabi ng manang. Hindi po. Magtatanong lang. Sabi ni Richard Gomez. Letse! Sabi ng manang. Hindi niyo ba ako kilala? ako si Richard Gomez!

Dumaan naman si neneng. nakabakyang luma at kupas na. Ayuz, sabi ni richard gomez. Miss! Puwedeng magtanong? Hindi. Sabi ni Neneng, at nagpatuloy maglakad, gamit ang bakya niyang luma at kupas na. Pero ako si Richard Gomez!

***

Sa wakas, may dumating na taxi. at pinara ito ni Richard Gomez. Saan po tayo ser? Tanong ng driver na kamukhang kamukha ni Richard Gomez.